Kabanata 32
NAALIMPUNGATAN ako dahil sa malamig na simoy ng hangin, nanlalabo ang aking mga matang pinagmasdan ang paligid. Dahan-dahan akong napatayo sa higaan at sinuri ang buong kapaligiran.
Nakahiga ako ngayon sa isang malambot na kama habang nakayakap sa akin ang isang makapal na kumot. Pinakiramdaman ko ang aking ulo ang aking huling naalala ay bigla na lamang kumirot ito at biglang may pumasok na alaala sa aking isipan. Malinaw sa aking alaala na binanggit ko roon ang pangalan ni Lazaro at ang pagsabog na naganap sa pagitan naming dalawa.
Napatingin ako sa maliit na orasan na nakapatong sa lamesa. Halos manlaki ang aking mga mata dahil ala-dos na ng madaling araw. Agad na pumasok sa aking isipan si Ligaya, halos buong gabing hindi nito naramdaman ang aking kalinga.
Napatayo ako at inayos ang katre ni Lazaro. Napahinga ako nang malalim, tila nakaramdam ako ng alinlangan dahil sa ginawa at sinambit sa akin ni Lazaro, ako si Solana na kanilang hinahanap, kami ay iisa.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at sandaling sumilip doon, matapos lahat ng aking nalaman kagabi ay hindi ko batid kung paano muli ako magsisimula. Tila nahulog ako sa dalawang bitag, hindi ko rin batid kung sino ang aking paniniwalaan sa kanilang dalawa ni Jacinto, mahal ko si Jacinto dahil siya ang aking asawa ngunit may parte para sa aking puso na kakaiba ang pinaparamdam sa akin ni Lazaro.
Nadatnan kong nakahiga si Lazaro sa isang mahaba at malambot na upuan, habang nakabalot sa kaniya ang isang kulay itim na kumot. Matiwasay at payapang nakapikit ang kaniyang mga mata habang mahimbing itong natutulog, sandali akong napatitig sa kaniya, hindi pa rin malinaw sa akin kung bakit kasama ko siya sa naganap na pagsabog at tila maganda ang uganayan naming dalawa sa isa't isa.
Napalunok ako at napangiti nang mapait, hindi ako dapat na magpadala sa bugso ng aking nararamdaman, kahit na bumalik sa akin ang aking alaala ay tila malabo na ako'y kaniyang muling mahalin dahil nakatali na ako sa iba. Tila sa ibang lalaki ko natupad ang mga pangarap naming dalawa.
"Maraming Salamat Lazaro" mahinang saad ko at nagsimulang maglakad patungo sa pintuan, ngunit bago ko pa man mapihit ang pinto nang marinig ko ang mahina nitong ungol. Napabalik ang tingin ko sa kaniya, nakapikit pa rin ang mga mata nito ngunit tila hinahabol nito ang kaniyang paghinga.
Lumapit ako sa kaniyang kinalalagyan, hindi ko batid kung ano ang aking dapat gawin, patuloy ang pagbitaw nito ng mahihinang ungol habang nakapikit pa rin ang kaniyang mga mata. Ipinatong ko ang aking kamay sa kaniyang noo tila may isang boltahe ng kuryente akong naramdaman.
Marahan kong hinaplos ang kaniyang noo, nakikita kong unti-unting bumabagal ang kaniyang paghinga kumpara kanina na tila nakikipaghabulan ito. "Solana.." mahinang saad nito. "Solana....m-mahal kita.." halos mangilid ang aking luha dahil sa kaniyang sinambit napatigil din ako sa paghaplos nang banayad sa kaniyang buhok.
Batid kong mahal na mahal ka rin ni Solana na iyong nakilala sa iyong nakaraan. Kahit pa sinambit mo sa akin na ako ang babaeng iyong minamahal ngunit hindi kita lubusang maalala. Hindi ko batid kung paano tayo nagkakilala, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nababatid kung sino ako. Saan ako nagmula, sino ang aking mga kaibigan, kakampi at kasiyahan. Hanggang ngayon ay tila blangko pa rin ang unang pahina ng aking binubuong libro.
Pinunasan ko ang aking luha, unti-unti na muling nanumbalik ang mahimbing at payapa nitong pagtulog. Marahan akong lumapit sa kaniya at hinalikan ito sa kaniyang noo, sa totoo lamang ay unti-unti na akong nangangamba na malaman ang aking totoong pagkatao dahil hindi ko batid kung nanaisin pa rin ba nila akong mahalin katulad ng dati.
BINABASA MO ANG
Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)
Ficción histórica"Mananatiling ikaw ang paksa ng aking tula kahit mahirap nang ipilit na maibalik ang dating tugma" Hindi lubos akalain ni Solana na mahuhulog ang loob nito sa isang Ginoong halos limang taon ang pagitan ng kanilang edad. Walang araw na sinasayang it...