Kabanata 8

17 5 3
                                    

Kabanata 8

BUMALIK kami sa kwartel ni Lazaro pagkatapos naming kumain sa panciteria. Matapos nang nakahahalinang kataga nitong binanggit kanina ay hindi na muli kami nagsimulang magbukas ng usapan. Masaya kong kinain kanina ang hinimay nitong isda at ang mga sinandok nitong karne at kanin.

Inubos ko iyon na tila ba isa iyon sa pinakamasarap na putaheng aking natikman. Kanina'y halos mangamba rin ako dahil sa wala akong dalang salapi ngunit sinambit nito na siya na ang bahala sa aming mga kinain. Halos mawala ako sa katinuan dahil sa sayang namumutawi sa akin, hindi ko mapigilang isibol sa aking isipan na tila kami ay isang magkasintahan habang masayang kumain sa isang payak na kainan.

Nanatili ako sa opisina ni Kuya David, habang si Lazaro'y nagtungo sa kaniyang upuan, sa tingin ko'y abala na naman ang mga mata nito sa mga kasong kanilang pinagninilayan. Ilang sandali pa'y nagtungo ako sa nakasarang pinto ng silid ni Kuya David at sumilip ako nang panandalian. Tulad ng aking inasaahan ay nakatutok ang mga mata ni Lazaro sa isang kwaderno habang may hawak itong tinta.

Hindi ko siya maaaring guluhin dahil sa abala ito sa kaniyang ginagawa. Ilang sandali pa'y bumukas ang pinto ng kanilang opisina at bumungad doon si Kuya David. Napatingin sa kaniya si Lazaro at binitawan ang tintang kaniyang hawak at lumapit sa aking kapatid.

"Nakausap mo ba ang iyong ama?" panimulang tanong ni Lazaro. Napahinga nang malalim si Kuya David at hinubad ang kaniyang sombrero. "Aking nakausap si ama nang masinsinan ngunit tila buo pa rin ang desisyon nito" saad  ni Kuya David. Nanlulumo kong isinara ang pinto at sumandal roon.

Nagpakawala ako ng isang buntong hininga. Kung buo pa rin ang desisyon ni amang ipagkasundo ako kay Jacinto ay tila pinagkaitan na rin ako nito ng kaligayahan. Napailing ako nang dahan-dahan at huminga nang malalim. Isa sa mga rason ko kung bakit hindi ko nais ang kasal ay dahil mas lumalalim ang pagtingin ko kay Lazaro.

Pinakiramdaman ko na noon pa lamang ang maaaari kong maramdanan kay Jacinto ngunit wala akong maramdang kakaiba kundi ang tibok ng puso ko bilang pagkakaibigan lamang.

Hindi ko nanaising magulo muli ang tugmang binubuo ko sa aking tula, sapagkat kung sa oras na ito'y nawala sa ayos ay hindi ko na muli batid kung paano magsisimula.

Napalayo ako sa pinto nang marinig ko ang katok at ang tinig ni Kuya David. "Solana, nariyan ka ba? ako'y papanhik" saad nito. Lumayo ako nang kaunti at binuksan ang pinto. Bumungad kaagad sa akin ang isang tipid na ngiti ni Kuya David na tila ba pinapahiwatig nito na walang dapat ikabahala.

"Nais mo na bang umuwi? Tayo'y umuwi na sa mansyon" panimula nito. Nakatingin lamang ako kay Kuya David pakiramdam ko'y nais kong marinig sa kaniya na hindi nito nakumbinse si ama. "Huwag kang matakot...ikaw ay aking sasamahan sa ating pag-uwi" saad muli nito. Dahan-dahan akong tumango kahit pa halos nagtatalo ang lumbay at kaba ko.

Ngumiti si Kuya David at tinapik ang aking ulo.  Hinigit nito ang aking kamay at niyakap ako nito. Isinandal ko ang mukha ko sa balikat ni Kuya David. "Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat upang buong puso kong makumbinse si ama" saad nito habang banayad na hinahaplos ang aking buhok.

Napatingin ako kay Lazaro. Walang reaksiyong nakatingin din ito sa akin ngunit nababasa ko sa kaniyang mga mata na tila ba pinapahiwatig nito ang salitang 'maniwala ka' at kasabay non ang tipid nitong ngiti sa'kin. 

Sa simpleng tipid na ngiti nitong iginawad sa akin ay tila ba isa iyong simbolo upang magtiwala ako nang lubusan.

TAHIMIK lamang kami ni Kuya David na nakaupo habang binabaybay namin ang daan patungo sa aming tahanan. Hindi ko batid ang aking nararamdaman, malaki ang tyansa na magagalita sa akin si ama. Isa sa mga ayaw nito ay ang hindi pagsunod sa kaniyang mga nais, ngunit paano kung hindi ko talagang ibig makasal kay Jacinto. Maaari kong sundin ang lahat ng kaniyang utos ng bukal sa puso, ngunit 'wag lamang sa ganitong sitwasyon.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon