Kabanata 30
MAG-AAGAW dilim na nang makauwi sina Sally at Ligaya sa bahay. Mabuti na lamang at nakapaghanda na kami ni Manang Luz ng hapunan kaya't kasalukuyan na kami ngayong kumakain ni Ligaya sa hapag kainan.
"Ina, binigyan ho ako kanina ni Tiya ng isang ipit, naibigan ko po iyan ina dahil isa po iyong mirasol" nagagalak na saad nito at pilit na isinubo ang kanin na may ulam sa kaniyang bibig, ngunit kalahati non ay nahulog sa kaniyang pinggan.
Inalalayan ko siya sa pagsubo at pinunasan ang mga kanin na nagkalat sa kaniyang bibig. "Ano ang iyong sinabi sa iyong tiya Leonora nang ibigay niya iyon saiyo?" tanong ko. Ngumiti ito nang matamis. "Maraming Salamat, iyon ang sinabi ko kay Tiya, Ina" wika niya at muling sumubo ng kanin na may ulam.
Hilig nito ang pritong karne ng baboy kaya't kahit puno pa ang bibig nito'y sumusubo na ito. "Mabuti ang iyong ginawa, tiyak na sinunod mo rin ang aking habilin saiyo, dahil ulat sa akin kanina ni Sally na hindi ka sakit sa ulo habang naroon ka" wika ko at inabot sa kaniya ang isang basong tubig dahil sa puno na ng kanin at ulam ang bibig nito.
"Dahan-dahan sa pagsubo" wika ko, at inilalayan ito sa pag-inom ng kaniyang tubig. Napahinga ito nang malalim. "Hindi ko ho kinakalimutan ang inyong habilin Ina" saad nito at muling sumubo.
Napangiti ako nang matamis at hinaplos ko ang buhok nito habang patuloy ito sa kaniyang pagkain. Sa murang edad pa lamang nito ay nais na nitong matuto kung paano maging isang independeng tao. Nagagalit ito kapag siya'y aking sinusubuan, kaya't kahit nahihirapan na ito sa kaniyang ginagawa ay pilit itong gumagawa ng paraan.
Pagkatapos namin kumain ng hapunan ay agad ko ring binihisan si Ligaya dahil sa ang dungis-dungis na ng kaniyang damit. "Ina, kanina ho dumaan kami ni ate Sally sa pinupuntahan namin dati ni ama" saad nito, napakunot ako ng aking noo.
"Saan kayo nagtungo?" tanong ko at kinuha ang suklay sa aparador. "Ina doon ho sa maraming dahon na nagkalat sa paligid" tugon nito. Napaupo ako sa katre at sinuklay ang buhok nito. "Ano ang inyong sadya roon?" tanong ko. "May kinausap ho si ate Sally kanina na isang Ginoo, hindi ko po gaanong nakita ang kaniyang mukha dahil sa ito ho'y nakasuot ng itim na sombrero" tugon nito, nahirapan pa ito na banggitin ang salitang sombrebro dahil bumabaluktot ang dila nito.
Napatango-tango ako at sinimulang suklayan ang kaniyang buhok, tahimik lamang na nakatingin ito sa kaniyang replesksiyon sa salamin.
"Ina, ang sabi ho pala ni Tiya Leonora magtungo raw ho kayo sa ospital kung masama raw po ang kalagayan niyo" malambing na saad nito. Napangiti ako nang matamis at hinalikan ang tuktok ng kaniyang ulo. "Huwag kang mag-alala, ako'y magtutungo bukas" wika ko.
Bigla itong humarap sa akin at ngumiti. "Maaari ho ba akong sumama bukas?" nagagalak na wika nito. Ngumiti ako, "Walang problema" tugon ko dahilan upang ngumiti ito nang malapad.
Pagkatapos kong suklayin ang kaniyang buhok at linisan ang kaniyang sarili ay inabala ko muna ito na maglaro gamit ang kaniyang laruang Lotería (a Latin American equivalent of BINGO. Instead of using cards with numbers, the cards have pictures and words)
Habang ako'y kasalukuyang nasa palikuran.Halos sampung minuto rin ang aking itinagal sa loob ng palikuran bago ako lumabas, tinanggal ko ang twalyang nakalagay sa aking buhok at tinuyo iyon. Napatingin ako sa aking repleksiyon sa salamin. Nanlaki ang aking mga mata nang makita kong hawak-hawak ni Ligaya ang itim na librong naiwan ni Lazaro.
Patakbo akong nagtungo sa kaniya at kinuha iyon. "Ligaya huwag ito!" saad ko at kinuha sa kaniya ang libro. Napakunot ang noo nito. "Bakit ho Ina? ibig ko lamang po iyang tignan" pangangatwiran nito.
Napailing ako. "Pawang mga letra lamang ito Ligaya, batid kong hindi mo rin ito maiintindihan" saad ko at inilagay ang libro sa aparador. "May nakita ho kase akong larawan sa loob ina.....ngunit patawad po dahil sinuway ko ho kayo" wika nito at humiga sa katre at biglang itinaas ang kumot sa buo nitong katawan.
BINABASA MO ANG
Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)
Ficción histórica"Mananatiling ikaw ang paksa ng aking tula kahit mahirap nang ipilit na maibalik ang dating tugma" Hindi lubos akalain ni Solana na mahuhulog ang loob nito sa isang Ginoong halos limang taon ang pagitan ng kanilang edad. Walang araw na sinasayang it...