Mainit ang pakiramdam ni Aning kaya nagpasya siyang lumabas ng bahay nang gabing iyon. Tumambay saglit at tinitingnan ang langit. Maliwanag ang buwan at napakaraming bituin ang kumikislap na nakakadagdag sa kagandahan ng kalangitan kahit na madilim.
Nakatayong nakatingala si Aning nang makita siya ng kaniyang ina na nakasilip sa bintana.
“Aning, ano ang ginagawa mo riyan sa labas?” tanong nito sa anak.
Nilingon ni Aning ang ina. “Nag-iisip lang po, inay,” nakangiti niyang sagot dito.
“Ano naman ang iniisip mo? Kung kailan ka makapupunta ng langit?”
“Heto na naman si Nanay. Sinisimulan na naman akong biruin.” Kunwaring naiinis siya sa ina.
Hindi pa kuntento ang kanyang ina. Lumabas ito saka tinabihan siya.
“Eh, kanina ka pa nakatingala sa langit. Ano? Hinahanap mo ba ang bituin na para sa iyo?” Siniko pa nito ang anak.
“Nanay talaga? Bakit ko hahanapin?”
“Siyempre, lahat tayo may mga pangarap na bituin. Eh, ’yung akin, dumaan lang. Nanatili sandali saka umalis din. Hindi ko alam kung kailan babalik.”
“Si papa po ba ang tinutukoy n’yo?” Tinanguan siya ng kanyang ina. “Kung ganoon, hindi mo na makikita ’yung bituin mo kasi dumating na pero umalis din,” biro din niya sa kaniyang ina.
“Mali ka pa rin anak. Para sakin, bawat tao may kanya-kanyang bituin na nais makuha o maabot. Nawala ’yung akin pero tiyak naman na may darating pang bagong bituin para sa akin.”
“Ako kaya, Nay. Kailan kaya darating ’yung para sa akin. Pero ayaw ko ’yung kagaya n’yo na bituin na dumaan lang tapos iiwanan ako. Gaya ni papa.Gusto ko ’yung bituin na isasalba tayo sa kahirapan. Gusto ko rin naman makatapos at makatulong sa inyo.”
“Sipag at tiyaga, anak. Iyan ang kailangan mo para makamtan mo ang iyong pangarap na bituin. At syempre, samahan ng tiwala at pananalig sa itaas. Huwag mong iasa sa lalaki ang pangarap mong makaahon sa kahirapan.”
“Ang ganda namang sagot iyan, ’Nay. Pero hindi po ako ng naghahanap ng lalaking mag-aangat sa akin sa kahirapan. Ang bituing tinutukoy ko ay ang bagay na maari maging paraan ng pag-angat ko.” Niyakap nito ang ina. “Eh pero, ’Nay, graduation ko na sa susunod na dalawang buwan. Dito pa rin ba ako magkokolehiyo?”
“Puwede naman. Pero kung sa tingin mo ay mas hahasa ang kaalaman mo roon sa maynila, ayos din naman iyon.”
“Kaya n’yo po ba? Naglalabada lang po kayo at sabi mo nga po kaunti pa lang po ’yung naipon mo.”
“Kaya ni Nanay iyan. Para sa iyo, kakayanin ko. Walang hindi kayang gawin ang isang ina para sa anak. Kung kailangan kong gumapang ay gagawin ko para sa iyo.”
“’Nay, ayaw ko naman po na gumapang kayo. Paano kung gagapangin n’yong daan ay lubak-lubak. Ayaw ko po n’on. Masakit po sa akin na makita ang aking Ina na nahihirapan dahil sa akin.”
“Eh, sa ganiyan talaga ang papel ng isang ina.”
“Ang gusto ko po, ’Nay. Sabay tayong gagapang. Malubak man o maayos na daan ang tatahakin natin. Basta't kasama ko kayo. Magagawa natin iyon,” buong pagmamahal niyang saad sa kaniyang ina.
“Pero Aning, hindi sa lahat ng oras ay kasama mo ako. Pagdating ng araw, kakailanganin mong magdesisyon ng mag-isa. Maniwala ka lang sa sarili mo at magagawa mo ito nang maayos.”
“Sige po. Pag-iisipan ko kung mananatili ako rito o sa maynila po ako mag-aaral.”
Nasa kalagitnaan sila ng kanilang pag-uusap nang biglang nag -brown out.

YOU ARE READING
Incompatible
RomanceAning and Zuriel Love Story Hindi raw sila talo pero puso nila'y hindi nagpatalo