Entry #1- Guryon

215 8 4
                                    


"Natatanaw mo ba ang guryon diyan sa paraiso, Ysabelle?" bulong ko habang ginugunita ang isa sa pinaka-espesyal na bahagi ng aking buhay...


"Sige pa, Kuya Matt, taasan mo pa ang pagpapalipad!" pasigaw na utos ng walong taong gulang na nakababata kong kapatid na si Ysa.


Tag-araw noon at katulad ng mga nakaraang bakasyon ay nakagawian na naming magpalipad ng guryon, labis ang kaligayahang nararamdaman ko sa tuwing maririnig ko ang malakas niyang pagtawa kapag umiindayog na ang munting saranggola sa ihip ng hangin. Kasabay kasi ng pag-guhit ng kasiyahan sa kanyang mga labi ay ang pag-asang gagaan ang bigat ng kanyang karamdaman at madurugtungan ang nalalabing sandali ng buhay niya.


Nang mangalay ako sa pagpapalipad ng saranggola'y tumabi ako sa kinauupuan ni Ysabelle kung saan nababalutan iyon ng luntiang damo, napaliligiran ng sari-saring mababango at makukulay na mga bulaklak at sinasalamin ng malinaw na sapa.


"Sana sa susunod doon tayo magpalipad ng guryon sa tuktok ng burol, Kuya Matt." Malungkot na sambit ni Ysa.


"Alam mo namang hindi tayo pwedeng umakyat ng burol, masyadong malayo ang lalakarin at hindi ka rin maaring mag-bisikleta dahil bawal sayo ang mapagod ng sobra." Paalala ko sa kanya.


"Pero gusto ko talagang makapunta at makapagpalipad ng guryon doon sa may burol, pangarap kong makita na humalik ang saranggola sa langit." Musmos niyang sagot.


 "Tiyak na pagagalitan tayo ni nanay kapag nalaman niyang dinala kita sa itaas ng burol." Tugon ko kay Ysabelle.


"Sige na, Kuya, gumawa ka ng paraan. Please?" Paglalambing ng aking makulit na kapatid.


May pag-aalinlangan man sa gagawin kong pag-suway sa aming magulang ay mas nanaig sa akin ang kagustuhan kong mapagbigyan ang kahilingan ni Ysabelle lalo na't tumatagos sa loob ko ang titig ng nagsusumamo niyang mga mata pati na rin ang nakapanghahalina niyang ngiti.


"Sige, susubukan ni Kuya na gumawa ng paraan para maka-akyat tayo sa burol basta ipangako mo sa akin na walang sino man ang makakaalam nitong sikreto natin huh!" Pagpayag ko sa nais ni Ysa.


"Yehey! Salamat, Kuya. Wala po akong pagsasabihan, pinky promise." Masaya niyang sigaw kasabay ng isang mahigpit na yakap.


Kinabukasan, agad akong pumunta sa kamalig upang hanapin ang isang lumang bangkito, ilang lubid at mga gulong. Nang sumunod na araw naman ay maingat at mabusisi kong binuo ang espesyal na sasakyang magdadala kay Ysa sa tuktok ng burol; makalipas pa ang ilang linggo'y nai-kabit ko na ang kahuli-hulihang tali ng munting kariton ng mahal kong prinsesa.


"Ysa, sige na inumin mo na itong gamot mo. Huwag nang matigas ang ulo, anak." Dinig kong pagpupumilit ng aking ina kay Ysabelle isang gabi habang pinapa-inom niya ito ng medisina.


"Ayaw ko po. Ayaw ko na pong inumin 'yan! Masyado pong masama ang lasa niyan, kahit inumin ko iyan ay hindi na raw po gagaling ang sakit ko sabi ng doktor." Mariing pag-tanggi ng aking kapatid habang umaagos ang masagana niyang luha.

Auditions EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon