"Hiram lang naman itong buhay ng isang tao, kahit anong oras babawiin na ito kaya wala tayong karapatan upang manghinayang, magalit sa Kanya at magtanong kung bakit agad tinapos ang buhay ng isang tao."
Chapter 27
Murderer?
KINABUKASAN, hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang nangyari sa akin kahapon at hindi ako makapaniwala. Hanggang ngayon iniisip ko kung totoo bang nakita ko si Ms. Dela Vega sa c.r o baka naman ilusyon ko lang iyon, ngunit kahit anong tanggi ko sa aking sarili nilalamon pa rin ako ng katotohanan. Pero bakit siya nagpakita sa akin? Anong ibig sabihin niyon? Nagmumulto ba siya sa buong campus? O sa akin lang? At bakit? Ito na naman ang mga nag-uumapaw na katanungan sa isip ko, mga katanungan na kahit kailan hindi ko masasagot at walang makasasagot.
Kagabi sobrang aga kong natulog mga ala-sais yata ng gabi at nagising ako ng alas-dose tutal naman ang pasok namin ngayon ay alas-dos, sa haba ng tulog ko hindi nagpakita sa akin si Nocturssio at ito na naman ang pakiramdam na alam kong may kakaiba siyang balak gawin. Kahit na sobrang haba na ng tulog ko kagabi pakiwari ko antok na antok pa rin ako ngayon, hindi yata sapat ang naitulog ko kumpara sa tatlong araw kong walang tulog. Pero kahit papaano nakapahinga na ako at nakatulog ng matiwasay, kung sana araw-araw ko iyon nararanasan na para bang isang normal na tao lang.
Kaninang unang subject namin sinabi ng professor na nag-iba ang uunahing puntahan para sa field trip bukas, dahil maraming nagrereklamong estudyante kung kaya't uunahin puntahan ang Enchanted Kingdom at pagkatapos mag-sstay kami sa isang hotel sa Puerto Galera at kinabukasan ng umaga saka kami mamamasyal doon. Mas okay na rin siguro iyon para makapagrerelax kami sa Puerto Galera.
Si Sasha naman sobrang excited dahil hindi pa raw siya nakapupuntang EK at PG kahit ako hindi pa rin nakapupunta sa lugar na iyan kaya hindi ko rin maiwasang hindi ma-excite, pero mas nangingibabaw ang takot sa nararamdaman ko. Paano kung umiral ang kademonyohan ni Nocturssio? Paano kung masira ang field trip na ito nang dahil sa kagagawan ko? Paano?
"Zaf." Nawala ang pag-iisip ko nang banggitin ng mahina ni Lewis ang pangalan ko.
Simple akong sumulyap sa kanya na diretso lang ang kanyang tingin kaya umiwas na ako at ibinalik ko ang aking tingin sa prof. "Bakit?"
Tumikhim siya bago sumagot sa tanong ko. "Tabi tayo bukas sa bus." Awtomatikong napalingon ako sa kanya habang nanlalaki ang mga mata ko.
Bumungad sa akin ang kalmado niyang mukha. Sunod-sunod akong napapalunok at bigla siyang napatingin sa akin kaya nama'y nag-iwas ako ng tingin. Habang diretsong nakatingin ang aking mga mata sa prof namin na kunwaring nakikinig ako, nararamdaman kong nakatitig pa rin sa akin si Lewis. Marahil naghihintay siya ng sagot ko sa kanyang tanong pero nararamdaman kong iba ang pagtitig niya sa akin, hindi ko tuloy maiwasang hindi kabahan.
Mas lalong nag-uumapaw ang kabang nararamdaman ko para bukas at sa mga susunod na mangyayari. Iyong tungkol sa kaso ng pagkamatay ni Miracle alam kong unti-unti na nilang nalalaman, iba ang kutob ko, iba ang nararamdaman ko lalo na kay Kael dahil masyado na itong iwas sa amin. Siguro tatanggapin ko na lang ang parusa sa akin, kung makulong man ako o kahit kapalit ay buhay ko, tatanggapin ko para sa kasalanang nagawa ko.
Pero hindi ko rin maiwasang isipin kung sino ang nagpainom kay Miracle ng isang nakalalasong kemikal at kung bakit niya iyon ginawa. Hindi ko alam kung aksidente ba ang mga nagkakatugma-tugma na pangyayari o sinadya ba talaga iyon ng tadhana. Kung minsan iniisip ko kung totoo nga ba ang tadhana sa buhay ng isang tao, ngunit kung iisiping mabuti tao mismo ang gumagawa ng sarili nilang tadhana. Ang pagpapainom ng nakalalasong kemikal kay Miracle ay maaaring ikabuhay pa niya kung maisusugod agad siya sa ospital ngunit nang dahil sa akin namatay siya. Napapangiwi ako sa tuwing binabanggit kong ako ang may kasalanan ng pagkamatay ni Miracle, gusto kong sumuko sa mga pulis at pagbayaran ang ginawa ko pero hindi pa ngayon ang tamang oras.
BINABASA MO ANG
Demon's Game Nightmare (COMPLETED)
Paranormal(COMPLETED) Sometimes nightmare can be a reality