Chapter 10

417 8 0
                                    

Dumating ang araw ng libing ni lola at sa tingin ko ay mas mabigat pa sa makulimlim na kalangitan ang aming nararamdaman. Habang halos lahat kami ay nagu-umapaw ang luha at hindi mahila sina Tita Juliana at Asteria na nakayakap sa kabaong ni lola, si Mommy naman ay wala lamang emosyon, ngunit panay ang himas ni Daddy sa kaniyang balikat.

Nang araw na iyon napatanong ako sa aking sarili kung paano nagagawa ng isang tao na manatiling matatag sa kabila ng paglisan ng isang mahal nila sa buhay, kasi ako kahit na piliin ko magmukha madalas na matatag ako ay marami pa rin pagkakataon na hindi ko maikukubli na marami rin akong kahinaan.

Nang sumunod na araw ay hindi pa rin pumasok si Daddy dahil may ilan pa rin kailangang ayusin, habang ako ay kinailangan ng pumasok dahil ngayon ako kukuha ng quiz at sigurado na maraming lessons pa akong hahabulin.

Pagdating sa Sumacab campus ay wala ni isa man lang na tri-bike akong naabutan na nakapila kaya naman no choice ako kun'di maglakad. Nasa tapat naman na ako ng guard house ng mula sa gilid ng aking mga mata ay mayroon huminto na tri-bike at pinagsisisihan ko na nilingon ko pa iyon.

"Jury!" Ikinaway niya ang kaniya kaliwang kamay sa akin at sumabay sa aking paglalakad na tila ba sa tingin niya ay ayos lamang iyon sa akin.

"Mayroon ka kasalanan sa akin." Hindi ako tanga para hindi malaman kung ano ang tinutukoy niya. Marahil ay wala siyang ideya na namatayan ako, hindi rin naman kasi ako iyong tipo na magdra-drama pa sa Facebook dahil nawalan ako ng mahal sa buhay, ni hindi ko na nga pinag-aksayahan pa na baguhin ang aking profile picture para palitan ng kandali.

"Dahil diyan ay ngayong linggo ay sabay pa rin tayong kakain ng lunch."

"Mr. Chairman, hindi ka ba napapagod sa walang kwentang bagay na pinipilit mo?" mahinahon na tanong ko. Hindi ko na rin binalak pa na tapunan siya ng tingin maliban sa kanina, dahil hindi ko man nakikita ang mga estudyante na nasa aming bandang likuran ay nararamdaman ko na kami na ang pinagu-usapan ng mga ito.

"Hindi, lalo na at ikaw ang makakasama ko." Nangunot ang aking noo ng itapat ko ang aking paningin sa tanaw na building ng Department of Engineering habang naglalaro na naman sa aking dugo ngayon ang iritasyon sa kaniya.

"Kung hanggang ngayon ay hindi mo pa ako napapatawad sa pagkabasa ng ipapasa mo na proposal ay sabihin mo sa akin kung tungkol saan iyon at ako na ang gagawa. Kahit ako na lang din ang magpasa sa Dean."

"Mas gugustuhin ko iyo kaysa kada-tanghali ay mawalan ako ng gana sa pagkain." Hindi na ako nagsalita pa, ngunit siya ay hindi tumigil sa pagsasalita hanggang sa makarating na kami sa tapat ng COED building.

"Habang tumatagal ay mas nahihirapan ako mapalapit sa iyo ah. Hmm, pero mas gusto ko ito, nacha-challenge ako." Humalakhak siya.

"Oh, so that's it. It's your way to boost your ego?" Nakita ko naman ang papalapit na sina Daniella at Collin na nagpabalik-balik ang tingin sa aming dalawa ni Demus.

"Kayo na?" tanong ni Collin, pabiro naman siyang siniko ni Daniella.

"Kung trip ang hanap mo Mr. Chairman, kahit ngayon linggo lang patahimikin mo ang buhay kolehiyo ko, please lang." Tinalikuran ko na siya, tuluyan na akong naglakad papasok sa COED, habang tanging si Daniella lang ang sumunod sa akin kaagad.

Pabagsak kong ibinaba ang aking bag sa silya, kabaligtaran ng mahinhin na galaw ni Daniella.

"Nakakainis talaga iyong lalaki na iyon. Feeling close!"

"Isa pa iyong si Collin, walang magawa kun'di tuksuhin din ako doon kay Chairman." Umupo ako sa silya at saka humalukipkip.

"Pagpasensyahan mo na iyong si Collin. Ganoon naman talaga iyon, kahit nang highschool pa lang tayo." Malalim akong napabuntong-hininga at tumitig sa pisara.

Against The Boundaries (NEUST Series #4) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon