Kabanata 23

14 4 0
                                    

Kabanata 23

HALOS mapaawang ang aking labi dahil sa sinabi ni Lazaro. Napatulala rin sa kaniya si kuya David habang hindi makapaniwalang titig ang iginawad ni kuya Samuel sa kaniya. Napatingin sa akin si Lazaro at ngumiti lamang ito ng tipid sa akin.

Siya ba'y seryoso sa kaniyang sinasabi? batid ko sa aking sarili na may pagtingin na rin sa'kin si Lazaro dahil sa ibinigay nitong liham sa akin kahapon. Ngunit hindi ko akalaing  sasabihin niya ang mga ganoong kataga sa harap ng aking mga kapatid.

"P-paumangin kung hindi ko iyon nagawa sa iyo dati subalit Ikaw ba'y sigurado sa iyong mga tinuran Ginoong Lazaro?" seryosong tanong ni Kuya Samuel. Napairap ako sa kawalan. "Kuya Samuel tama na iyan, tayo'y umuwi na sa ating tahanan," nayayamot kong saad at inalis ang pagkakaakbay sa akin ni Kuya David at hinila paalis si Kuya Samuel.

Nakakunot lamang ang noo sa akin ni Kuya Samuel. "Solana, may pagtingin ka rin ba kay Ginoong Lazaro?" kalmadong saad nito. Maaliwalas ang mukha nito at hindi nababakas sa kaniyang ekspresiyon kung ito ba'y nayayamot ngunit bakas ang lumbay sa kaniya. Marahil ay naalala na naman niya ang dati niyang pag-ibig. Napatingin ako kina kuya David at Lazaro kapwa sila nag-uusap habang nakapamulsa ang kamay ni Lazaro.

Ibinalik ko ang tingin ko kay  kuya Samuel at nahihiyang tumango. Napabuntong hininga ito. "Kailan pa?....tila ngayon mo lang naramdaman iyan kay Ginoong Lazaro" saad nito habang nakakunot ang kaniyang noo.

Napakagat ako ng aking labi. "Hindi ko rin batid sa aking sarili Kuya Samuel, bigla na lamang tumibok ang puso ko noong nasilayan ko siya nang mga panahong iyon. At hindi ba ganito rin ang naramdaman mo nung nakilala mo si —" hindi ko na naituloy ang aking sasabihin nang biglang lumungkot ang mukha niya at umiwas ng tingin.

Hanggang ngayon talaga ay hindi pa rin niya makalimutan ang dati niyang pag-ibig.

Napahinga ito nang malalim pagkatapos ay inakbayan ako nito at nagsimula kaming maglakad patungo sa aming kalesa. "H-hindi naman masamang makatagpo ka ng taong iyong napupusuan, kahit sino pa yan aking lubusang tatanggapin basta't aking nakikita ang pagmamahal, pag-aalaga at respeto nito saiyo ngunit.."

Napatingin ako sa kaniya nang huminto ito sa kaniyang pagsasalita. "Ngunit....hindi ko pa nais na ikaw ay mag-asawa ni hindi mo pa nga alam ang magluto hindi ba?" saad nito at pilit na lang na tumawa nang marahan.

Pinaningkitan ko ito ng aking mata, noon pa man ay nais ko nang matutong magluto ngunit pinagbabawalan ako ni ina dahil sa baka ako'y makalikha ng insidente.

"Kuya Samuel, batid ko po ang bagay na iyan. Hindi ko rin naman po hanggad na matali ako kaagad ngunit kung kay Lazaro naman......nais ko na" saad ko at umalis sa kaniyang pagkakaakbay at patakbong nagtungo sa aming kalesa.

Napangiti ako nang makita kong patakbo rin ito palapit sa aming kalesa. "Ano ang iyong tinuran Solana? hindi ko iyon nais" bungad nito. Napangiti ako at nagkibit balikat. Bahagya akong napasigaw nang pisilin nito ang aking pisngi.

"Kuya Samuel!" impit kong sigaw at hinampas ang kaniyang kamay. "Hindi ko nais na ikaw ay mag-asawa na....balak mo bang unahan pa kami ni Kuya David" wika nito at inilalayan ako sa pagsakay sa aming kalesa.

"Hindi naman po sa gano'n Kuya Samuel" tugon ko habang inaayos ang aking sarili sa pagkakaupo sa kalesa. "Tama na iyan, malinaw para sa ating dalawa ang ating kasunduan....hindi ka pa maaaring mag-asawa—"

"Dahil kayo muna ang kailangang mauna" putol ko sa kaniya at ngumiti nang malapad. Napatango-tango si Kuya Samuel. "Tama iyan" sumasang-ayon saad nito.

Sandali akong napatingin kay Kuya Samuel, tunay na  nakahahalina rin ang tindig nito ngunit hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa itong bagong napapakilalang Binibini sa amin matapos ang relasyon nila. Kung patuloy niya lamang uunahin ang kaniyang pag-aaral at trabaho ay baka maubusan na ito ng mapapangasawa o marahil ay umaasa pa rin siya sa kaniya.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon