Chapter 30: Katapusan

46 2 0
                                    

TATLONG BUWAN ANG LUMIPAS SIMULA NG MANGYARI ang malaking dagok sa kanilang buhay. Dahan-dahang umupo si Rina sa damuhan. Pinunasan niya ang lupang nasa lapida gamit ang kaniyang kamay. Nilapag niya ang bulaklak na binili niya kanina sa gilid ng lapida. Napapikit nalang siya sabay tulo ng kanyang mga luha.

"Raul..." mahinang anas niya at saka tuluyang umagos ang luha niya.

"Ang daya mo naman. Bakit ka hindi ka lumaban? Sabi mo mahal mo ako. Sabi mo magsasama pa tayo pero bakit mo ako iniwan? Ito ba ang ganti mo sa akin noon dahil hindi kita sinagot? Grabeng ganti naman ito Raul! Ang sakit dibdib!"
Natatawang sabi niya habang patuloy pa rin ang agos ng luha.

"Gusto naman din kita kaso alam mo namang marami akong problema noon kaya hindi ko nagawang unahin pa ang sarili ko. Patawad kung hindi ko kaagad inamin sa iyo. Patawarin mo ako kung ngayon ko lang nasabi sa iyo..."

"Ngayon ko lang nasabi sayo kung kailan wala ka na..."

"Ang tanging maipagmamalaki ko lang ay sa dami ng lalaking nakilala ko at dumating sa buhay ko, walang makakapantay sa iyo. Hindi ko maiwasang maipagkumpara sila sayo dahil iba ka. Iba ka sa lahat. Sa iyo ko nadama ang tunay na pagmamahal Raul. Sa iyo lang. Ni minsan hindi nawala ang pagmamahal ko sa iyo dito sa puso ko."


Pinunasan niya ang kaniyang mga luha at saka hinubad ang suot ng jacket, pagkatapos ay nilatag niya ito sa damuhan at doon nahiga sa tabi ng puntod ni Raul. 

"Kung nabubuhay ka lang sana ngayon, magkatabi tayo lagi sa pagtulog, lagi tayong magkasama, lagi tayong sabay  kumain pero wala eh. Kaya naman ganito na lang ang gagawin ko tuwing dadalaw ako sa iyo, tatabihan kita kahit saglit. Dahil sa ganitong paraan pakiramdam ko katabi kita. Wala akong pakialam kung may makakita man sa akin basta matabihan kita ayos na ako."

Sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi. Dahan-dahan niyang pinikit ang kaniyang mga mata at dinama ang simoy ng hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Iniisip na lang ni Rina na kasama niya ngayon si Raul. Labis ang pasasalamat niya sa lalaki dahil sa kabila ng lahat ay patuloy pa rin siyang minahal nito at ni minsan ay hindi nagawang umibig sa iba dahil sa pagmamahal sa kaniya. Mayroong parte sa kaniyang sarili na nagsisi kung bakit hindi niya pa sinagot si Raul noong nanliligaw ito sa kaniya noon. Siguro kung nagawa niya iyon ay hindi naging masalimuot ang buhay niya dahil alam niyang hindi siya pababayaan ni Raul. Si Raul ang klase ng lalaking mamahalin ng lahat ng babae.

Sa gilid niya ay nakatayo ang kaluluwa ni Raul.  Masaya itong pinagmamasdan siya. Hinaplos ni Raul ang kaniyang buhok.  Ilang segundo na pinagmasdan siya ng lalaki hanggang sa tuluyan na itong maglaho. Napangiti na lamang si Rina ng maramdaman niyang tila ba may humaplos sa kaniyang buhok.

Napadilat ng mata si Rina dahil may yumakap sa kaniya. Pagkatingin niya, si Bea pala ito. Bumangon siya mula sa kaniyang pagkakahiga.

"Tapos ka ng kausapin ang puntod ng Papa mo?" Kaagad na tanong niya rito. Tumango naman si Bea.

"Opo Mommy. Sinabi ko sa kaniya na kahit ganoon ang ginawa niya pinatawad ko pa rin siya. Ayoko po kasing mag-iwan o magkaroon ng galit sa puso ko sa kaniya Mommy dahil masama po iyon at siya pa rin ang ama ko. At isa pa, wala na siya. Respeto ko na lang sa kaniya iyon."

Ngumiti si Rina. "Tama 'yan anak. Huwag mong hahayaang magkaroon ka ng galit sa puso mo. Dapat matuto kang magpatawad kahit gaano pa kalaki ang ginawang kasalanan sa iyo ng isang tao. Kahit gaano kahirap magpatawad," wika niya sabay yakap kay Bea.

"Oh siya tara na anak. Aalis na tayo. Sa susunod na lang ulit." Yaya niya kay Bea  sabay tayo.

Muli niya munang sinulyapan ang puntod ni Raul  bago tuluyang naglakad palayo.

"MABUTI AT NAIBENTA NIYO ang bahay na iyon," wika ng ina ni Reyzalyn. 

"Oo nga eh. Sa totoo lang nawalan din ako ng pag-asang maibenta iyon kasi nga 'di ba alam mo namang hindi naging maganda ang mga pangyayari iyon pero salamat pa rin kasi may bumili. Gagawin daw na shop iyong bahay na 'yon sabi ng bagong may-ari. Bilihan ng mga beauty products."

"Ah ganoon ba. Eh 'di mas mainam iyon may pagkakakitaan ang may-ari."

"Ma-mi-miss po namin kayo Ate Rina, lalo ka na Bea," saad ni Reyzalyn  sabay yakap kay Bea.

"Kayo rin ma-mi-miss namin kayo. Salamat sa lahat ng tulong ninyo. Sa ngayon magsisimula kami ng panibagong buhay. Kakalimutan namin lahat ang masamang pangyayari na naganap samin. Kapag natapos na yung bahay na pinapagawa namin, puwedeng-puwede kayong bumisita roon."

Namilog ang mata ni Reyzalyn.  "Talaga po?"

Ngumiti si Rina. "Oo naman. Kahit anong oras o araw basta't sabihan niyo lang kami."

"Maraming salamat po Ate Rina!" Masayang sabi ni Reyzalyn.

Nagpaalam na ang mag-ina na uuwi na sila dahil marami pa silang aasikasuhin. Tinanaw na lang ni Reyzalyn  ang mag-ina habang naglalakad papalayo hanggang sa makasakay ito. Bumuntong-hininga siya.

Napakagaan ng pakiramdam  niya. Sinara niya ang gate at saka naglakad patungo sa loob ng kanilang bahay. Pinagmasdan niya ang kanyang pamilya. Napakaswerte niya dahil buo ang pamilya niya. Masaya siya dahil  nagkaayos-ayos na rin silang magkakapatid. Naging malambing na sa kanilang dalawa si Ate Rebecca  niya.

Lagi siya nitong niyaya sa kuwarto nito upang makipagkuwentuhan o 'di kaya ay maglalaro sila ng online games. At kung minsan naman ay nagtutungo ito sa kwarto niya para lang magpalipas ng oras o kaya ay matulog. Napangiti siya dahil sa wakas masaya na ulit sila.

"Bunso halika na kumain na tayo! Tikman mo ang luto ko!" tawag  sa kaniya ni Rebecca  habang isinasalin sa lagayan ang niluto nitong ulam.

"Ano po yan Ate?" tanong niya at saka kaagad na lumapit  kay Rebecca.

"Adobo ala Rebecca!" Pagmamayabang nito sabay lapag ng ulam sa lamesa. Bigla siyang natakam.

"Wow ang bango! Mukhang masarap nga!" sabi ni Razelle  habang nagsasandok ng kanin.

"Syempre ako nagluto eh!" Ani Rebecca  sabay tawa ng malakas.

"Thank you Ate! Kakain na ako ah?" sabi ni Reyzalyn  sabay sandok ng ulam.

Masayang pinagmasdan ng kanilang mga magulang silang tatlong magkakapatid. Masaya sila dahil muling nagbalik ang samahan nila noong mga bata pa sila.

Kahit ano mang pagsubok ang dumating sa kanilang buhay ay hinding-hindi matitibag ng mga ito ang tibay ng kanilang pagsasama at pagmamahal sa bawat isa dahil kahit anumang away ang maglayo sa kanila sa isa't isa, magkakaayos pa rin sila dahil yun ang tunay na pamilya. Sa bandang huli, pamilya pa rin ang magsasama-sama at magtutulungan.

Wakas...

BunsoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon