25. Lawa

47 12 0
                                    

Sa loob ng tatlong araw na paglalakbay ng mga pirata ay may panibago na naman silang natagpuang kuweba. Ayon sa mapa, nasa loob nito ang nasabing tamang daan kaya gamit ang kani-kanilang mga sulo, walang takot na sumuong sila sa kadiliman kahit na wala naman talaga silang kaalam-alam kung ano ang mayroon sa loob.

Mas malaki ang kuwebang ito kumpara sa kanilang tinigilan noong nakaraang mga araw ngunit mas amoy alikabok ito at may marami pang agiw. Mukhang matagal na napabayaan at mukhang matagal nang walang nagpupupunta rito. Hindi kasi gaya noong unang kuweba, malinis iyon at hindi nangangamoy.

Sa kanilang pagsisid sa pinakaloob ay padawag naman nang padawag ang espasyong nakikita nila. Ang lawak nito'y nakalulula ngunit may kakaiba nga lang sa hangin. Mainit ang nalalanghap nila habang karamihan sa kanila'y naliligo na sa kanilang mga pawis.

"Teka..." Saglit na sumenyas si Ginoong Jose kaya napatigil ang lahat sa paglalakad.

"Bakit?" Si Demetrio iyon na agad itinutok ang sulong dala-dala sa unahan kung saan nakaturo si Ginoong Jose.

"Mga hamog na naman?" tila nayayamot na pahayag ni Kapitan Aurelio.

"Siyang tunay ngunit hindi ba kayo nagtataka? May hamog ngunit ang uri ng hanging nalalanghap ko ay hindi malamig," usal ni Ginoong Bastian.

"Hindi na ako nagtataka pa, Ginoo. Sa dinami-dami ng kakaibang naranasan natin dito, hindi na ito bago sa akin." Kumibit na lamang si Kapitan Aurelio bago nagsimulang kumilos ulit.

"Ano'ng lugar ito?" usisa ni Demetrio nang makita ang isang makitid na pasilyong gawa sa bato papunta sa ibayong pampang.

"Kailangan nating tawirin iyan upang matunton ang ating hinahanap," basa ni Kapitan Aurelio sa mapa. "Ano pa'ng hinihintay natin? Pasko?"

"Sandali lamang. Kayo'y magdahan-dahan sa paglalakad. Makapal ang hamog at hindi natin kita ang daan. Maging maingat sa pagtawid. Hindi tayo maaaring malagasan, nagkakaintindihan ba tayo?" pagpapaalala ni Ginoong Bastian na sinang-ayunan naman ng lahat.

Gaya ng paalala ng taga-payo, sa gitna ng pasilyo ay may napakalaking bitak. Nang hulugan nila ito ng bato upang sana ay tantiyahin kung gaano ito kalalim, wala man lamang silang narinig na kumalabog sa ibaba. Nagkatinginan silang lahat.

"Parang nakatatakot naman dito. Tila walang katapusan ang lalim nito." Hindi na naitago pa ni Demetrio ang panginginig.

"Huwag kang matakot. Magpatuloy ka lang. Mag-ingat kayo at baka may mga bitak pa. Kahit gaano pa sila kaliit ay delikado pa rin." Kalmado lamang si Kapitan Aurelio bago inakay ang nanginginig na ngayong si Demetrio.

"Kapitan, paano ang sirena?" usisa ng isa sa kanilang mga kasamahang nagbubuhat dito.

"Aba'y akayin ninyo at maingat na itawid, may problema ba tayo?" pagtataray niya rito.

"Kapitan, hindi naman sa gano'n ngunit delikado. Mahihirapan kami sa laki ng bitak na iyan. Ayos lang sana kung malawak ang pasilyo ngunit sa kitid nito, delikadong itawid siya," kontra ng isa.

Napapikit na lamang ng mariin si Kapitan Aurelio. "Syrena, hindi ka ba talaga puwedeng magkapaa kahit ngayon lang?"

"Paumanhin, Kapitan..." malumanay na saad ng munting sirena.

"Sige, bubuhatin na lang kita—"

"A-Ayos lang po ako. Sa katunayan, mas maayos ang lagay ko rito at hindi naman sila nabibigatan sa akin, hindi ba mga Ginoo?" baling niya sa mga piratang nagbubuhat sa kaniya.

Sabay-sabay na tumango naman ang mga ito. "Hindi namin alam ang ginawa niya pero hindi kami nakararamdam ng pagod. Ang inaalala lamang namin ay baka kami'y matisod o mapatid. Delikado po, Kapitan."

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon