E *43*

373 17 2
                                    

43

"Dahil tayo na."

Nagkagulo ang paligid. Ang mga ibang classmates ko ay nadismaya, mga may gusto kay Charlyn. Nagtatalon naman sa tuwa ang mga iba na boto sa relasyon nilang dalawa, kasama na roon ang mga kasama ni Hanz sa kaniyang tabi. At si Hanz naman ay nakatitig kay Charlyn na may hindi makapaniwalang ekspresyon. Maya maya pa ay tinabig niya si Charlyn at niyakap ng mahigpit. Dahan dahan namang inangat nito ang kamay upang yumakap pabalik. At itinuon ang mata sa kaharap. Noon lang niya naalis ang tingin sa akin.

Nanuyot ang lalamunan ko. Unti-unting bumagal ang pagtibok ng puso ko. Nanlamig ang buo kong katawan. Hindi ko mapangalanan ang nanunuot na sakit sa dibdib ko hanggang sa sakupin nito ang buo kong pagkatao. Bigla ay hindi ko maigalaw ang katawan ko.

Gusto kong lumayo mula sa kanila. Gusto kong iwasan ang nangyayari.
Gusto kong ipikit ang mga mata para hindi na masaksihan pa ang nangyayari sa paligid.
Gusto kong takpan ang mga tenga ko para hindi marinig ang mga salita na parang matulis na bagay na bumabaon sa dibdib ko.

Bigla ay hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin. Natatakot ako sa nararamdaman ko. Ito ang unang beses na maramdaman ko ito. Tila naging ibang tao ang aking katauhan. Punong puno ng lungkot ang loob ko. Bigla ay gusto kong umiyak sa bigat na nararamdaman ko ngunit walang luha ang lumalabas.

"Ken, aren't you going to congratulate me? Kami na ni Charlyn!"

Doon lang ako natinag. Hindi ko namalayan na nasa harap ko na pala sila at nakatitig sa akin. Ang mukha ni Hanz na sobrang saya, malaking ngite ang nakaukit sa kaniyang labi at ang mga matang kumikinang sa saya. Sunod kong tinignan ang katabi niya na tila walang pakealam. Andoon na naman yung malamig niyang tingin, yung dati niyang tingin. Ngayon na nasa harap ko na siya at nakikita ng mas malapit, napagtanto ko na nawala na yung Charlyn na nakasama ko nitong nakaraang buwan. Dahil bumalik na siya sa dating siya at mas lumalala pa.

Binigyan ko siya ng nagtatanong tingin. Bigla ay gusto ko siyang sumbatan. Gusto kong tanungin tungkol sa desisyon niya. Gusto kong tanungin kung ano ang nangyayari sa kaniya. Gusto kong malaman kung ano ang tumatakbo sa isip niya habang nakatingin sa akin.

Dahan dahang kumuyom ang mga kamao ko. Pakiramdam ko pinaglalaruan ako. Niloloko ako ng mga taong nakapaligid sa akin. At sila ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito ngayon.

Akala ko ba gusto mo ako? Pero bakit gan'to?

Inaamin ko na may parte sa akin na umasa na gusto niya talaga ako. At hindi ko alam kung bakit, hindi ko maintindihan. At may kung anong takot na namumuo sa loob ko. Ano bang nangyayari sa akin?

Maya maya lang ay nakaramdam ako ng pagsisi sa panandaliang galit na naramdaman ko. Mali ang iniisip ko at mga nasabi sa isip. Hindi tama ang naging takbo ng utak ko. Hindi mabuti ang makaramdam ng galit sa kahit na kaninuman. At dapat maging masaya ako para sa kanila.

Pinilit kong ngumite. Lumunok ng paulit-ulit para makapagsalita dahil pakiramdam ko may bumara sa lalamunan ko. Linabanan ko ang sarili na huwag ilabas ang totoong emosyon ko.

"C-congrats sa inyo," yun lang ang nasabi ko. Hindi ko alam kung yun ba ang dapat kong sabihin sa kanila.

Tinapik niya ako. "Salamat, Ken." Mas malawak na ang ngite ni Hanz samantalang blanko lang ang mukha ni Charlyn.

Muli akong ngumite sa kanila bago tumalikod. Tila wala sa sariling naglakad papasok sa room namin. Umupo at tulala sa kawalan. Inisip ang mga nangyari sa akin minuto lang ang lumipas.

Bahagya ng humupa ang hindi mapangalanang pakiramdam. Ngunit nanatili ang lungkot sa akin. Medyo nanginginig pa rin ang katawan ko. At ang takot na naramdaman ko kanina ay patindi nang patindi.

"Pre, ayos ka lang?"

Napatingin ako sa aking tabi at bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni William at Ron.

Pinilit kong ngumite para hindi nila makita ang totoo kong emosyon. "Ayos lang ako."

Hindi sila kumbensido sa naging sagot ko ngunit hindi na sila nagpumilit pa. Siguro'y naiintindihan nila na kailangan ko munang sarilinin ang kung ano man itong nararamdaman ko. Wala naman akong balak na magpumilit. Hindi pa ako handang magkwento sa kanila. At gusto kong alamin ang kung anong pakiramdam ito at bakit ko ito nararamdaman bago ako magsabi sa kanila.

Nagsimula ang klase nang dumating ang first subject teacher namin. Nasa harap ang aking paningin pero wala roon ang atensiyon ko. Inaagaw ng nangyari kanina ang buo kong atensiyon at nahihirapan akong pigilan ito. Sa huli ay hinayaan ko ang sarili na isipin ang nangyari sa akin kanina.

Muli kong naalala ang pag-uusap namin ng mga kaibigan niya nang bumalik sila sa Simbahan. Wala sa sariling napailing iling ako at lihim na pinapagalitan ang sarili dahil naniwala ako kahit hindi ko naamin noong una. Naiinis sa sarili dahil naniwala ako kahit alam kong impossible. At mas lalo akong naiinis dahil hindi ko malaman ang rason kung bakit ako nagkakaganito. Idinaan ko na lang sa buntong hininga ang lahat.

Nagpasalamat ako nang walang naganap na kahit anong pagsusulit sa hapong iyon. Dahil nasisiguro kong wala akong makukuha, ang isip ko ay lumilipad sa kawalan. Ayoko bumagsak sa kahit anong activity o quizzes. Maaring maapektuhan ang aking kasalukuyang posisyon sa klase kapag nagkataon. Tila nakikisama ang pagkakataon sa nararamdaman ko at ayaw ako nitong maabala dahil hindi ako tinawag ng mga guro namin para magsagot sa board.

"Andito ka na pala, anak."

Tinig mula kay Nanay na nang makita ko ay nagwawalis sa bakuran. Maliwanag pa ang paligid, sa tantya ko ay alas singko pa lang ng hapon. Hindi ko man lang napansin na nakauwi na pala ako. Tulala ako habang naglalakad sa daan kaya hindi ko namalayan.

Napatigil siya sa ginagawa nang mapansin ang aking kalagayan. Mabilis siyang lumapit sa akin. Bigla ay gusto kong maramdaman ang init niya kaya sinalubong ko siya ng yakap. Doon ko naramdaman ang panghihina. Muling bumalik ang naramdaman ko kanina. At ngayon lang namasa nang tuluyan ang mata ko. Naging sunod sunod ang pagpatak nito na parang ngayon lang naibuhos lahat. Na parang ang tagal kong inipon ito at ngayon ay hindi na kayang pigilan.

"N-nay........," parang batang pagtawag ko sa kaniya habang patuloy sa pag-agos ang luha sa pisnge ko bagama't walang tunog.

The Playgirl In Boys Section ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon