Karagatan ng ulap,
Kalangitang napupuno ng mga bituin,
At maliwanag na buwang tila'y nakangiti sa akin.
Ito ang mga tanawing sumalubong sa'kin pagkarating ko sa tuktok ng Mt. Pulag. Animo'y isang paraiso sa gitna ng kalangitan at ng mundo. Nakakabighani.
'Di na ako magtataka pa kung bakit maraming mga tao ang gustong umakyat sa bundok na ito tuwing sasapit ang Tag-araw. Bukod sa kakaibang karanasan ang nakukuha mo sa pag-akyat sa pinakamataas na bundok sa buong Luzon, parte na rin ng tradisyon ng mga nakakarating sa tuktok, lalo na ng mga magkakasintahan, ang ipagsigawan sa buong lugar ang kanilang pag-iibigan.
Pinaniniwalaan ng karamihan na kapag ipinagsigawan niyo ang inyong pag-iibigan, maririnig ito ng Diyos at mas lalong titibay ang inyong relasyon. Marami ring nagsasabing nauuwi sa kasalan ang pag-iibigan ng gumagawa nito.
Iyon rin ang pinaniwalaan ko.
Ang totoo'y buong akala ko, sa pag-akyat ko rito, maipagsisigawan ko na rin sa buong mundo ang nararamdaman ko. Nagkamali ako. Dahil sa mga oras na ito'y kinakailangan ko nang gumising mula sa aking panaginip.
"Tina, ang sabi ko'y mahal kita. Wala ka man lang bang maisasagot?" muli kong narinig mula sa taong naging dahilan ng aking panaginip— si Dave.
Isang simpleng lalaki lang naman si Dave ngunit kakaiba siya kung ikukumpara sa ibang mga lalaking nakilala ko. Hindi siya perpekto at hindi rin naman ganoon kagwapo ngunit hindi ko inaasahang sa kanya mahuhulog ang puso ko.
Aaminin ko, ang ngiti niya ang una kong napuna noong una kaming magkakilala sa trabaho. Sumunod nito'y ang kanyang natatanging personalidad. Maginoo, masipag at palakaibigan kung kaya't madali akong nahulog sa kanya. Ramdam ko rin namang ganoon din siya sa'kin.
Kaya nga, akala ko'y mauuwi kami sa pagmamahalan.
Panaginip lang pala ang lahat.
Tumingin ako sa mga mata ni Dave at saka ko siya nginitian— isang ngiting may halong lungkot at pait.
"Mahal din kita, Dave," sa mga sinabi ko'y saglit kong nakita ang aliwalas sa kanyang mukha kung kaya't napayuko muna ako bago ko ipinagpatuloy ang aking sasabihin. "pero hindi tayo pwede."
Wala akong ibang narinig mula kay Dave kundi katahimikan. Muli ko siyang tinignan sa kanyang mga mata at napansin ko agad ang kalituhan at kalungkutan.
"Bakit, Tina?" halos pabulong niyang tanong sa'kin. Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin at marahang hinawakan ang aking mga kamay.
"Bakit hindi pwede? Mahal na mahal kita, Tina. Hayaan mo naman akong patunayan sa'yo ang nararamdaman ko," nagsusumamo niyang sambit sa'kin.
Parang mga kutsilyong tumutusok sa puso ko ang mga salitang naririnig ko mula kay Dave. Walang katumbas ang sakit na aking nararamdaman. Tanging sa mga luha ko lang nailalabas ang lahat.
Bakit ko nga ba pinipilit na gisingin ang sarili mula sa isang panaginip na matagal ko nang inaasam?
Bakit ko nga ba tinatapos ang isang bagay na hindi pa nga nasisimulan?
Bakit ko nga ba mas pinipili ngayon na masaktan?
Dahan-dahan akong bumitiw sa pagkakahawak ni Dave at saka ko siya niyakap, "I'm sorry, Dave. Mas kailangan ka ng pamilya mo at mas kailangan ka ng anak mo."