Part 4: Yuelo
"Arrrggghh!" ang sigaw ni Yue nang hampasin ang kanyang likuran gamit ang buntot-page. Ito ang iginagawad na kaparusahan sa mga sirenang sumasaway sa kautusan ng kanilang tahanan.
"Pero ginawa ko lang ang tama dahil winasak nila ang karagatan! Ano pa'ng matitira sa atin?" ang katwiran ni Yue.
Muli siyang hinagupit. Nagdudugo na ang kanyang balat.
"Hindi tayo nagpapakita sa mga tao dahil lahat sila ay masasama! Kaya nga nagtatago tayo dito upang hindi tayo mapahamak! Ilang mga sirena na ang nawawala? Lahat ay dinadala sa ibabaw ng karagatan at binabalatan nang buhay. Pinuputol ang buntot, inaalisan ng mga kaliskis at ibinebenta sa malaking halaga!" sigaw ng matandang sirena kay Yue.
"Nais kong malaman n'yo na wala akong pinagsisihan sa aking nagawa! Tama lang na ilubog ang mga mangingisda sa karagatan dahil lahat sila ay masasama!" ang tugon ni Yue sa mga matatandang sirena na nagpapataw ng kaparusahan.
Sadyang matigas ang ulo ni Yue. Kadalasan kasi ay pasaway ito kaya't parating napaparusahan.
"Sampung hagupit pa ang ipataw n'yo sa kanya! Tingnan ko lang kung hindi siya magtanda!" ang utos ng matatanda gabay na sirena. Hinagupit pa ng sampung beses ang merman bilang kaparusahan sa kanyang pagiging pasaway.
Matapos ang pagpaparusa sa kay Yue ay naiwan na siya sa loob ng kuweba at nahandusay na lamang sa mga batuhan doon. Walang liwanag ng buwan kaya't walang maghihilom ng kanyang mga sugat. Wala ring magulang o kaibigan ang dadamay sa kanya dahil ang totoo ay ayaw naman talaga sa kanya ng lahat dahil naiiba ang kulay ng kanyang buntot. Kasing-kinang ito ng pilak na buwan kaya madalas siyang kinalulugdan nito. Isang pambihirang kulay na madalang sa kanilang lahi dahil ang karaniwang kulay ng kanilang mga buntot ay asul, dilaw, berde at kulay kahel.
Si Yuelo ay tinaguriang "malas" dahil siya ipinanganak sa ilalim ng buwan. Isang pambihirang pangyayari ang kanilang nasaksihan noong ipanganak ang isang lalaking sirena o merman sa ilalim ng kabilugan na buwan. Ang pangyayaring ito ay pinaniniwalaang magdadala ng kamalasan sa kanilang lahi. At dahil dito ay matatatak sa pangalan ng sanggol ang salitang "kamalasan", bagama't ito ay paniniwala lamang na wala namang makapagpapatunay kung totoo nga ba o hindi.
Si Yue ay pinalaki ng kanyang ina. Namuhay sila ng normal at malayo sa kaguluhan. Habang lumalaki siya ay maayos naman at walang kamalasang nagaganap kaya kahit paano ay walang sisi na nabubunton sa kanila. Bukod pa roon ay hinubog si Yue na masayahin at may positibong pag-uugali, mga bagay na nagugustuhan sa kanya ng mga kaibigan na talagang tina,nggap siya nang buong-buo sa kabila ng pagkakaiba ng kulay ng kanilang mga buntot.
Ngunit gayon pa man ay dumarating pa rin sa punto na tinatawag siyang malas ng mga kalaro lalo kapag inaasar siya ng mga ito o nagkakaroon ng away.
"Inay, kaya po ba namatay si Itay ay dahil malas ako? Iyon kasi ang sabi ng mga kalaro ko," ang wika ng batang Yuelo sa kanyang ina habang nagsusumbong.
Natawa ang kanyang ina. "Anak, hindi totoo iyan. Ang iyong ama ay naglakbay lamang sa malayong lugar. Malay mo, isang araw ay bumalik siya sa atin," ang wika ng kanyang ina.
"Inay, kapag puwede na akong magkaroon ng paa ay hahanapin ko si Itay doon sa lupa," ang wika ni Yue.
Muling natawa ang kanyang ina. "Ang anak ko talaga, huwag kang masyadong mag-apura sa pagkakaroon mo ng mga paa. Kapag tumuntong ka na sa edad na 21 ay magkakaroon ka ng mga paa na mailalakad mo doon sa lupa. Ngunit ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyo na delikado at mapanganib doon sa ibabaw. Maraming tao ang hindi tayo mauunawaan at ang iba sa kanila ay ituturing tayong mga halimaw."
"Eh bakit sabi ng mga kalaro ko malas daw ang buntot ko?" tanong ulit ni Yue. Kitang-kita sa kanyang inosenteng mata ang labis na pagtataka.
"Alam mo, huwag kang maniwala diyan sa mga kalaro mo. Iniinis ka lamang nila. Ang iyong buntot ay namana mo sa iyong ama. Espesyal ito kaya dapat kang matuwa at ipagmalaki mo ito," ang sagot ng kanyang ina. Wala namang nagawa si Yue noong mga sandaling iyon kundi ang yumakap sa kanyang magulang. Para kay Yue, ang pagmamahal ng kanyang ina ay sapat na upang siya ay maging masaya at ipagpatuloy ang positibong pananaw sa buhay sa kabila ng panghuhusga sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Ocean Tail: Loving The Merman BXB
FantasyIt follows the life of a merman named Yuelo who will try to live on the land to achieve his mission to assassinate the person whom he believes is the reason for the destruction of their home under the sea. The name Yuelo literally means Moon. This i...