Epilogue

1.8K 32 8
                                    

"Death is not the end
Death can never be the end.

Death is the road.
Life is the traveller.
The Soul is the Guide

Our mind thinks of death.
Our heart thinks of life
Our soul thinks of Immortality" - Sri Chinmoy

Epilogue

Demon's Game Nightmare

NANGINGINIG ang buong katawan ko habang nakatitig sa akin si Sasha nang mariin kasabay nang unti-unting sumisilay na ngiting nakakaloko sa kanyang labi.

"S-sasha..."

Bigla siyang tumawa ng malakas na halos umaalingawngaw sa tahimik na gabi ang kanyang paghalakhak.

Isa, magtago ka na.

Mabilis akong napatingin sa buong paligid ko nang may marinig akong isang pamilyar na boses sa isipan ko.

"Isa, magtago ka na."

Muli kong naramdaman na parang lumulutang ako at pakiwari ko nawalan ng emosyon ang puso ko. Hindi kumawala sa aking mga mata ang pagkunot ng noo ni Sasha.

Sa pagkakataong ito, bigla akong napangisi sa kanya.

Dalawa, hahanapin kita.

Alam kong inaangkin na naman ni Nocturssio ang sarili ko at sa ngayon gusto kong magpasalamat sa kanya dahil sa ginawa niya.

"Dalawa, hahanapin kita." Marahang usal ko kay Sasha na mas lalong lumalawak ang pagngisi ko sa aking bibig.

"Ako ang nagpainom ng nakalalasong kemikal kay Miracle." Pinagtaasan ko siya ng kilay dahil sa sinabi niya.

Tipid akong tumawa sa kanya. "Ganoon ba? Edi thank you."

"Hindi lang kay Miracle pati na rin kay Lewis at Kael." Bakas sa tono ng kanyang pananalita na parang naaasar siya dahil hindi ko pinapakitang takot ako sa kanya.

Bakit ba ako matatakot sa kagaya niya?

Noong gabing bago ko pinatay si Miracle nakita kong may bumulwak na dugo na nanggagaling sa kanyang bibig tulad na nangyari ngayon kina Kael at Lewis. Alam kong wala na silang buhay, patay na sila dahil ang kemikal na iyon ay nagdudulot ng pagkaluto ng mga lamang-loob ng isang tao. Hindi ko alam kung paano at kung saan iyon nakuha ni Sasha.

"Mas lalong thank you." Marahan akong tumawa habang unti-unti kong hinahakbang ang aking mga paa patungo sa kinaroroonan niya.

Magkatapat lang kami ngayon at sa tantya ko halos limang hakbang lang ang pagitan naming dalawa.

Tatlo, tumakbo ka na.

"Tatlo, tumakbo ka na."

Sa bawat paghakbang ng aking mga paa unti-unti naman siyang napapaatras sa kanyang kinatatayuan.

"Bakit mo ginagawa iyan Sasha?" Ngising tanong ko sa kanya.

Napansin kong napalunok siya habang unti-unti na siyang nilalamon ng takot na nararamdaman niya.
"Dahil gusto ko! Dahil galit ako sa kanila! Sa inyo! Dahil ang tingin niyo sa akin mahina! Walang alam! At inosente!"

Bigla akong pumalakpak sa bawat salitang binitawan niya habang napapailing ang aking ulo. "Wow." Bahagya akong natawa.

Apat, susundan kita.

"Apat, susundan kita."

"Ano bang pinagsasabi mo Zaf!"

Pakiwari ko abot hanggang tainga na ang ngiti ko sa pinapakita niyang emosyon ngayon.

Lima, papatayin kita.

Bahagya akong naglakad papalapit sa kanya at siya naman ay halos natataranta sa kaaatras. "Zaf!" Bigla siyang natapilok na naging dahilan kung bakit siya natumba.

"Lima, papatayin kita."

Mabilis ko siyang nilapitan at marahas kong sinabunutan ang kanyang buhok, pilit niyang tinatanggal ang kamay ko ngunit mas lalo kong dinidiinan ang pagkakasabunot ko sa kanya. Napapasigaw siya sa sakit na nagiging musika sa aking pandinig.

"Anong balak mo sa akin Sasha!? Bakit ako lang ang hindi mo nilagyan ng nakalalasong kemikal!" Muli siyang napasigaw dahil sa marahas kong paghila sa kanyang buhok.

Nakikita kong napapangiwi siya sa sakit at pilit niyang tinatanggal ang kamay kong nakasabunot sa kanya, kinukurot pa niya ako ngunit binabaliwala ko lang iyon. Bahagya akong yumuko upang tignan ng malapitan ang kanyang mukha.

Napansin kong bigla siyang ngumisi kaya muli kong hinila ng marahas ang kanyang buhok. Pasimple kong kinuha sa kanyang bulsa ang baril na nilagay niya kanina. Hindi niya iyon napansin dahil nakatuon ang kanyang atensyon sa sakit na dulot nang pagkakasabunot ko.

Napataas ang aking kilay nang mas lalong lumalawak ang pagngisi ng kanyang labi. Nang makuha ko ang baril sa kanyang bulsa mabilis kong tinago ang isa kong kamay sa aking likod.

"Dahil..." Biglang sambit niya habang tinatanggal niya ang kanyang kamay na nakahawak sa kamay kong nakasabunot sa kanyang buhok.

Marahas kong binitawan ang kanyang buhok nang mapansin kong kinakapa niya ang kanyang bulsa. Bahagya kong pinunasan ang pawis na tutulo sa aking noo gamit ang kanang braso ko kasabay nang malakas na pagbuntong-hininga ko.

Sandali ko siyang tinignan habang kapa pa rin siya nang kapa sa kanyang bulsa, napangisi tuloy ako. "Dahil ba ikaw mismo ang papatay sa akin?" Ngising tanong ko habang marahan kong tinututok sa kanya ang baril.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapatingin siya sa akin. Bigla siyang napatayo habang nakaduro sa akin ang kanyang daliri. "Paanong?!" Nagugulumihanang tanong niya.

"Dahil nga tulad ng sabi mo ang tingin namin sa iyo mahina, walang alam at inosente. Ni hindi mo nga nakita o naramdamang nakuha ko na ito sa bulsa mo." Humalakhak ako.

Ngunit imbis na mainis siya bigla na lang sumilay ang nakalolokong ngiti sa labi niya. Mabilis siyang naglakad papunta sa drawer niyang nasa gilid lang niya at napansin kong may kinuha siya roon.

Laking gulat ko nang bigla niya akong tinutukan ng baril. "Anong akala mo sa akin tanga?"

Mariin kong hinawakan ang baril habang nararamdaman ko ang panginginig ng kamay ko.

"Die!"

Malakas na sigaw niya kasunod nang pag-alingawngaw sa tahimik na gabi ng magkasabay na dalawang putok na baril.

















"Miss! Gising! Miss!!!"

Biglang napaangat ang aking ulo sa desk at marahas kong kinusot-kusot ang aking mata, habang mabilis kong pinapasadahan ng tingin ang buong paligid ko kasabay nang paghuhuramentado ng aking puso at nararamdaman ko nang hingal na hingal ako.

Halos nanlaki ang mga mata ko sa nakikita ko ngayon... Bakit nasa classroom ako?

"Miss? Okay ka lang ba? Kanina pa tulog tapos bigla ka na lang sumisigaw binabangungot ka yata."

Bigla akong napatingin sa nagsalita sa gilid ko. Bumungad sa akin ang malawak na pagngiti niya habang nakatitig siya sa akin.

"Lewis?" Kunot noong tanong ko sa kanya.

Ngunit umiling siya habang mas lalong lumalapad ang pagngiti niya.

"Nocturssio."

Demon's Game Nightmare (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon