Kabanata 38

17 3 0
                                    

Kabanata 38


"KUYA DAVID ano na ho ngayon ang balak mo?" tanong ko sa kaniya sa kabila ng ilang katahamikang namayani sa'min kanina. Hindi ako gaanong nakapagsalita matapos nitong isiwalat ang mga nangyari. Tila may bumara sa aking lalamunan.

"Aayusin muna namin ang lahat Solana, patawarin mo ako at ni Ligaya ngunit buo na ang aking desisyon na ipakulong siya" tugon nito at tumitig sa aking mga mata. Siya'y aking  naiintindihan, matapos nang ginawa nito sa'kin ay tila nais ni Kuya David na pagbayaran iyon.

"Malakas din ang aking kutob na isa siya sa may kinalaman sa naganap na pagsabog noon" dagdag nito, sumimsim ito ng kape at napahinga nang malalim. "Patawarin mo ako Solana, subalit hindi ko na kayo ibibigay pang muli kay Jacinto, kaya kong maging isang tiyo at ama kay Ligaya" mababang tonong saad nito at tumingin ng seryoso sa'kin.

Napatango ako at tipid na ngumiti, kahit may parte sa aking damdamin na nalulumbay ako ngunit pumapasok sa aking isipan ang nagawang pagtataksil at paglilihim ni Jacinto. Maaari kong sabihin na mayroon siyang nagawang pagkakamali sa'kin ngunit kay Ligaya ay wala.

"Ikaw ay aking naiintindihan Kuya David" saad ko at tipid na ngumiti. Ngumiti ito nang matamis. "Magiging maayos din ang lahat Solana" saad nito. Dahan-dahan akong napatango, hinihiling ko ang bagay na iyan, magiging maayos din ang lahat at babalik sa normal ang aking buhay. Wala man si Jacinto sa aking tabi, na sa piling ko naman si Ligaya.

Tumayo si Kuya David at hinalikan ang aking noo, nagtungo ito sa kusina at kinuha ang mga kagamitan at paunang lunas na ginamit nito kanina. "Matulog ka nang muli Solana, ihahatid ko lamang itong mga gamit....sa tingin ko'y gising na si Señor Guarez ng ganitong oras" wika nito.

Tumango at tumayo ako sa upuan, ngumiti ito nang tipid bago nagtungo sa pinto. "Dadaan na rin ako kina Manang Luz" wika nito bago isinara ang pinto. Napabuntong hininga ako at napaupo panandalian sa upuan.

Mag-aalas kwatro na ng madaling araw, sa tingin ko'y mahihirapan na akong makatulog nito. Napabaling ang tingin ko sa katabing silid na aming tinutulugan kanina. Matapos malinisan ni Kuya  David ang sugat ni Lazaro ay hindi ko na ito muling nakumusta.

Tumayo ako sa upuan at nagtungo sa silid ni Lazaro, nais ko lamang makita ang kalagayan nito.  Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at dahan-dahan akong pumasok sa loob. Halos magkasing lawak lamang ang silid ni Kuya David sa kaniya, may aparador sa gilid at maliit na lamesa sa gitna at sa gilid ng katre nito. Nakapatong doon ang isang may kalakihang ilaw na nagbibigay liwanag sa kaniyang silid.

Payapa at mahimbing ang tulog ni Lazaro, nakabalot ng malinis na tela ang braso nito at nakataas hanggang sa baywang  nito ang kumot. Dahan-dahan akong umupo sa kaniyang malambot na katre at sandaling tinitigan ito sa kaniyang mukha.

Ngayon ay aking nauunawaan kung bakit agarang nahulog ako sa kaniya nang nakaraan.  Ang kaniyang hugis ng mukha, korte ng mga mata at labi ay pawang nanghahalina. Ang tangos ng kaniyang ilong na tila ba humihingi ng atensiyon.

Hindi na ako nagtataka kung bakit nagawa nitong patibukin ang aking puso sa una pa lamang naming pagkikita. Kakaiba ang naramdaman ko sa kaniya, kumpara sa mga araw na una kong  nasilayan si Jacinto. Kay tagal kong tinuruan ang aking puso na mahalin si Jacinto, ngunit nang makita ko si Lazaro ay ang tibok ng puso ko na ang siyang nagdidikta.

Hind ko batid kung ano ang aking mararamdaman ngayon na malaman ko na ako si Solana na nagawa niyang mahalin noon pa man. Kaya ba kaydali nitong napatibok ang aking puso at mapalambot ito, ay dahil noon pa man ay siya na ang nagmamay-ari sa puso ko.

Napahinga ako nang malalim at hinaplos nang banayad ang kaniyang braso, itinaas ko rin nang kaunti ang kaniyang kumot at banayad na hinaplos ang kaniyang mukha. Hinawi ko ang buhok na humaharang sa kaniyang noo, tila kay sarap nitong panoorin sa kaniyang matiwasay na pagtulog nang mahimbing.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon