Entry #3- Nikki Mabuti

439 9 16
                                    


Nagising ako sa tunog ng cellphone na nasa ilalim ng aking unan. Kahit di pa nakikita kung sino ang tumatawag ay sinagot ko na para tumahimik lamang ito.


"Nakaligo ka na ba?" pabuntong-hiningang sabi agad ng nasa kabilang linya.


"Hindi pa. Mamaya na siguro," sagot ko na may kasamang paghikab.


"Hala! Anong oras na kaya?" pagpapa-alala n'ya.


"Sasama ako 'wag kang mag-alala!" inis na sumbat ko agad sa kanya sabay baba sa cellphone.


Kinusot ko ang balat ng aking mga mata upang matanggal ang aking pagka-antok kasabay nang pagtanggal sa mga namuong luha sa gilid nito. Tinignan ko ang oras sa aking cellphone ngunit mukhang maga pa rin ang aking mata kaya di ko maaninag kung anong numero talaga ang nakikita ko.


"Putang***, inaantok pa ako," daing kong mahinahon sa sarili.


Nakahiga pa rin ako sa kama kahit alam kong tirik na tirik na ang araw sa katanghalian. Damang-dama ko ang katamaran mula sa aking talampakan maging sa aking mga kamay. 


"Coitus, anong oras ka aalis?" tanong ng kilalang boses pero di ko na masinop kung sino. 


"Maya-maya!" pasigaw kong tugon para marinig n'yang na nasa kabilang pinto.


Tumayo na ako mula sa pagkakahiga kahit alam kong yakap-yakap pa rin ako ng katamaran na nagpapanatili sa akin para yumukyok sa kama at pakiramdam ko'y sakit ko na noon pa.


Pagbaba ko sa unang palapag ng aming tahanan ay nakita ko ang aking apat na buwang tuta. Nagtanong ako sa isang kasama namin sa bahay kung kumain na ang tuta at tumango lang s'ya bilang pagsagot ng oo.


Para sa aking agahan, kumuha ako ng mansanas sa refrigerator dahil wala akong ibang maisip na almusal. Patapos na akong kumain nang tumawag uli ang kanina kong kausap sa cellphone.


"Pare, ano tuloy ka pa ba?" tanong nito sa akin.


"Oo, heto't tapos na akong kumain"


"Sige" sabi n'ya at binaba na n'ya ang tawag.


Pinakawalan ko ang ang tuta upang makalibot ito sa bahay at umakyat na ako sa itaas para maligo.


Habang naliligo ako ay narinig kong kanina pa tumatahol ang tuta.


Nakita ko na lang na may umuusok mula sa loob ng aking kuwarto kaya dali-dali ako nagtapis ng tuwalya sa baba ng aking baywang. Kumaripas ako ng takbo papunta roon. Sumama sa akin ang tuta. Nakita kong nasusunog ang extension wire kung saan nakasaksak ang aking desktop at laptop. Sa sobrang taranta ay kinuha ko ang wire kahit medyo basa pa ang aking kamay.


"King***!" hiyaw ko pagkatapos kong mabunot ang wire sa pagkakasaksak. Nakita ko ang aking tuta sa tabi ng CPU sa lapag.


Tinakpan ko ng aking braso ang aking mukha nang biglang sumabog sa harapan ko ang CPU. Nakita ko ang kaawa-awang tuta sa aking harapan.


Nakalumpasay s'ya sa sahig habang patuloy na umuusok ang sumabog na CPU. Hindi ko alam kung paano ko s'ya dadamputin dahil natatakot akong makuryente ng mga linyang parang ahas na gumapang sa sahig ngunit heto ako at nagbabakasali para muling mahagkan ang aking tuta, ang aking tutang si Nikki Mabuti.


Auditions EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon