Kakakagat pa lamang ng dilim at nagsimula na ang mga tugtugan na nagmula sa ibang mga piratang kapwa nagkasisiyahan sa kabila ng hindi kalakasang ulan sa labas habang kapwa abala naman sa pagpupulong sina Kapitan Aurelio, Demetrio, Ginoong Jose, Ginang Selda na siyang taga-tala na asawa rin ng taga-payong si Ginoong Bastian.
Inuukupa nila ang isang pribadong silid na hindi naman kalakihan ngunit sinadyang ginawa upang kanilang maging silid-pulungan. Bukod sa madaling masilip ang kaganapan sa labas ng Carolina gamit ang maliit na bintana ay malayo rin ito sa ingay na nagmumula sa labas.
Seryoso silang nag-uusap-usap tungkol sa mga mahahalagang bagay lalo na ang kanilang mga nakaatang na plano. Mayroon pa ring bagyo na bagama't hindi na gano'n kalakas ay inabot pa rin sila ng dalawang araw sa pamamalagi sa mabatong isla.
Hinihintay na lamang nilang ito'y huhupa na at ang alon ay kusa nang kumalma. Mabuti na lamang at maliban sa ulan ay malinaw na ang kalangitan at ang mga nagdaang hamog ay nangahanaw na rin sa wakas. Kasama na rin ang mga nakakikilabot na mga kidlat at dagundong na wari'y nagpapasiklaban sa isa't-isa.
"Kailan tayo ligtas na makakalayo sa lugar na ito?" usisa ni Demetrio sa mga kasamahan.
"Sa tantiya ko'y makakalayag na tayo papuntang Kanyon bukas na bukas din," pahayag ni Ginoong Jose, ang tinaguriang taga-bantay ng panahon.
Napatango naman si Demetrio bago bumaling kay Ginoong Bastian. "Ano sa tingin mo, Ginoo, kukulangin ba ang ating mga naimbak sa paglalayag? Hindi naman kasi biro ang ating lalakbayin—"
"Pagkain na naman, Demetrio?" putol ni Kapitan Aurelio rito. "Pambihira ka. Paulit-ulit ka na lang talaga."
Tuluyan nang natawa si Ginang Selda. "Hayaan mo na siya, Kapitan."
Napahilamos na lamang si Kapitan Aurelio habang napapangisi naman ang kaniyang kanang-kamay. "Ano pa nga ba'ng magagawa ko!"
"Huwag kang mag-aalala, Demetrio. Kukuha tayo ng pandagdag mula sa Kanyon para sa ikapapanatag ng iyong loob," nakangiting saad ni Ginoong Bastian.
Buhat doon ay nakahinga ng maluwag si Demetrio. Ibinaling naman ng Kapitan ang usapan sa iba. "Kumusta ang depensa?"
"Nasa mabuting pangangalaga at iniingatan ng husto, Kapitan," tugon ni Ginoong Bastian.
Tumango-tango naman si Kapitan Aurelio. "Mabuti, mabuti. Hindi tayo dapat na maging kampante."
"Siya nga pala, may dumating na ulat mula sa kampo natin sa Bermuda kani-kanina lamang." Lahat ng mata'y nakatuon ngayon kay Ginang Selda matapos ilapag ang isang maliit na aparatong kulay itim—kadalasang ginagamit nilang pang-komonikasyon sa kabila ng milya-milyang layo.
Tila uhaw sa balitang napangisi si Ginoong Jose. "Ano'ng sabi nila?"
"Aking napag-alaman na mayroong mga Amerikanong dadaan sa Norte sa susunod na Biyernes," anunsiyo ng Ginang matapos ay napangiti ng makahulugan.
Mas lumawak pa tuloy ang ngisi ni Kapitan Aurelio. "Mamahaling barko..."
"Mahahalagang kagamitan," dagdag naman ni Ginoong Jose.
"At masasarap na pagkaing hindi ko pa natitikman," saad ni Demetrio.
"Bago tayo tumuloy sa Mors ay saglitin muna natin ang kanilang barko," mungkahi ni Ginoong Bastian. "May pandagdag ka na naman sa mga koleksyon mo kung iyong gugustuhin."
Napapalakpak tuloy si Kapitan Aurelio. "Dalawang gabi lamang tayo sa Kanyon saka ay hahayo na tayo at gaya ng dating gawi, magbigay-galang sa ibang sasakyang-pandagat. Sana ay mahanap ko na ang totoong mapa."
Ayon kasi sa nasagap nila noong nakaraang buwan, isa sa mga Amerikanong barko ang may hawak ng totoong mapa. Ilang beses silang nag-abang ng mga dayuhang barko ngunit lagi silang bigo. Ang hawak-hawak nilang mapa sa ngayon ay ang ruta lang papuntang Mors, hindi ang mismong mapa na magtuturo sa kanila sa mga ginto't salapi.
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...