Nakaupo ako sa isang lumang swing sa dating palaruan ng aming bayan. Hawak ko sa aking kanang kamay ang anim na piraso ng bulaklak na pinitas ko lamang sa harap ng bahay ng mayaman naming kapit bahay. Tangan ko naman sa aking kaliwang kamay ang isang parisukat na laruan na mayroong iba't ibang kulay, na ilang beses ko ng sinubukang buuin subalit kahit anong ikot ang gawin ko ay hindi pa rin umubra. Napabuntong hininga na lang ako sa pagsuko, "Haaay. Parang buhay ko naman ito. Kailan kaya ito maayos?"
Wala pa ring pinagbago ang lugar na ito bagamat eksaktong isang taon na ang nakakalipas ng huli itong binuksan sa publiko, maliban na lamang na nagkalat ang mga tuyong dahon sa paligid at ang alikabok sa ibabaw ng mga laruan. Sampung taon na ako subalit maliit ako para sa aking edad kaya madali akong nakalusot sa butas sa likod ng puno sa dulo ng parke, ito rin ang dahilan kung bakit hindi ako nahuli ng gwardya ng aming kapitbahay ng namitas ako ng bulaklak na dadalhin ko sa aking mga magulang.
Tiningnan ko ang aking relos, limang minuto na lang bago mag alas kwatro, limang minuto na lamang at anibersaryo na ng trahedyang nagpabaliktad sa aking masayang mundo at umagaw sa aking pagkabata, ang trahedyang kumitil sa aking mga magulang. Lumipat ako ng pwesto at umupo sa lupa na malapit lang din sa swing.
Isang taon na ang nakakaraan ngunit sariwa pa rin ang lahat sa likod ng aking murang isip. Dito mismo sa lugar na ito, habang nagkakasiyahan ang bawat pamilya ay nabali ang bakal na nagsisilbing suporta sa padulasang pinaglalaruan ko noon, at ang aking mga magulang, na noon ay nag-aabang sa aking pagbaba ay nadaganan ng mga bakal.
Nagkalat ang dugo, malansa, umaalingasaw. Kumikirot ang aking ulo, pati na ang mga sugat sa katawan ko sanhi ng pagbagsak, pero binalewala ko iyon at tumakbo papunta kina mama at papa. Pilit kong niyuyuyog ang kanilang katawan para magising sila, ngunit walang epekto. Humahagulgol na ako kahit hindi ko alam kung ano ang nangyayari, basta't alam ko lamang noon ay kailangan nilang magising. Kiniliti ko sila, gaya ng madalas nilang gawin sa akin kapag ako ay nagtutulog-tulugan, ngunit wala pa rin. Napansin kong hawak pa rin ni papa ang laruang binigay niya kanina lamang sa akin para sa aking ikasyam na kaarawan.
Nagsimulang tumulo ang luha ko sa pag-alala sa pinakamasakit na bahagi ng aking buhay. Isang taon na subalit ganoon pa rin katindi ang sakit, tulad noong sabihin nila na hindi na gigising pa ang aking mga magulang kahit kailan.
October 31, 2000.
Ang nararapat sanang masayang kaarawan ay naging mapait na araw para sa akin. "Sana hindi na lamang espesyal ang mga birthday, sana kasama ko pa kayo," bulong ko.
Nilapag ko ang bulaklak sa lupa, tigatlo sila. "Ma, Pa. Wala ng silbi ang birthday ko kung wala kayo." Humagulgol na ako sa mga tuhod ko habang kinakausap ang aking mga magulang kahit alam kong hindi sila sasagot. Hindi ko magawang magcelebrate ng kaarawan dahil napalitan na ito ng maskit na alaala.
"Uy bata, bakit ka umiiyak? Hindi mo ba mabuo?," tanong saakin ng kung sino.
Hindi ako nag-angat ng mukha pagkat ayokong makikita ako ng ibang tao na umiiyak. Okay lang na marinig nila yung pagsinghot at paghagulgol ko pero hindi nila ako pwedeng makita.
"Uy bata, wag ka ng umiyak. Tuturuan kitang buuin yan. Tumahan ka na," muling sambit nito at umupo pa sa tabi ko at hinagod ang likod ko.
Pinunasan ko ang mga luha gamit ang damit ko bago nag-angat ng tingin. Nagulat ako ng makita ang isang magandang batang babae na nakangiti ng napakalapad sa akin. Maputi sya, matangkad at halatang anak mayaman. Sa tantya ko ay matanda sya sakin ng dalawa hanggang apat na taon. Kumunot ang noo nya at dumukot sa bulsa nya.
"Ano ka ba? Hindi damit ang pinamumunas sa luha no?," sabi nya at ipinunas sa aking mukha ang isang maliit na panyo na may tatak na Minnie Mouse. "Tingnan mo, ang dumi na tuloy ng damit mo," pagtutuloy nya. Nang tumigil sya sa pagpunas sa mukha ko ay ngumiti sya at iniabot saakin ang panyo. "Sa'yo na 'to. Gamitin mo pag iiyak ka. Hihihi," sabi nya at humagikgik pa.
Napangiti ako sa kacutan nya. Teka, ngayon na lang ako ulit ngumiti ah. Kahit anong pilit nilang patawanin ako matapos ang trahedyang iyon ay di sila nagtagumpay. Naging mahiyain at palasimangot ako. Malayo sa dati na bibo,masiyahin at palakaibigan.
"Gwapa ka pala kapag hindi umiiyak e," nakangiting sabi nya na nakatitig sakin. "Hindi mo ba kukunin to? Nangangalay na ako e," ngumuso sya sa pagkakataong ito kaya't inabot ko na ito sapagkat napahiya ako.
"Salamat." Yun lang ang nasabi ko sa kanya.
"Wow. Hindi ka pala pipi. Hahaha." May pagtakip pa sya sa bibig nya habang tumatawa. Napakunot noo naman ako sa sinabi nya. "Hala. Joke lang," sabay peace sign. "Halika tuturuan na kitang buuin yan. Baka umiyak ka ulit e," sabi nya at hinila ako papunta sa swing.