Entry #14- Ed Jim Yao

185 8 4
                                    


Medyo basa na ang kili-kili at tagaktak na ang aking pawis dahil napakainit na naman ng panahon kaya't minabuti ko na munang dito sa labas ng tindahan ni Aling Belen umupo habang siya ay nanananghalian. Sa loob kasi ng bahay ay para akong isang pandesal na niluluto sa pugon sa tuwing sasapit ang tag-init. Kinapa ko ang aking bulsa para sa aking panyo upang mapunasan ko ang namumuo na namang pawis sa aking noo. Biglang nagtagpo ang aking mga kilay nang hindi ko mahanap ang aking kailangan.


"Anak ng tinapang sinawsaw sa suka't bagoong! Naiwan ko na naman sa bahay ang panyo 'ko," malakas kong naisigaw dahil sa pagka-inis sa sarili. Napatingin sa akin si Aling Belen dahil sa inasal ko kung kaya't parang umakyat lahat ng dugo ko sa mukha at minabuti kong magbiro na lamang nang maisalba ang sarili ko sa kahihiyan. "Tumatanda na nga ho siguro ako," aking natatawang sambit. Kung sa bagay, napansin ko ring medyo nagiging makakalimutin na 'ko nitong mga nakaraang buwan.


Nakangiti akong naghihintay ng pang-aalaska ni Aling Belen sa akin ukol as aking edad tulad ng palagiang pang-aasar niya sa akin noon sa mga ibang bagay ngunit isang pilit na ngiti lamang ang ibinigay niya sa akin. Napaisip tuloy ako kung may mali ba sa aking mga sinabi. Baka naman nag-away lang sila ni Mang Estong dahil natalo na naman ito sa sabong. Malamang iyong nga lang 'yon. 


"Aling Belen, kumusta ho si mang Estong? Hindi ko siya masyadong nakikita nitong mga nakaraan ah," nakangiti  pa ring tanong ko sa kanya. Nagulat ako nang biglang nanlaki ang mga mata niya kasabay ng pagkabagsak at pagkabasag ng platong kanyang katatapos lang kainan. Nakita kong mabilis na namuo ang luha sa kanyang mga namumula nang mga mata at dali-dali itong tumakbo papasok ng bahay na karugtong ng kanilang tindahan.


Naiwan akong nakatulala at 'di mawari kung ano ang nangyari nang may biglang umakay sa aking braso na isang dalagita sabay sabing, "tara na po sa bahay at mananghalian." Pamilyar ang kanyang itsura ngunit hindi ko maalala kung sino siya. Malamang ay isa na naman sa mga malayong kamag-anak namin na pinatira ni Nanay sa bahay kaya't 'di na ako umangal at sumama na lamang ako sa kanya.


"Sinong pogi? Ikaw? E 'di wow!" Dinig kong sigaw ng isang batang aming nadaanan pauwi habang sarkastikong nakangiti sa mas maliit na batang kalaro at kabiruan nito. E 'di wow? Tunog pamilyar, sa isip-isip ko.  


"E 'di wow," mahinang sambit ko sa sarili. Hindi ko maipaliwanag kung bakit napakabilis ng tibok ng puso ko nang marinig ko ang mga katagang iyon. 


Pagkarating namin sa aming tahanan ay nakahanda na ang tanghalian. Imbis na umupo sa hapag-kaina'y dumeretso ako sa aking kuwarto upang kunin ang aking panyo at mapunasan ang pawis sa aking noong unti-unti nang gumugulong sa gilid ng aking pisngi. Natagpuan ko ang aking panyo sa lamesita sa tabi ng papag. Bago ko ito kinuha ay napansin ko ang litrato sa tabi nito. Larawan iyon na kuha sa dalampasigan ng Pagudpud habang papalubog na ang araw. Larawan ko iyon noong ako'y nasa aking pagkadalaga pa lamang kasama ang isang makisig na binatang hindi ko na maalala ang pangalan.


Baka naman isa sa mga naging nobyo ko noon. Dali-dali kong kinuha ang litrato at pinagmasdan itong mabuti. Parehas na malalaki ang mga ngiti namin rito habang nakaakbay ang binata sa akin at ang ulo ko nama'y nakadantay sa kanyang kanang balikat. Parang napakasaya naming dalawa at wari'y walang pinoproblema sa mundo. Kung makikita ng iba ito'y iisipin nilang magkasintahan kaming humaling na humaling sa pagmamahalan naming dalawa. 


Ngunit bakit narito ito? Saan ito nanggaling? Tanong ko sa sarili. Hindi ito maaaring makita ni Miguel. Baka sumpungin na naman ng selos ang isang iyon.


Dali-dali kong pinunit ang larawan at itinapon ang mga piraso nito sa maliit na luntiang  basurahan sa loob ng banyo malapit sa aming kuwarto. Mabuti na lamang at walang nakakita sa akin. Bumalik ako sa loob ng silid at kinuha na ang panyong aking pakay naman talaga. Pinagmasdan ko ang puting panyong may burdang "Eloisa" sa gilid. Iniregalo sa akin ito ni Miguel, ang aking kasintahan, dahil napakapawisin ko raw. Daglian ko itong ipinunas sa aking mukha nang hindi naman ako magmukhang basang sisiw sa pawis bago ako bumalik sa hapag-kainan.


Nang makabalik ako upang mananghalian, nakita kong naroon na't nakaupo ang dalagitang sumundo sa akin kanina kina Aling Belen. Nakaharap ito sa telebisyon sa sala na kita naman hanggang sa kusina. Hindi ko na siya pinansin at nang kukuha na dapat ako ng kanin at ilalagay sa aking plato, narinig ko na naman ang mga katagang "E 'di wow!" sa mga nagbibiruang artista sa programang pinanonood ng dalagita. Bumilis na naman ang kabog ng dibdib ko at nag-umpisa nang sumakit ang ulo ko dahil sa kaiisip kung bakit ba patuloy na lamang tumatakbo ang mga katagang ito sa aking isipan kaya tuloy ay napayuko ako at napahawak na lamang sa aking tuktok.


Nagulantang ako at napataas ng tingin nang maramdaman kong may umakbay sa akin. Napatingin ako sa lalaking medyo namumuti na ang buhok na nakahawak pa rin sa aking balikat. "Anong problema?" mahinahong tanong niya sa akin. Pamilyar ang mukha niya ngunit tulad ng dalagita'y 'di ko rin mawari kung saan ko siya nakita o kung ano ang pangalan niya. 


"S-sino ka?" tanong ko sa kanya habang nagtataka kung bakit ganoon na lamang ang pag-akbay niya sa akin. "Anong ginagawa mo sa bahay ko?" Tanong ko muli sa kanya ngunit hindi siya sumagot. Kitang-kita ko ang lungkot sa mga namamasa niyang mga mata ngunit hindi ko maintindihan kung bakit.


"Ma, huminahon ka," ika ng dalagita sa akin na may halong pag-aalala sa tono ng nanginginig niyang boses. Bakit niya ako tinawag na "Ma"? Sino ba talaga ang mga taong ito?


"Mahal ko," rinig kong sabi ng matandang lalaki habang papalapit sa akin. Iniwasan ko siya at tumakbo ako papalayo sa direksiyon niya. "Sino ka ba talaga? Magagalit sa akin si Miguel kapag nalaman niyang nagpapasok ako ng ibang lalaki sa tahanan namin. Ibang magalit si Miguel! Hindi ninyo siya kilala!" malakas kong sambit ngunit muli ay hindi pa rin sumagot ang matandang lalaki.


"Mama, matagal nang wala na si Tiyo Miguel."


Hindi ko maintindihan ang lahat. Wala akong maintindihan sa mga nangyayari at sa mga sinasabi ng babaeng nasa harapang ko na ngayon ay humihikbi na.


"Eloisa Yao, huminahon ka. Ako ito, si Ed Jim Yao. Ako ito, ang asawa mo. Si Miguel ay dati mo lamang kasintahan pero hanggang ngayon ay siya na lamang ang naaalala mo kapag sinusumpong ka.  Maupo ka na at kakain na tayo nang makainom ka na ng iyong gamot."


"Gamot? Wala akong sakit!" Nagtatakbo ako papasok sa kuwarto at nag-umpisang kuhanin ang aking mga damit. Aalis na ako. Naloloko na ang mga tao rito. Pagbukas ko ng ayusan upang kunin ang aking mga gamit ay may nakita akong mga papel. Tinignan ko ito nagsimulang basahin ang nakasulat. "Eloisa Yao diagnosed of Alzheimer's Disease."

Auditions EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon