"Ayoko ng ice cream." Nag-expect na ako ng ganong sagot pero mas malala pa doon ang kahuha ko.
Wala. As in wala. Ni hindi siya nag-effort na lingunin ang binili kong ice cream.
Langya, nagpakahirap pa naman akong maghanap ng sorbeterong nagtitinda ng keso-flavored na ice cream! Puro kasi ube, mango, chocolate at strawberry ice cream ang meron sa tabi-tabi. Tapos... snob?
Napabuntong-hininga na lang ako sabay upo sa tabi ng bebe kong chicks na, hot pa (as in hot tempered).
"Be, kunin mo na 'to. Sige ka, baka matunaw, sayang naman."
"Tantanan mo 'ko," ang inakala kong isasagot niya pero wala pa rin. Ni irap, wala! Hello, hangin ba 'ko?
"Sus, tampururot na naman ang bebe ko oh! Kiss kita dyan eh!" Gusto ko na nga sana siyang i-kiss pero baka sapakin niya lang ako. Kahit ang yakapin siya eh hindi ko masubukan dahil naisip ko namang baka itulak niya ako. Aba eh mainit nga naman para magyakapan kami sa ilalim ng nagmamalaking araw.
Oo, alam kong summer ngayon pero kanina pa sobrang init! Sumabay pa yung init ng ulo ni Jessica. Jusko!
"Be naman eh, sorry na nga kasi." Nag-umpisa na akong magpaliwanag kahit ayaw niya akong pansinin. "Kasalanan ko bang natukso ako dun sa watermelon nung babae?" Oo, yun ang pinag-awayan namin. Sus, para napasilip lang ako sa ano nung babaeng naka-plunging neckline eh!
"Oo! Kasalanan mo! Bakit, dahil ba parang ponkan lang yung akin?" Sagot niya.
Sa imagination ko.
Sa lahat ata ng babae, si Jessica ang tahimik magalit at hindi mahilig magbunganga. Expertise niya ata talaga ang tinatawag na silent treatment.
"Babe! Pansinin mo naman ako. Kakainin ko 'tong ice cream mo!" La, ayaw talaga.
Pero speaking of ice cream, napansin kong parang hindi natutunaw 'tong ice cream. Ngayon ko lang din napansin, hindi na ako pinagpapawisan. Hindi ko na nga nararamdamang mainit eh. Parang malamig pa nga.
Napantingin ako kay Jessica nang mapabuntong-hininga siya. Lalong kumunot ang noo niya, lalo rin siyang sumimangot. Ayiee! Naghihintay atang lambingin ko pa siya!
Magsasalita na sana ulit ako nang mag-ring ang phone niya. Nagulat na lang ako nang silipin ko ang screen at makita ang sarili kong pangalan at number. Nadukutan ba ako nang hindi ko namamalayan?
Sinagot ni Jessica ang tawag pero hindi siya nagsalita. Hinintay niya lang magsalita yung nasa kabilang linya. Inilapit ko naman ang tenga ko sa likod ng phone para makinig.
"Hello? Kilala n'yo po ang may ari ng phone na 'to? Patay na po siya ngayon."
"Ano? Anong kalokohan 'to?" singhal ni Jessica.
"Kalokohan talaga! Sabihin mo nga sa mandurukot na yan na andito lang ako sa tabi mo."
Sumagot ang mandurukot. "Hindi po ako nanloloko. Hinimatay siya sa sobrang init. Pagbagsak niya, tumama yung ulo niya sa isang malaking bato. Dinala siya sa ospital pero hindi na siya nakaabot."
Nabitawan ako ang hawak ko. Noon ko lang naalala, pagkatapos kong ikutin ang park para sa paborito niyang ice cream, nakaramdam ako ng hilo... hanggang sa tuluyang magdilim ang paningin ko.