Chapter 21

998 24 0
                                    

"Huwag na huwag kang lilingon kapag may sumitsit sa iyo! Huwag na huwag kang lilingon kapag may tumawag sa pangalan mo ng isang beses lang hintayin mong tawagin ang pangalan mo ng tatlong beses dahil iyon ang nagpapatunay na tao ang tumawag sa iyo!"

Chapter 21

Circle of Murderer

NAPAG-USAPAN naming sabay-sabay kaming pumasok ng school upang hindi mapahiya dahil alam naming lahat ng mata ay nakatingin na naman sa amin. Hindi nga kami nabigo dahil sa bawat paghakbang ng aming mga paa at sa bawat paghinga namin ay minamatyagan ng mga taong nasa paligid namin. Ang iba'y pinag-chichismisan pa kami ngunit hindi kami nagpaapekto, hinayaan na lang namin sila at umakto na lang kami na normal ang lahat. Mabilis kumalat sa buong university ang nangyari sa aming magkakaibigan, ang iba binansagan pa kaming circle of murderer. Pero hinayaan na lang namin sila dahil hindi namin hawak ang kanilang pag-iisip kung ipagtatanggol pa namin ang aming sarili.

Nang makapasok kami sa room mabilis na dumako ang mga mata ng mga classmate namin at pasimple silang nagbulungan, mistulang kriminal kami sa kanilang mga mata. Ito ang unang araw ng prelim namin at hindi man ito ang unang araw nang pagpasok naming hindi kasama si Miracle masakit at nakalulungkot pa rin. Napag-usapan din naming huwag nang banggitin o pag-usapan pa si Miracle kapag nandito kami sa university para na rin mawala at matangay ng hangin ang tungkol sa kanya. Alam naming sa umpisa lang naman ang mga ito at sa paglipas ng bawat araw unti-unting makalilimutan ang tungkol kay Miracle. Nararamdaman ko ang bahagyang ilangan sa pagitan naming apat, alam kong hindi na buo ang tiwala namin sa isa't-isa, naging tahimik na kami at minsanan na lang mag-usap.

Nang mag-umpisa ang exam medyo napapakamot ako sa aking ulo dahil ang ibang tanong ay hindi ko kayang sagutin, hindi pa ako nakapagrereview dahil natulog agad ako kagabi sa sobrang pagod ko. Matiwasay akong nakatulog at hindi na nagpakita ang demonyo sa panaginip ko ngunit imbis na gumaan ang pakiramdam ko mas lalong bumigat ito dahil alam kong may hindi magandang mangyayari, alam kong naghahanda ang demonyong iyon.

Biglang nanlaki ang aking mga mata sa tanong na napukaw ng atensyon ko. Nararamdaman kong unti-unting naghuhuramentado sa kaba ang puso ko, mariin kong tinitigan ang tanong na iyon at mahina kong binasa sa isip ko. "Bakit mo pinatay si Miracle?" Sunod-sunod akong napapalunok kasabay nang mabilis kong paghinga.

Nanginginig kong hinawakan ang test paper ko at tinignan ang iba pang tanong na nakalagay dito. Mas lalong sumiklab ang nararamdaman ko nang makita kong pare-parehas ang mga tanong! Paulit-ulit kong tinitignan ang harap at likod ng test paper dahil baka namamalikmata lang ako pero ganoon pa rin walang pinagbago!

Agad akong napatingin sa paligid ko nang may sumitsit sa akin. Dahan-dahan kong inilagay ang dalawa kong kamay sa tainga ko at pilit hindi pinapakinggan ang sunod-sunod na pagsitsit na naririnig ko.

"Ms. Zafania Torres!"

Mabilis akong napatayo nang umalingawngaw ang pagsigaw ng professor namin sa pangalan ko. Sandali kong tinignan ang mga classmate kong nagtatakang nakatingin sa akin at muli kong binalingan ang prof ko. Nag-aalangan akong nginitian siya at umiling sabay upo ulit. Huminga ako nang malalim at pilit kinakalma ang aking sarili. Nang matapos kaming mag-exam nakatanggap ako ng text message galing kay Kuya Lach na pumunta daw ako sa bahay ni Ate Shi dahil 3rd Anniversary daw nila ngayon at naghanda sila.

Agad akong magpaalam sa mga kaibigan ko at sakto namang nagmamadali rin silang umuwi ngunit si Kael dadaan daw sa ospital kung saan sinugod si Miracle noong nakaraang linggo para hingin ang resulta ng kanyang autopsy.

Mabilis akong nakarating sa bahay ni Ate Shi at sa labas pa lang naririnig ko na ang mga boses nila. Ang paghalakhak ni Ate Shi at ang malakas na boses ni Kuya Lach. Lihim akong napangiti bago buksan ang gate, kung sana nananatili pa rin ako rito sa bahay ni Ate Shi payapa pa ang buhay ko at hindi magulo. Gusto ko sanang ikwento sa kanila ang mga nangyayari sa amin ngunit ayokong makasira ng araw, anniversary nila ngayon at importanteng araw nila ito. Ayokong sayangin o sirain ang masayang araw nila, siguro sa susunod na araw ko na lang ikukwento sa kanila ang lahat... Kung kaya ko.

Demon's Game Nightmare (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon