Part 31: Model

525 40 1
                                    

Part 31: Model

"Ang mga nakikita mong magagandang babae at mga gwapong lalaki na iyan sa magazine ay mga modelo. Sila ay binabayaran para idisplay ang magagandang produkto ng mga kumpanya katulad ng mga sikat brand ng damit, mga make up products, mga sapatos at maging ang mga kagamitan sa bahay," ang paliwanag ni Marine habang ipinapakita kay Yue ang mga larawan ng modelo sa mga tabloids at magazines.

"Ang gaganda ng mga kasuotan nila, at lahat sila ay nagtataglay rin ng magandang pisikal na katangian. Tiya, sa palagay mo ba ay maaari rin akong maging ganyan sa hinaharap?" tanong ni Yue, hindi naalis ang ngiti sa kanyang mga labi.

"Syempre naman, naniniwala ako na sa taglay mong kagwapuhan ay sigurardong mas malayo pa ang mararating mo. Natutuwa ako at pumayag ka sa alok ni Kurt" ang tugon ni Marine.

"Gusto ko lang gumawa ng bagay na ikakasaya ni Ryou. Tutulo daw ang laway niya kapag sumali ako dito," ang sagot ni Yue dahilan para matawa si tiya Marine.

"Huh? Bakit naman tutulo ang laway ni Ryou? Guerrero?"

"Hindi ko po alam, iyon lang ang natatandaan kong sinabi ni Kurt sa akin. Ngayon ko lang narealize na kapag masaya pala ang mga normal na tao ay tumutulo ang laway nila. Siguro ito rin ang dahilan kaya hindi masayahin si Jihan, dahil ayaw niyang magkaroon ng laway na tumutulo sa kanyang bibig," ang seryosong salita ni Yue.

Napangiwi si Marine, "sa tingin ko ay hindi ka dapat masyadong nakikinig sa mga sinasabi ni Kurt. Alam naman natin na siya talagang masayahin at palabiro kung minsan. Sandali, pumayag ba si Ryou sa ideya ni Kurt na isali ka sa modeling contest?"

Nagkibit balikat si Yue, "Wala namang dahilan upang hindi siya pumayag. Isa pa maganda naman ang ideya ni Kurt," tugon ng binata.

"Iyon naman pala, kung ganoon ay umasa ka na susuportahan kita. Pero bago ang lahat, kailangan may matutunan mo ang basic ng pagiging isang modelo at ito ang paglalakad ng matuwid," dagdag pa ni Marine.

At iyon ang set up, nilagyan ni Marine ng libro ang ulo ni Yue at inutusan ang binata na maglakad ng matuwid. "Kailangan kapag naglakad ka ay hindi dapat mahuhulog ang librong nakapatong sa ulo mo. Kailangan ay diretso ang iyong tingin at tuwid rin ang iyong tindig," paliwanag ni Marine, wala siyang masyadong alam sa pagmomodelo ngunit sa itinagal niya dito sa lupa ay madalas siyang nakaka kita ng mga modelong naglalakad sa itaas ng entablado at alam niya na mahuhusay ang mga ito sa pagdadala ng kanilang mga sarili.

"Kailangan ko ba talagang gawin ito? Kaunting galaw lamang ay nahuhulog na ang aklat sa ulo ko," reklamo ni Yue.

"Basic pa laamg itong ginagawa natin, sigurado akong mas mahirap pa ang ituturo sa iyo ni Kurt kapag nagsimula na ang opisyal na training mo. Kaya mas mabuti na itong maipakita mo sa kanya na alam mo na ang basic sa paglalakad ng matuwid," ang sagot ni Marine habang nakangiti. Nilagyan pa niya ng isa pang libro ang ulo ng binata kaya't dalawa na ito.

Sinang-ayunan ni Yue ang pagsali sa contest dahil nakita niya sa mga mata ni Kurt na gustong gusto nito na siya makapag-entry sa paligsahan. Isa pa ay naniniwala ang binata na ang husay ni Kurt ay dapat na marecognize at makilala sa buong siyudad. Oo nga't small time na make up artist lamang ito ngunit ang kanyang talento ay nag uumapaw at hindi matutumbasan.

Hindi lang naman si Yue ang naniniwala sa talento at kakayahan ni Kurt, pati si Ryou ay naniniwala rin sa kanya. Kaya naman nangako ang binata na sususporta at tutulong sa abot ng kanyang makakaya. Palihim din siya nagbigay ng budget kay Kurt bilang sponsorship. Syempre para kay Ryou ang laban ni Yuelo ay laban rin niya.

Sa paglipas ng mga araw ay si Kurt mismo ang nagpunta kay Yue upang siya ang personal na mag handle at mag training sa binata. Mula sa tamang pagtayo, tamang paglalakad at tamang ekspresyon ng mukha. Samantala ay ginawa naman ni Yue ang lahat ng kanyang makakaya upang matuto at makasunod sa mga itinuturo sa kanya. Gayon pa man ay sadyang mahirap para isang merman ang mag adjust at kumilos ayon sa qualification ng isang mahusay na modelo.

The Ocean Tail: Loving The Merman BXBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon