"Sa huli, bumalik ang lahat sa simula, at unti-unting naglalaho ang mga alaala ng bawat isa. Masakit masaksihan ang mga pagbabagong ito, subalit wala nang mas hihigit pang kirot kaysa sa dating pag-ibig ng dalawang pusong hindi na muling maibabalik."Reverie Maita
"Rev!" Napakalamig. Naninigas ang katawan ko at tila ba nakahiga ako sa malamig na yelo. Nakapikit ang aking mga mata at nararamdaman ko ang malamig na hanging lumalabas sa bibig ko. Giniginaw ako.
"Nasaan ako?" naguguluhang tanong ko sa aking isipan.
Sinubukan kong igalaw ang aking mga kamay at imulat ang mga mata. Nang magkaroon ng liwanag sa aking paligid ay bumungad sa akin ang nagtataasang puno na nababalot ng mga niyebe.
Umuulan ng niyebe. Tiningnan ko ang aking kamay ko at nakita kong namumutla ito dahil sa lamig. Theitara, tama. Bago ako naglakbay sa iba't ibang lugar, dito ko unang natagpuan ang aking sarili.
Hindi ako makabangon. Nanghihina ako at labis na giniginaw. Pakiramdam ko, naninigas na ang buong kalamnan ko. Minsan ko na rin inisip na ito ang magiging kamatayan ko ngunit hindi iyon ang nangyari sapagkat. . . . . "Rev, ayos ka lang ba? Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala. Akala ko kung saan ka na napunta, nag alala ako ng husto!" Isang pamilyar na boses ang pumasok sa tainga ko kaya nagpasya akong balingan kung saan iyon nagmumula at nasipat ng aking mga mata si Taki na nababalot ng makapal na telang pangtaglamig ang kanyang katawan.
"T-Taki?" mahinang sambit ko. Ito nga iyon, bago ako mamatay sa mga kamay ng lobo sa gubat ng Franchiarille ay nakilala ko ang lalaking ito.
Hinubad niya ang makapal niyang suot at itinakip ito sa ninigas kong katawan. Pagkatapos ay binuhat niya ako sa kanyang likuran.
"Wag kang mag alala, ilalayo kita rito basta't kumapit ka nang mabuti," marahang sabi niya sa akin. Hindi ako sumagot bagkus mahigpit na napayakap sa kanya at humagulgol.
Nararamdaman ko ang init ng katawan niya kaya kahit papaano'y may pinanghuhugutan pa ako para manatiling buhay sa mga sandaling ito. Kumapit ako nang mahigpit sa kanya hanggang sa tuluyan kaming makalabas sa malamig na lugar na iyon.
Dinala niya ako sa isang liblib na kuweba, malayo sa mga niyebe at lamig. Doon niya ako pansamantalang inihiga. Gumawa siya ng maliit na sigaan upang magsilbing panlaban sa ginaw.
Pinagmamasdan ko ang ginagawa niya habang nakahiga sa lupa. Siya si Hairro Lavereign, mula siya sa gubat ng Sius Miracle kung saan naninirahan ang mga diwatang kidlat. Oo, isa nga siyang diwata ngunit pinalayas na siya sa lugar na iyon pagkatapos niyang sumama sa 'kin. Samakatuwid, itinakwil siya at kinuha ang kanyang kapangyarihan. Sa ngayon namumuhay siya bilang ordinaryong tao.
Base sa mga naaalala ko, matagal kaming nagkasama sa paglalakbay subalit namatay siya pagkatapos lumaban sa isang madugong paligsahan. Nang mga sandaling malapit na siyang malagutan ng hininga ay nag abot pa siya ng munting mensahe na labis nagpadurog sa puso ko. "R-Rev, kahit anong mangyari, ipinangako mo sa akin na magpapatuloy ka. Maglakbay ka at maghanap ng maraming kaibigan na handa kang samahan. Hindi man marami ngunit mapagkakatiwalaan katulad ko. Ingatan mo lagi ang sarili mo sapagkat hindi na kita maililigtas kapag mapahamak ka ulit. Kung may pagkakataon ka, gusto ko sanang pumunta ka sa Sius at ikumusta mo ako sa aking mga kamag anak. Sabihin mo sa kanila na sabik na akong makasama sila at sabihin mong mahal ko sila. Lubos kitang inaasahan. Mahal kita Rev, aking kaibigan. Maraming salamat. Masaya akong nagkakilala tayo." Bagama't nahihirapan siya sa pagsasalita habang patuloy na dumurugo ang sugat niya ay ipinilit pa rin niya iparinig sa akin hanggang siya ay malagutan ng hininga. Namatay siyang kayakap ako.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...