Chapter 23

928 22 0
                                    

"Ngunit sa bawat naririnig ko unti-unting nararamdaman kong sumisilay ang ngiti sa aking labi."

Chapter 23

Mystery Death

ITO ang huling araw ng exam namin ngunit tulad noong isang araw at kahapon lutang pa rin ang pag-iisip ko sa mga nangyayari. Hindi matanggap ng buong sistema ng aking katawan ang lahat-lahat ng mga nangyayari at natutuklasan ko, para bang kada isang araw pakiwari ko katumbas ay isang taon. Simula kagabi dumagdag sa mga iniisip ko ang nakita kong litrato ni Jeah at hindi ko matanggap na talaga pa lang patay na siya. Isang kaluluwa na pala ang nakilala at nakita ko, pero anong dahilan? Bakit siya nagpakita sa akin? Una pa lang ba ay nagbigay na siya ng babala sa mga nangyayari ngayon?

"Kailangan pala nating pumuntang presinto mamaya pagkatapos ng exam natin, kailangan daw tayong kuhaan ng finger print." Nawala ang pag-iisip ko nang bigla magsalita si Kael bago kami tuluyang makapasok sa room.

Tinanguan na lang namin siya bilang sagot, maya-maya pa'y dumating na ang professor namin at nagsimula na kaming mag-exam. Isang exam na lang kami ngayon at isa't-kalahating oras lang iyon. Mabilis na nakatapos si Lewis at nauna na itong nagpasa ng test paper, halos sabay lang kami ni Sasha at ang nahuli ay si Kael. Nang matapos kaming lahat agad namang nagpauwi ang prof namin, hindi na kami nagtagal sa school at sumakay agad kami ng jeep papunta sa presinto kung saan doon kami dinala noong araw ng namatay si Miracle.

Tahimik lang kami habang nasa byahe, pasimple kong tinignan si Kael na nasa kabilang banda ng upuan nakaupo at katabi niya si Lewis samantala si Sasha naman ang katabi ko. Hindi ko malaman kung saan nakatingin ang kanyang mga mata dahil para itong naglalaro at kung saan-saan nakatingin. Ngunit hindi mawawala ang madilim na aura sa kanya, ang pagtitig niyang malamig na tila'y nakapapaso ito, ang mga matang kung titignan mo ay mababaw pero kapag tumagal para kang hinihigop ng mga ito at ang mga mata niyang mapaglaro ng tingin. Hanggang ngayon hindi ko pa rin mawari kung ano ang totoong ugali ni Kael, para siyang isang puzzle na mahirap pagtagpi-tagpiin at bumuo ng isang salita upang maglarawan sa kanyang ugali, hindi lang naman siya pati rin sina Sasha at Lewis.

Bahagya akong nagulat nang magtagpo ang aming mga mata.

Isa, dalawa, tatlo.

Tatlong segundo siyang napatitig nang diretso sa aking mga mata at siya na mismo ang umiwas ng tingin. Pigil akong ngumiti nang hindi kumawala sa akin ang isang emosyon na nangibabaw sa kanyang mga mata bago siya umiwas ng tingin.

Takot.

"Tara, baba na tayo Zaf."

Nawala ang atensyon ko sa kanya nang bigla akong kalabitin ni Sasha kasabay nang pagpara ni Lewis. Naunang bumaba si Sasha at sumunod naman ako sa kanya, pagkababa nang pagkababa ko sa jeep agad na bumungad sa mga mata ko ang presinto. Kung dati, kaba at takot ang nararamdaman ko ngunit ngayon pakiwari ko wala na akong nararamdaman, wala na.

Sandali akong napatunghay sa kalangitaan at biglang nanakit ang mga mata ko sa sinag ng araw. Tirik na tirik ang araw ngayon at ramdam ko ang init na dukot nito, maaliwalas din ang buong paligid na para bang sinasabing kasing aliwalas ng buhay sa bawat tao ngunit hindi, dahil kung may mas didilim pa sa salitang itim iyon ang naglalarawan sa buhay ng bawat tao sa mundo.

Pumasok na kami sa loob ng presinto at bumungad sa amin si P03 Gotriz, isa-isa kaming kinuhaan ng finger print at may iilang katanungan lang siya tungkol sa amin. Tulad na lamang kung ilan taon na kami, saan nakatira at kung anong pangalan ng mga magulang namin. Halos kalahating oras lang kami roon nang pauwiin kami agad ngunit bago kami lumabas ng presinto nagtanong si Sasha kung nakita na ba ang pumatay kay Miracle pero wala silang sinabi, hindi sila nagbigay ng kahit anong salita sa amin tungkol doon. Wala na kaming nagawa at lumabas na kami.

Demon's Game Nightmare (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon