Entry #14- That Typical Beach Talks

218 16 4
                                    

          

Puta. Wala akong makitang magpapakalma sa inis na nararamdaman ko sa aking asawa na napakawagas makasita. Tao rin ako, nauubusan ng pasensiya!

          Isang panibagong tampuhan ang nagtulak sa akin para kunin ang ino-offer  na bakasyon. At heto, hawak ang isang bote ng beer, naglalakad sa buhanginan, nagpapalamig.



          By the seashores of Atimonan, I sat and wept—

          and drunk.


       Dapit-hapon na'y nagtatampisaw pa rin ako sa tabing-dagat, na sa halip na mga naggagandahang mga babae ang nakapukaw sa aking atensyon ay nakita ko ang isang 'kakaibang' eksena. 

          Isang matandang lalake na nasa edad 70, na nasa tabing dagat, sinisipa ang mga alon na papalapit, katabi ang isang wheelchair. 

         "Isang tipikal na tagpo ng isang retiradong nagsisisi," bulong ko sa sarili habang papatalikod na ako papalayo. 

          "Hindi ka pa ba napapagod at paulit-ulit mo 'tong ginagawa?" 

          Napalingon ako sa tila seryoso at gumagaralgal na tanong mula sa isang babae na kung pagbabasehan mo ang boses ay halos kasing tanda ng lalaking nakaupo sa buhanginan. At marahil na rin sa matinding 'curiosity' sa mga nangyayari ay umupo ako sa isang nakatumbang puno  malapit kung saan ay bahagya kong maririnig ang pag-uusap ng dalawang matanda.

          Pinagmasdan ko ang ekspresyon sa mukha ng matandang lalake habang namumulot ng mga maliliit na kabibe na inilapit nito sa wheelchair. 

          Nakangiti lamang siyang ipinapatong ang mga bato't kabibe.

          "Apatnapung taon na ang nakakaraan, may isang babae akong nakilala." Isa-isa niyang pinaghiwa-hiwalay ang mga sigay na iniabot. "At tulad mo rin, tinanong ko sa ang parehas na tanong. Inisa-isa ako rin ang mga dahilan kung bakit hindi mo ako dapat magustuhan."

          Napangiti ako sa sinabi ng matanda, at mas lalong lumaki ang interes ko para makinig sa kanila.

          Hinawakan ng matandang lalake ang huling piraso ng kabibe, pinaikot-ikot at ipinatong uli sa wheelchair. "Meng, bakit mo nga ba ako minahal?"

        "Simple lang," gumagaralgal na tugon ni 'Lola' Mameng. "Kasi sa loob ng apatnapung taon, walang sawa mong ipinakita mo sa akin ang pagsikat ng araw, gayundin ang paglubog nito. At ni minsan sa mga taong iyon ay hindi mo ipinakita sa akin na nag-iisa kong haharapin ang dilim at lamig ng gabi." Huminga ito ng malalim at nagpatuloy, "Hindi man tayo perpekto'y nagmamahalan naman tayo. Happy Anniversary, Irog."

        "Mahal na mahal din kita, Meng." Tumayo si 'Lolo' na tila inaabot ang mga sinag ng papalubog na araw. "Kaya magpagaling ka na. Ang hirap maglakad sa dalampasigan ng nag-iisa."

        "Opo, Ser..." pabirong tugon ni 'Lola' Meng. "Umuwi ka na rito't iinom na ako ng gamot, at magagabi na rin. Ipapasara ko na rin 'to kay Bunso. Dalhin mo ang mga kabibe at magsungka tayo mamaya."

        Pinatay ni Lolo ang laptop, at masayang naglakad papauwing nakangiti, tulak ang wheelchair na may dala-dalang mga bato't kabibe na iaabot sa asawang naghihintay sa kanyang pag-uwi.

       Naiwan ako doon; papaluha at natauhan habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw.

  It was just a typical summer conversation, yet that certain 'typical' changed my perspective of what true love is.


Patawad, Mahal. Babawi ako pag-uwi ko.

Pangako.

Auditions EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon