"You will know who I am when you forget my name" -Jim Paredes.
—————***—————
Imahinasyon o kathang-isip.
Mabenta ito sa mga manunulat ng kwento, dahil sa paraan nang pagpapagana ng kanilang imahinasyon ay gumaganda at nagiging interesante ang isang kwento o istorya.
Ngunit gaano man ito kaganda, kapanapanabik, nakakatuwa, nakakaiyak, o nakakadala ay isa lamang ang totoo. Isa lamang iyong imahinasyon, isa lamang kathang-isip at lahat ay hindi totoo.
Nakilala ko siya, naging kalaro't kaibigan noon. Pero iniwan niya ako, at sa paglipas ng panahon hindi ko malaman kung totoo bang nangyari iyon noon, kung totoong nakilala't nakasama ko siya dahil ayon sa mga nakapalibot sa akin ay imahinasyon ko lang raw siya, imahinasyon ko lang raw si Danilo.
Kumusta ka? Naaalala mo pa ba ako? Ako ito, si Julie, iyong maganda mong kababata? Haha! Namimiss mo rin kaya ako? Sana oo. Hinahanap mo rin kaya ako? Sana oo.
Naalala mo pa ba noong una tayong nagkita?
Naalala ko noong nasa ikalimang antas ako sa Elementarya, bakasyon noon at talagang mainit dahil summer na nang unang beses kitang nakita. Noong una ay hindi tayo nagpapansinan, at dahil bagong salta kaya wala kang ibang kaibigan liban sa pinsan kong si Onyok. Madalang ka lang din naman lumabas ng bahay niyo.
Naalala mo ba noong unang beses kang sumali kasama ang pinsan kong si Onyok sa laro namin na takbuhan? Alam mo bang kapag ako na ang natataya ay nahihiya akong tayain ka kahit na abot naman kita, ewan ko pero parang ang lakas na ng dating mo noon pa man. Doon kita unang nakitang ngumiti at tumawa ng malakas kapag nadadapa iyong iba nating kalaro, doon ko unang nakita ang isang malalim na biloy sa iyong kanang pisngi, at doon ko unang nakita ang bago kong kaibigan. Oo, naging magkaibigan tayo at naging madalas ang paglalaro, pag-uusap at pagkikita natin. Namiss mo ba iyon? Ako kasi sobra!
Namiss mo na ba iyong pag-akyat natin sa punong mangga ng masungit na si Aling Kunching? Natatawa ako dahil patago pa kayong umaakyat noon ni Onyok habang ako naman ang nagsisilbing tagabantay at tagasenyas kung paparating na si Aling Kunching, tagasalo rin ako ng manggang inihuhulog niyo. Patakbo nating lilisanin ang bakuran ng matanda habang bitbit ang maraming mangga na nakakubli sa laylayan ng suot nating mga damit, kapwa may ngiti ng tagumpay ang ating mga labi dahil sa wakas! mayroon na tayong meryenda. Nagtatago tayo sa likod ng bahay nila Onyok, pupuslit si Onyok papasok ng bahay para kumuha ng toyo na magsisilbing sawsawan ng mangga natin. Namiss mo ba iyon? Ako miss na miss ko na e.
E iyong pagbili niyo ng halo halo sa tindahan namin? Kapag ako ang magbebenta sa iyo ay pasimple kong tinatanggihan ang bayad mo at magbibigay pa ako sa iyo ng isa para sa akin iyon, tapos aalis na ako sa tindahan namin at patago muli taong kakain ng halo halo na sabihin nating kinupit ko lang.
Kapag hindi pa sapat ang halo halo para mabawasa ang init na nararamdaman natin ay maliligo kayo sa sapa na nasa liblib na lugar malayo sa bahay namin. Magtatampisaw kayo ni Onyok samantalang nakatanaw lang ako sa inyo dahil pagagalitan ako nila mama kapag nalaman nilang basa ang damit ko, kung huhubarin ko naman ay nakakahiya dahil medyo malaki na ako noon kahit na sampu pa lang ako. Naalala ko pa iyong sinigaw mo noon sa akin habang nakaupo ako sa ilalim ng puno ng mangga at nakatanaw lang ako sa inyo.