Nanghahaba ang mga ngusong napapadyak si Tikboy dulot ng inis at pagkabagot. Hindi niya nga batid kung saan nga ba ang kaniyang pinatutungkulan habang kumukulo ang kaniyang dugo. Masaya naman dapat siya kagabi matapos na marinig ang anunsiyo ni Kapitan Aurelio na sa wakas ay tutuloy na sila sa Mors.
Maliban sa mga ganid na pirata ay lubos din naman siyang natutuwa sa narinig na balita. Hindi man tiyak kong makikita niya ang pinsang si Daboy ay nagbabakasakali pa rin siyang buhay ito at sana ay nasa maayos itong kalagayan sa ngayon.
Natulog siyang nagbubunyi ang damdamin ngunit nagising na tila napako ang kasiyahang iyon sa hangin dahilan lamang sa panibago na namang sama ng panahon. Bigla na lang kasing nagdilim ang kalangitan na ayon kay Ginoong Jose'y may nagbabadya na namang bagyo.
Mangiyak-ngiyak na nagpupuyos ang kalooban ng kawawang binatilyo. Halos hindi ito makausap ng matino. Kapag ganitong may bagyo, mas lalo lamang siyang nababahala tungkol sa kalagayan ng kaniyang Kuya Daboy.
Hindi niya maiwasang magtanong sa sarili kung ayos lang ba ito, kung nakakakain ba ito ng maayos o kung may masisilungan ba ito sa gitna ng lakas ng ulan at hangin. Ipinapanalangin na lamang niya na sana ay ayos lamang ang kaniyang pinsan kung saan man ito naroroon.
"Mukhang mas malaki pa ito kaysa sa nauna," bulalas ni Ginang Selda matapos ang malalim na buntonghininga.
"Ayan at papunta sa kinaroroonan natin ngunit duda kong magtatagal ito gaya no'ng nauna," turo pa ni Ginoong Jose sa kalangitan.
"Hindi na naman ba tayo matutuloy?" nanlulumong tanong ni Tikboy sa mga ito.
"Paumanhin, munting Ginoo ngunit mapapahamak tayo kapag ipipilit nating salubungin ang sama ng panahon. Nararapat na tumigil muna tayo at maghanap ng madadaungan pansamantala. Mas ligtas tayo sa lupa kapag ganitong malakas ang hampas ng alon."
Pinilit na pagaanin ni Mamang Aba ang kalooban ng binatilyong si Tikboy. Inakbayan niya pa ito upang kahit papaano'y maramdaman nitong may karamay siya. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi man lang magawa ni Tikboy ang kumalma.
"Dito ka na lang muna. Magkakaroon kami ng pagpupulong. Huwag kang mag-aalala. Kahit ano'ng pigil nila, dadaong at dadaong pa rin tayo sa isla ng Mors," ani Kapitan Aurelio.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nginitian ng naturang Kapitan ang binatilyong lugmok na lugmok na ngayon dahil sa una ring pagkakataon, nakaramdam si Kapitan Aurelio ng awa rito dahil habang tumatagal, unti-unti nang napaparam ang pag-asa nito.
Naluluhang tumango ito bago sumalampak sa kawayang upuan. "May tiwala ako sa'yo, Kapitan. Salamat po."
Tumalikod naman agad ang Kapitan bago tinawag ang kaniyang mga kasamahan. "Tawagin si Ginoong Bastian. Sa silid-pulungan tayo, ngayon din!"
Tumalima ang mga nakarinig habang sina Demetrio, Ginang Selda, at Ginoong Jose ay sumunod agad dito. Hindi naglaon ay natipon na sila sa loob ng silid at gaya ng kanilang laging ginagawa, sinuri nila agad ang kabuuan ng mapa.
"Para sa kaalaman ng lahat, nandito tayo ngayon sa Silangan ng Barang, isa sa eksaktong daanan papuntang Mors. Ngayong may paparating na bagyo papunta sa kinaroroonan natin, saang lupa tayo magiging pansamantalang ligtas? Iyong hindi tayo masyadong lilihis sa Barang," panimula ni Kapitan Aurelio habang himas-himas ang baba.
"May malapit na isla mula rito kung saan ay ilang milya lamang ang layo," tugon ni Ginoong Bastian matapos ituro ang representasyon nito sa mapa. "Isla ng Kanue. Ligtas tayo riyan kahit ano man ang mangyari."
Napatingin naman ang Kapitan sa mapa. "Kanue... hmmm, puwede na rin. Hindi rin naman masyadong nalalayo sa Silangan."
"Hindi rin tayo mahihirapan sa pagdaong, Kapitan. Balita ko'y hindi na bago sa mga mamamayan doon ang tungkol sa ating mga pirata. Mas mapapadali gayong bukas sila para sa mga tulad natin," pagbibigay-alam din ni Ginang Selda.
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...