27. Ang Mga Korona

44 12 0
                                    

Nagkalat ang tiba-tibang kayamanan sa buong paligid. Ito na yata ang pinakamaraming diyamante na nasaksihan ng kanilang mga mata sa buong buhay nila. Tila ba nalulula sila at sila ay nananalangin na sana ay hindi lamang sila nananaginip dahil kung ito man ay panaginip, nanaisin na lang nilang huwag nang magising pa. Kahit saan man sila tumingin ay walang hindi kumikinang sa mga mata ng mga pirata.

"Ito na yata ang langit!" bulalas ni Ginoong Jose habang hinalo-halo ang mga mamahaling bato sa kaniyang mga kamay.

Naroroon lamang sa lapag ang mga diyamante't alahas at marami pang iba. Halos lahat nga ng mga kagamitan na naroroon ay gawa sa ginto. Mula sa mga estatuwa, mga banga, mga lamesa, silya't upuan at kahit nga ang mismong pader ng paligid ay na-a-adornahan ng mga mamahaling hiyas. Napapalunok tuloy si Kapitan Aurelio sa mga nakikita.

"Totoo nga ang lahat ng ito!" singhal niya sa sarili habang naiiyak sa tuwa. Nagbunga rin sa wakas ang kanilang paghihirap. "Ama't ina, sana'y masaya kayo para sa akin..."

Sa totoo lang ay hindi lamang mga ginto't alahas ang nandirito sa loob dahil sa isang sulok ay makikitang maayos ang talaksan ng mga tela ng seda—sutla ng mulberry, sutla ng cashmere, sutla ng vucana, at marami pang iba. Napupuno lamang ito ng sandamakmak na alikabok subalit nakabalot ang mga ito ng mga makakapal na supot.

May mga inumin din doon na ilang taon nang nakaimbak. Nang tikman ito ng isa sa mga pirata, napahalinghing pa ito sa sarap. Mas masarap at espeso pa ito kaysa sa mga mamahaling bino ni Allison Smith. Kahit nga ang kanina pa tahimik na si Binibining Trina ay napapangiti na rin nang mapagmasdan ang sarili sa salaming may agiw na ngunit nababalot ang bawat gilid nito ng mga mamahaling bato.

"Ang ganda..." bulalas ng dalaga.

Para naman kay Kapitan Aurelio ay isa sa mga atraksiyon ng malaking silid na ito ay ang apat na koronang nasa gitna at nasa loob ng isang kahong gawa sa makapal na salamin. Ang nasabing mga korona'y gawa sa ginto at naiiba rin ang mga hugis nito't mga hiyas na mas nagpapaganda pa sa kanila. Bahagya pa siyang napaatras nang bigla-bigla na lamang umilaw ang mga ito.

"A-Anong nangyari?" tanong niya sa kaniyang sarili bago kinusot ang kaniyang mga mata. "Ah, imahenasyon lang pala..."

Muli ay lumapit siya ng husto upang pakatitigan sila isa-isa. Ang isang korona ay napapalibutan ng magagandang asul na bato ng topasyo. Kumikinang pa ito na tila nang-aakit. Ang isa naman ay napapalibutan ng naggagandahang bato ng rubí na tila bumubulong sa kaniya. Ang pangatlong korona naman ay napapalibutan ng nang-aanyayang bato ng esmeralda na tila humihigop sa kaniyang katauhan. Ang huling koronang napapalibutan ng batong oniks ay tila mas kumikinang pa ngayon sa kaniyang mga mata.

"Ang saya nito!" Napukaw siya sa sigaw ng isang pirata na ngayon ay nakahiga pa sa banig ng ginto habang abala naman ang karamihan sa paghahakot.

"Kunin ninyo ang lahat ng mga bagay na kaya ninyong makuha. Dalhin ang lahat ng kayang dalhin. Iponin ang lahat ng inyong kayang iponin," utos ni Kapitan Aurelio sa mga ito.

"Masusunod, Kapitan!"

Sa paglilibot ay may nakita naman ang Kapitan. Ito ay isang gintong roba na tila gamay pa ito mula sa isa sa mga diyos na nakatira sa Bundok ng Olympus. Agad niya itong kinuha at isinukat. Kasyang-kasya naman ito sa kaniya subalit may kabigatan nga lamang. Pinagmasdan niya ang sarili habang nasa harapan ng gintong salaming puno ng alikabok. Bagay na bagay ito sa kaniya at tila ay nadagdagan pa ang kaniyang tinataglay na kakisigan.

Samantala, pinagmamasdan naman ni Syrena ang mga piratang abalang-abala sa ginagawa bago napabuntong-hininga. Inip na inip na siya. Kanina pa siya pabago-bago ng kulay ng kuko. Wala naman talaga siyang pakialam sa mga gintong nandirito dahil marami siyang kayamanan sa kanilang tirahan—sa kailaliman ng karagatan na hindi kayang abutin ng mga taong gahaman – nandoon ang totoong kayamanan ng Mors na kanilang pinakaiingatan.

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon