Entry #3- Kamandag ng Mapaglarong Pag-ibig

187 11 4
                                    


"Tama na, Hanz. Maawa ka na, please!" pagmamakaawa ni Ella habang pilit na nagpupumiglas sa dalawang lalaking nakahawak sa kanya. Masakit na ang lalamunan niya sa kasisigaw. Nagdarasal na sana'y may makarinig at tumulong sa kanila.


"Maawa?!" Lumingon sa kanya ang lalaki na nanlilisik ang mga mata. May hawak itong metal baseball bat at palapit ito sa kanyang kinaroroonan. "Naawa ka ba sa akin noong panahong ako ang nagmamakaawa sa'yo na mahalin mo? Ibinigay ko sa'yo lahat asawa ko, halos sambahin kita pero ginago mo lang ako!" Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanang pisngi niya na nagpadugo sa kanyang mga labi.




"A-alam mong kahit kailan ay hinding-hindi ako magiging masaya sa'yo!" aniya na kahit masakit ang labi'y pilit pa ring nagsalita na lalong nagpagalit sa lalaki. Bumalik ito sa isang lalaki na nakatali pataas ang dalawang kamay at pinalo ito sa likod. Puro sugat at pasa ang mukha ng lalaki.

 "Ito ba ang ipinagmamalaki mo? Hindi ka man lang kayang ipagtanggol ngayon," anito na humalakhak na parang demonyo.


"D-duwag! Pakawalan mo ako rito at tayo ang magtutuos!" hamon ng lalaking nakatali. Pero imbes na pakawalan, ngumisi ito at inudyakan ng suntok sa sikmura ang lalaki.
May kinuha ito sa sariling bulsa ng pantalon. Nanlaki ang mga mata ni Ella ng makitang pocketknife ang inilabas nito.


Hindi na kayang makita ni Ella kung ano pa ang gagawin ng kanyang asawa kaya ipinikit niya ang kanyang mga mata. Hindi niya lubos akalain na hahantong sila sa ganitong sitwasyon.

Kasintahan niya dati si Albert. Sila ang tunay na nagmamahalan. Sila ang tunay na masaya. Napilitan lang siyang magpakasal kay Hanz dahil sa malaking pagkakautang ng kanyang mga magulang at siya ang hinihinging kabayaran. Sa dalawang taon ng pagsasama nila, kahit kailan hindi siya naging masaya dahil hindi niya kayang suklian ang pagmamahal ni Hanz pero gayumpaman, ginagampanan pa rin niya ang responsibilidad ng isang asawa.


Kung tutuusin, na kay Hanz na lahat nang hinahanap ng isang babae at magkasing-edad lang sila. Naging mabuting asawa si Hanz sa kanya, ibinigay lahat ng gusto niya at sinabi nitong balang-araw matututunan niya rin itong mahalin. Walang araw na hindi siya sinusuyo ng asawa kahit alam niyang pagod ang lalaki sa trabaho. Hindi na rin siya pinagtrabaho mula ng ikasal sila dahil baka mapagod daw siya.


Pero walong buwan mula nang ikasal siya, nag-krus muli ang landas nila ni Albert at muling itinuloy ang kanilang relasyon kahit alam niyang mali dahil may asawa na rin ang lalaki. 

Habang tumatagal ang kanilang lihim na relasyon, binabagabag na siya ng kanyang konsensya. Hanggang sa malaman niyang nagdadalang-tao siya. Doon siya natauhan na maling-mali ang ginagawa nila. Pinutol niya ang ugnayan nila ng dating kasintahan at gusto na niyang magsimula ng panibagong-buhay kasama si Hanz at ibaon sa limot kung ano man ang naging ugnayan nila ni Albert.




Tuwang-tuwa ang kanyang asawa nang ibalita ang tungkol sa pagdadalang-tao niya.

"Magbabakasyon tayo asawa ko. Ipagdiwang natin ang magandang balitang ito," sabi ni Hanz na lumuhod pa ito at hinalikan ang puson niya.


Ang asawa na mismo nito ang nagplano kung saan sila magbabakasyon at may isa pa raw siyang sorpresa na siguradong ikatutuwa niya.

Nakasakay na sila sa sasakyan papunta sa lugar na pagbabakasyunan nila. Hindi mapakali si Ella dahil parang naaamoy niya ang pabango ni Albert. Pilit niyang binalewala ang amoy na 'yon. Marahil nga ay hinahanap-hanap niya pa rin ang dating kasintahan. Pero ayaw na niyang magkasala pa. Tama lang ang desisyon niyang putulin ang relasyon nila habang hindi pa sila nahuhuli ng kanilang mga asawa.

Auditions EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon