Mula sa siwang na bitak na nasa ibabaw ng kuweba ay malayang ninanamnam ni Syrena ang replika ng araw. Simula no'ng dumating sila upang makisilong sa nasabing kuweba ay saka lamang nagpakita si Haring Araw. Ikinatuwa naman ito ng munting sirena nang tumama ang liwanag sa tubig-tabang. Masayang nagpaikot-ikot siya na tila ba nag-ri-ritwal sa ilalim ng sinag.
Gustong-gusto niya ang init na dumadampi sa kaniyang mukha at hindi niya pa rin mapipigilang mamangha kung papaanong humahalo sa tubig ang sinag ng araw at buwan. Hindi lamang siya ang nasisiyahan dito dahil pati ang mga isda sa tabang ay nakikisaya na rin kasabay niya. Sa kaniyang pagsasayaw ay nabulabog pa nga ang mga buhanging nananahimik lamang sa tabi.
Masayang umahon ang ulo niya, nagbabaka-sakaling makita ang sumpunging Kapitan. Hindi nga siya nagkakamali dahil nandito pa rin ito ngunit sa halip na simangot ang madadatnan niya'y isang humihilik na Kapitan ang bumulaga sa kaniya. Naipilig niya ang ulo matapos ay lumangoy papunta sa gilid, mariing pinagmamasdan ang tulog na tulog na binata.
Bahagya pang nakanganga ang bibig nitong may laway sa gilid habang malakas pa rin kung humilik. Napabungisngis tuloy ang munting sirena, wari ay pinagtatawanan ang tunog na nililikha ng tulog na Kapitan. May paminsan-minsang nagbabago pa nga ang ekspresyon nito. Iniisip niya tuloy kung ano kaya ang laman ng panaginip ni Kapitan Aurelio.
Habang nagmamasid ay napunta ang mga mata niya sa katabi nito. May nakausli sa kuwaderno, isang piraso ng pahina at bigla siyang nagkaroon ng interes dito. Dahil sa kuryusidad ay dahan-dahan siyang umahon at gumapang papunta sa kuwaderno. Dumukwang pa siya ng kaunti bago unti-unting kinuha ang nasabing piraso ng papel.
Isang hindi makapaniwalang singhap ang maririnig mula sa kaniyang munting bibig. Kasabay nito'y nagpalit sa kulay rosas ang kaniyang mga mata na mas matingkad kaysa sa mga nauna. Sa basang mga kamay, hinaplos niya ang larawang iginuhit doon ni Kapitan Aurelio—ang larawan niya mismo.
"A-Ako ito..." mahinang bulong niya sa kaniyang sarili.
Hindi pa rin siya makapaniwala sa nakikita. Hindi maikakailang humanga siya sa Kapitan sa angking galing nito sa pagguhit. Napaka-detalyado nito. Napahawak siya sa kaniyang ilong na tila ba inukit mula sa larawang hawak-hawak niya ngayon. Gustong-gusto niya ang larawang gawa ng Kapitan at mas lalo pang dumagundong ang tibok ng kaniyang puso kaysa noong una niya itong makita.
"Hindi puwede. Hindi maaaring patuloy ko itong maramdaman," bulong niyang muli. "Tama—kailangan mong pigilan kung ano man iyan, Syrena."
Kagat-labing gumapang siya palayo mula kay Kapitan Aurelio dala-dala ang larawang iginuhit nito. Sa pagmamadali ay lumikha tuloy siya ng ingay na sa huli'y nagpagising dito. Nanlalaki ang kaniyang mga matang lumingon sa pupungas-pungas na lalaki bago natatarantang bumalik sa tubig. Natalsikan pa nga ang Kapitan sa kaniyang ginawa.
Salubong ang mga kilay na sinamaan siya nito ng tingin. Akmang hahablutin na sana nito ang piraso ng papel ngunit mas maagap ang sirena. Agad siyang lumangoy palayo, sapat upang hindi siya maabot nito.
"Paumanhin, Kapitan..." panimula niya.
"Akin na 'yan. Pakiusap, ibigay mo sa akin, iyan!" Inilahad pa ng Kapitan ang kamay nito.
Umiling lamang si Syrena. "Ako ito."
"Ay, bwisit naman talaga!" mahinang mura nito. "Ibalik mo na nga sa'kin iyan!"
Subalit mas matigas pa sa pader ang sirena. "Ako nga ito! Ibig sabihin, sa akin ito!"
Dito na mas lumukot ang mukha ni Kapitan Aurelio. "Ako ang gumuhit niyan, ano ba!"
"Maraming salamat. Napakaganda ng iyong pagkakaguhit ngunit paumanhin, Kapitan. Akin na ito. Minsan lang ako humingi, ito lang..." saad ni Syrena sa malumanay na boses.
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...