"Hala! May kinakasal na tikbalang!"
Mula sa kinatatayuan ni Maya ay napatingin s'ya sa nagsalitang bata. Nakita n'ya ang isang batang babae na nakatingala sa langit habang nakasahod ang kamay sa pumapatak na ambon. Sa tabi nito ay isang batang lalaki na kaedaran nito at nagtatakang nakatingin dito.
"Paano mo naman nalaman? May kamag-anak ka bang tikbalang at inimbita ka?" tanong ng batang lalaki.
Bumaling dito ang batang babae at itinuro ang langit.
"Sabi kasi ng lola kapag umuulan daw habang umaaraw may kinakasal na tikbalang," paliwanag ng batang babae na mukhang hindi naintindihan ng kausap nito.
"Nagpunta ka lang ng probinsya ang dami mo nang nalalaman. Tara na nga. Ibig sabihin lang n'yan malapit na ang tag-ulan. May na kaya," balewalang saad ng batang lalaki bago tumakbo palayo. Malamang na uuwi na 'to para hindi abutan ng ulan.
Mabilis na humabol ang batang babae sa kasama. Panay ang sigaw nito na totoo ang sinabi. Ngumiti na lang si Maya sa nakita at saka tumingin sa langit at sinahod ng kamay ang mga patak ng ambon tulad ng ginawa ng batang babae kanina. Mataas ang sikat ng araw at makakapal ang mga mapuputing ulap. Malayong mauwi sa isang ulan ang nangyayaring ambon. Hindi mapigilang bumalik sa alaala n'ya ang itsura ng isang batang lalaki na nagsabi rin sa kanya ng paniniwalang may kinakasal na tikbalang kapag umuulan habang umaaraw. Ngunit pilit n'yang iwinaksi 'yon sa pamamagitan ng pagtigil sa ginagawa at pagpapatuloy sa paglalakad.
Mabilis ang bawat hakbang n'ya hanggang sa makarating s'ya sa isang riles ng tren. Doon ay tumawid s'ya sa isang tulay na gawa sa mga kahoy na bulok na at malapit nang masira. Kulang-kulang na rin 'yon at kung hindi ka mag-iingat ay babagsak ka sa tubig ng ilog na hindi na dumadaloy dahil sa basura. Matapos doon ay lumiko s'ya sa isang eskinita na tanging isang tao lamang ang kasya. Ang paligid ay puno ng tubig mula sa esterong hindi na n'ya matandaan kung kailan ba hindi naging barado. Nangitim na lang ang tubig at namaho ay hindi pa rin nalinis ang lugar. Ang lupang tinatapak n'ya ay hindi na rin n'ya sigurado kung lupa pa ba. Dahil puno ito ng mga plastic magmula sa mga balat ng kendi, sitsirya at iba pang kalat na doon na lamang tinapon. May mga pagkakataon pang kapag inapak mo 'yon ay sisirit ang mabahong tubig at papasukin ang loob ng tsinelas mo.
Madumi at mabaho. Sa loob ng dalawang salita na 'yan ay mailalarawan mo na looban kung saan naroon ang bahay ni Maya. Marami ang nagsasabi na kapag doon ka tumira ay malamang na mamatay ka sa dami ng dumi at baho ng lugar. Pero nasanay na lang yata s'ya kaya hanggang ngayon buhay pa rin s'ya.
Pumasok s'ya sa loob ng isang barong-barong na ang halos kalahati ay nakadungaw na sa ilog. Ang sahig nito ay gawa sa kawayan at may ilang bahagi na may butas kaya makikita mo ang tubig ng ilog. Iyon na ang naging banyo nila. Doon sila dumudumi at naliligo kaya daretso ang bagsak no'n sa ilog. Madalas lahat na ng kalat nila ay doon na ang daretso. Walang kwarto ang bahay na 'yon. Nandoon na ang kusina, ang sala at pagdating ng gabi ay s'ya na ring kwarto ng pamilya n'ya.
Ang asawa ni Maya ay isang magto-trolley. Iyon ang tawag sa transportasyon ng mga tao sa gamit ang riles ng tren. Mahina lamang ang kita roon na kulang pa nga sa pangangailangan nila sa loob ng isang araw, dahilan para mapilitan si Maya na magpatay ng jueteng dahil wala naman s'yang alam na ibang trabaho. Minsan namasukan s'ya kila Aling Marta sa karinderya nito pero sinubukan lamg s'yang pagsamantalahan ng asawa nito at pinagbintangan pa ni Aling Marta na nang-akit lang s'ya.