30. Magbago man ang Anyo

54 12 0
                                    

Mabilis na sumisid ang sirenang may pilak na buhok at buntot patungo sa tila walang hanggang kailaliman. Wala itong patid sa kabila ng mga nag-aalpasang luhang humahalo lamang sa tubig-alat. Lumuluha siya, hindi dahil sa sugatang buntot na natamo ngunit dahil sa kaniyang sugatang puso. Pakiramdam niya, siya'y hinihiwa ng paulit-ulit. Hindi niya alam kung bakit gano'n kasakit.

Sa tindi ng pagkalunod sa pighati ay hindi pa nga niya napansin na kanina pa pala nakasunod sa kaniya ang isang malaking pating nang maamoy nito ang halimuyak ng kaniyang dugo. Sa takot ay mas binilisan pa niya ang paglangoy. Ngayong sugatan siya'y hindi siya gano'n kaliksi kung kumilos ngunit sa kabila ng lahat ay nakaya niya naman itong takasan—o baka hindi niya lang batid si Armaya sa kaniyang likuran.

Muli ay nanumbalik na naman sa kaniyang memorya ang lahat. Hindi pa rin niya lubos maisip na sa loob lamang ng ilang araw ay nagkaroon na ng puwang ang isang dayuhan sa puso niya. Sa kabila ng pagwawaglit at pagbabawal niya sa kaniyang sarili ay hindi pa rin niya napigilan ang kaniyang puso na mahulog nang tuluyan dito.

Ni hindi nga niya alam kung ano ang katangian ng taong iyon na naging dahilan kung bakit pati pagtingin niya ay nabihag na rin dito. Hindi niya matanggap ngunit sa kabila ng lahat ay nasasaktan pa rin siya. Ngayon niya naiintindihan ang mga paalala ng kaniyang mga kapatid—ang kakambal 'di umano ng pag-ibig ay siya ring tinatawag na sakit.

Dati nga ay hindi niya maintindihan kung paanong nagkaroon ng sakit sa ngalan ng pag-ibig ngunit ayon sa mga ito, walang sakit kung wala ang pag-ibig—hindi masakit kung walang pag-ibig. Ngayon ay lubusan na niya itong naiintindihan. Siya ay umiibig kaya siya ngayon ay nasasaktan.

Hapong-hapo man dahil sa paglangoy at dahil sa pagkirot ng kaniyang puso ay saka lang siya napanatag nang masilayan ang kumikinang sa unahan kung saan naroroon ang kaniyang tahanan. Malapit na siya at kaunting sisid na lamang – kaunting sisid sa kabila ng sakit dahil sa iniwang minamahal.

Bahagya siyang napatigil bago lumingon, mga mata'y nangungulila at umaasa ngunit agad din siyang sumisid muli papunta sa pinakapusod ng karagatan. Inaasahan na niya ang mga kapatid na naghihintay sa kaniyang pagbabalik.

Alam niyang alam na ng mga ito ang nangyayari lalong-lalo na si Cirafina na nakikita ang lahat gamit lamang ang kaniyang mga mata. Naririnig niya rin ang mga tao kahit pa ang mga nasa utak nila oras na makaapak lang sila sa dalampasigan ng Mors.

Nag-aatubili siyang lumapit sa mga ito lalo na kay Armaya na una niyang sinuway sa pagmamatigas na iligtas ang Kapitan ng mga pirata. Alam niyang galit ito sa kaniya dahil mas pinili niyang iligtas ang isang hamak na tulisan kaysa sa makiisa sa kanilang lahi.

"Syrena," sambit nito sa malumanay na boses bago pumaikot sa kaniya. Sumunod na rin ang tatlo pa, tanda ng pagbati sa kaniyang pagbabalik.

"Mga kapatid..." Puno ng sakit at pangungulila ang boses na iyon.

Mas lalo lamang siyang napaiyak nang yakapin siya ng mga ito. Dito niya napagtanto na kahit talikuran ka man ng buong mundo, pamilya pa rin ang uuwian mo at kahit saktan ka man ng lahat, pamilya lang ang handang yakapin ka sa kabila ng iyong mga pagkukulang.

"Nandito lang kami, Kapatid..." pag-aalo pa ng mga ito sa gitna ng kaniyang pagdadalamhati.

Sa kabila ng katigasan ng kaniyang ulo ay nagawa pa rin siyang tanggapin ng mga ito. Kitang-kita pa niya ang pag-aalala sa mga mata nito nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng kaniyang nagdurugo pa ring buntot. Muli siyang napahikbi nang maalala ang tindi ng dinanas niya habang nasa lupa siya.

"Syrena, gaya ng sabi ko ay kaya mo iyan." Ngumiti sa kaniya si Harfara, ang sirenang may kahel na buntot at ang sirenang pumapangalawa sa pinakamalakas na si Armaya.

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon