11. Estrangherong Barko

51 12 0
                                    

Mukhang sa pagkakataong ito'y dininig ang mga panalangin ng binatilyong si Tikboy nang hindi na sila inabutan ng bagyo sa kanilang pagbaybay sa ruta kung saan paroroon ang itinuturo ng mapa sa kanila. Sa ngayon ay nasa laot na sila ng Azura Batan matapos malagpasan ang katubigan ng Barang at ang tatlo pang kasunod nito.

Hindi ito biro dahil sa lawak nito. Ang pagtawid pa lamang sa Barang ay kumakain na ng dalawang linggo ngunit dahil likas na mga determinado ay hindi nila ito ininda. Mas nagmatyag pa nga sila sa mga maaaring banta galing sa mga Banog na sigurado silang nagpupuyos na ngayon sa galit. Sa kabutihang-palad ay wala pa naman sa ngayon ngunit hindi pa rin sila nagpapakakampante.

Samantala, unti-unti ay palapit naman sila nang palapit sa kanilang patutunguhan at patindi na rin nang patindi ang bawat bangungot ni Kapitan Aurelio. Napapansin niyang gabi-gabi na lang ay bumibisita sa kaniya ang babaeng nakasuot ng puti na may mahabang buhok ngunit may malabo naman itong mukha. Kahit ano'ng gawin niya ay hinding-hindi niya maaninag ito, basta ang tanging alam lang niya ay umiilaw ito.

Isang gabi habang siya'y nagpapahinga ng maaga matapos ang kaunting diskusyon nila ni Ginoong Bastian ay bigla na lamang may puwersa na nag-udyok sa kaniya upang itiklop ang kaniyang mga talukap at doon ay narinig niya ulit ang pamilyar na huni ng isang awitin ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ang nakaputing babae ang nakita niya.

Sa kaniyang panaginip ay isang babaeng nakasuot ng asul na bestida ang naglalakad papalapit sa kaniya. Ang itim at mahahabang buhok nito na abot hanggang talampakan ay inaalon ng malakas na hangin. Kumakanta ito at gaya ng mga nauna niyang panaginip ay hindi siya nakapagsasalita. Nakatayo lamang siya na parang tuod.

Laking pasasalamat niya nang bigla siyang nagising dahil sa mga sunod-sunod na mga katok sa kaniyang silid. Napabalikwas siya nang bangon at ngayon ay ramdam na niya ang nginig sa kaniyang kalamnan. Walang pag-aalinlangang pinahiran niya ang kaniyang malalapot at malamig na pawis sa noo.

Sa totoo lang ay ito na ang pangatlong beses na nagpakita sa kaniya ang babaeng nakasuot ng asul. Unang kita niya rito ay noong hinila siya nito sa kailaliman ng karagatan at ang pangalawa ay noong naglalakad siya sa isang tulay at itinulak siya nito. Isa lang ang batid niya, ito'y galit sa kaniya.

Mabuti na lang at hindi siya ulit napahamak sa kaniyang panaginip dahil may bumulabog sa kaniyang pagkakahimbing. Mas gugustuhin pa ni Kapitan Aurelio na magpakita ang babaeng nakaputi kaysa sa nakasuot ng asul dahil hindi siya kailanman sinaktan nito pero kung makapipili man siya, mas gugustuhin niyang wala ni isa man sa kanila ang magpakita sa kaniya kahit pa sa totoong buhay.

"Ano kaya ang ibig sabihin no'n? Bakit panay sila pakita sa akin? Ano'ng kailangan nila? Sino sila?" sunod-sunod na tanong niya sa kaniyang sarili bago naglakad upang pagbuksan ang tumatawag na si Demetrio.

"Kapitan..." panimula nito na tila nababahala.

"Bakit? Hatinggabi na tapos nambubulabog ka sa aking pagkahimbing?" kunwari'y asik niya.

"Kapitan, paumanhin ngunit may kailangan kang makita." Tumaas tuloy ang kaniyang kilay. Sa uri ng mukha nito, naghihinala na rin siya kaya agad-agad niyang hinablot ang kaniyang roba at dali-daling lumabas kasama ang kaniyang kanang-kamay.

"Ano'ng mayroon?" Nagmamadaling bumaba na sila ngayon sa kahoy na hagdan.

"May namataan ang mga kasamahan natin habang nag-iikot-ikot sila," tugon ni Demetrio habang iginigiya siya palabas. "May malaking sasakyang-pandagat na papunta sa direksyon natin. Dalawang kilometro na lamang ang layo nito ngayon."

"Ano?" Tila nawala lahat ng antok niya sa katawan.

Napakamot si Demetrio. "A-Ang laki ng barko, Kapitan. Katulad nang sa atin o baka nga ay mas higit pa."

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon