Pagkalipas ng anim na taon, muling binalikan ni Aning ang mga nangyari noong high school pa siya. Umuwi siya sa kanilang lugar para magbakasyon. Naalala pa niya noon ang naging pag-uusap nila ng kaibigang si Rhea.“Ang daya mo naman, Aning. Iiwanan mo ako rito. Akala ko ba magkasama pa rin tayo hanggang sa kolehiyo.”
Niyakap ni Aning ang kaibigan. Alam niyang malulungkot ito dahil napagpasyahan niyang sa maynila na magkolehiyo.
“Rheang, mas gusto ko kasi roon. Puwede akong magtrabaho habang nag aaral. Alam mo naman, tumatanda na si Nanay at kami na lang ang magkasama sa buhay. Kaya para hindi siya mahirapan, mag-wo-working student ako.”
“Hmp!” Nagtatampo pa rin si Rhea sa kanya. “Kainis naman, eh.” Maya-maya sabi nito. “Ma-mi-miss kita, Aning.”
“Ako rin. Mamimis din kita. Hiling ko lang na maging masaya ka lagi lalo na't lagi mong nakikita si Zuriel. ’Yung crush mo,” Sinabayan pa ni Aning ng ngiti ang kaniyang sinabi.
“Iba pa rin kapag nandito ka. Ikaw nga itinuturing na Girl Friend niya dahil sa kaniyang mga barkada.”
“Ano ka ba? Gawa-gawa niya lang iyon. Hindi naman kami bati ng crush mong iyon. Ayaw ko sa kanya,” sabi nito sa kaibigan.
“Ah, basta! Kapag naroon ka na, tumawag ka lagi sa akin ha?”
“Oo. Gagawin ko ’yan.” Hinawakan niya ang magkabilang kamay ni Rhea at saka ngumiti.
Ngayon ay nasa dalawampu’t isang taong gulang na siya at kasalukuyan pa ring nag aaral. Huminto siya ng isang taon para pansamantalang magtrabaho sa maynila nang malaman niyang nagkasakit ang kanyang ina. Bumalik na lang noong medyo nagkaluwag-luwag na ngunit patuloy pa rin siya sa pagtatrabaho.
“Aning, halika na't kumain. Ang layo ng ibinyahe mo kaya siguradong gutom ka na,” tawag ng kaniyang ina, dahila upang mahinto ang kaniyang pagbabalik-tanaw.
“Kayo po, ’Nay? Sabayan n’yo na po ako.”
“Abay, siyempre! Matagal kitang hindi nakasama kaya sasabayan talaga kita. Hala sige, kain na.”
“Plato n’yo po . . .” Inabutan niya ng malaking plato ang kanyang mahal na ina.
“Bakit naman ’yung malaking plato ang ibinigay mo sa akin?”
“Para po maraming mailagay na pagkain. Ang sexy n’yo na rin po. Baka nga kayo na naman ang madala ng hangin niyan dahil sa kapayatan n’yo.”
“Naku, huwag kang mag-alala. Maraming puno ang narito sa atin. Kahit saan ka lilingon, mayroon. At hindi na rin nahihirapan ang mga tao kung aalis kasi may traysikel na puwedeng masakyan papuntang sentro.”
“Opo nga po. Marami nang nagbago simula noong lisanin ko ang lugar na ito.”
Huminto muna sila sa pag uusap para bigyang daan ang kanilang pananghalian. Pero maya-maya ay muling nagsalitanang kanyang ina.
“Kailan ka ba babalik sa maynila?”
“Pagkatapos po ng isang linggo. Maikli lang po kasi naging bakasyon namin sa school kaya hindi po ako puwedeng magtagal.”
“Sana hindi ka na muna umuwi. Pagka-graduate mo na lang sa kolehiyo para isahan na at siguradong magtatagal ka rito.”
“Hayaan n’yo na po ako. Gusto ko na po kayong makita.”
Saka tumahimik ulit.
“Ah! ’Nay, aalis po ako. Dadalawin ko si Rhea. Susulutin ko nang makasama siya ngayong araw. Mamamalagi naman po ako rito sa bahay para sa iba pang natitirang araw ng bakasyon ko. Matagal ko po kayong hindi nakasama.”

YOU ARE READING
Incompatible
RomanceAning and Zuriel Love Story Hindi raw sila talo pero puso nila'y hindi nagpatalo