KAGIGISING pa lang ni Drey, ramdam na agad niya ang alinsangan ng panahon. Umaga pa lang pero mainit na. Basang-basa ng pawis ang dibdib niya at maging singit ay gano'n din.
Naghikab siya at tumingin sa kalendaryo.
"April 22, 2015..."
Bakasyon pa rin. Summer na summer na rin. Mabilis niyang inayos ang higaan niya at naligo. Kumain na rin siya. Hindi niya maintindihan pero gusto niyang maging kapaki-pakinabang ang araw na iyon.
Nagdilig muna siya ng halaman. Para rin kasing tao ang mga ito, kailangan din ng tubig. Baka matuyo at mamatay. Kasama na rin siyempre ang pagdidilig sa ginawa niyang mini vegetable garden sa likod-bahay. Tag-init, magandang panahon para magtanim.
May tatlong dahon na ang munting tanim niyang talong. May lima naman ang kamatis at kumakayap na ang ampalaya't kalabasa. Sandali rin siyang umupo sa harapan ng mga tanim na parang kinukumusta ang mga ito. Para siyang sira, paano, twenty na siya pero ginawa pa niya ito. Pero ano nga naman bang masama?
Sandali siyang nanood ng replay na anime sa isang TV station. Pagkatapos ay napasilip siya sa labas, sa palayan. Tabing-palayan kasi ang bahay nila. Nakita niyang may mga batang tumatakbo. Mga batang nagpapalipad ng saranggola dahil malakas na ang simoy ng hangin. Nakita rin nga niya ang dalawa niyang kapatid na nagagawa naman ng saranggola sa lilim ng isang puno.
Parang may umilaw na flourescent lamp sa itaas ng ulo ni Drey. Naalala niya ang kanyang kabataan, noong elementary pa siya. Kagaya rin niya ang mga bata na nagpapalipad ng saranggola sa ilalim ng araw.
"Makagawa nga uli ng saranggola." Nakangiti pa siya at nilapitan ang kapatid niyang gumagawa nito.
"Ako nang gagawa!" aniyang ikinagulat ng dalawa niyang kapatid.
"Sigurado ka, Kuya?" tanong ni Drex, ang kapatid niyang grade six. Ang sumunod sa kanya.
"Sure na sure ako. Na-master ko na yata ang pagagawa niyan," pagmamalaki pa ni Drey sa kapatid. Doon na nga ay inumpisahan na niya ang pagbuo ng saranggolang yari sa dyaryo. Saranggolang hugis diamond. Ginamit niya ang tingting ng walis para sa frame at kanin bilang glue.
"Yehey! Tapos na!" masiglang sabi naman ni Drew. Ang grade four at bunso sa magkakapatid. Natapos na kasi ni Drey ang saranggola.
"Watch and learn!" pagyayabang pa ni Drey matapos lagyan ng sinulid ang saranggola.
"Parang elementary days lang. Sisiw sa akin ang mga ganito," sabi pa niya sa sarili at nang umihip nang malakas ang hangin ay iniitsa niya pataas ang saranggola. Napangiti ang magkakapatid at napa-wow ang ibang bata.
Lumipad ang saranggola. Agad hinabaan ni Drey ang sinulid para umangat ito.
"Yehey! Ang galing ng kuya namin!" pagyayabang pa ng mga kapatid niya sa ibang bata. Ngiting-proud naman si Drey. Kaso, biglang umikot nang umikot sa ere ang saranggola. Bumulusok paibaba at tumusok ang ulo sa lupa.