Ilang kilometro na rin ang layo ng mga pirata mula sa kuwebang nagsilbing kanilang silungan no'ng mga nagdaang gabi simula nang humayo na sila papunta sa lokasyon ng mga nakatagong kayaman sa Mors. Pagkatapos nilang mananghalian sa ilalim ng kakahuyan ay nagsimula na ulit silang maglakbay. Ngunit, sa kasagsagan ng kanilang pagsuong sa mga talahiban ay may napansin si Demetrio.
Ang kanilang Kapitan kasi ay tila kaaway na naman ang buong mundo. Panay kasi ito kung makabusangot at nang tinanong niya kung bakit, siya pa ang nasungitan at siya rin ang parang may kasalanan kahit na wala naman siyang nagawang hindi maganda.
"Kapitan naman, hindi ako ang kaaway dito," aniya na napakamot pa sa bunbunan.
Mas lalo pang nagmaktol si Kapitan Aurelio. "Sabihin mo nga sa'kin, sinong mas maganda ang buhok? Ang sa akin o iyang kay Tikboy? Sinasabi ko sa iyo, huwag na huwag kang magkakamaling sumagot."
Napalunok ang kanang-kamay matapos ay sumulyap sa kanilang likuran. Nakita niya si Syrena na panay ang paglalaro sa buhok ni Tikboy. Hindi gaya ng dati, ang kahon ng sirena ay wala nang takip kaya malaya itong nakauupo at nakapagmamasid-masid sa paligid. Malaya rin itong nakapaglalaro sa buhok ng binatilyo.
"Ano na Demetrio?" pukaw ni Kapitan Aurelio sa natamemeng kanang-kamay.
"H-Ha? Ah... s-syempre—"
"Sinasabi ko na nga ba! Traydor ka talaga!" Siniko pa nga siya nito.
Napaigik tuloy si Demetrio. "K-Kapitan, wala pa po akong sinasabi. Grabe ka naman sa akin."
Napaingos si Kapitan Aurelio. "Wala pa ba? Sige, ulitin mo mula sa simula."
"Kapitan, hindi naman sa pang-aano—maganda po talaga ang buhok ninyo..." Kamot-kamot na niya ngayon ang kaniyang batok.
Agad na napatango naman si Kapitan Aurelio. "Hindi ba? Ang kapal ng mukha ng Tikboy na iyan na ipalaro kay Syrena ang buhok niya samantalang ang gaspang niyan tingnan."
Kagyat na napatawa ang kanang-kamay. "Gano'n ba? Pero kasi, Kapitan..."
"Pero? Ano? Ano'ng pero?" baling nito sa kaniya.
"Tunay na maganda rin naman talaga ang tipo ng buhok niyang si Tikboy kaya hindi na nakapagtataka pa." Dahil dito ay mas lalo pang nalukot ang mukha ni Kapitan Aurelio.
"Isa lang naman iyang hamak na buhok!" ani Kapitan Aurelio na pilit na ini-ignora ang mga mumunting bungisngis ng nasisiyahang sirena sa mga kuwento ni Tikboy rito.
"Tama... isang hamak na buhok nga lamang." Tumango-tango pa nga si Demetrio na hindi naman maitago ang nakapaskil na ngisi sa kaniyang mga labi.
"Bwisit naman talaga, ang iingay!" Iritableng sinipa nito ang kawawang maliit na bato sa daan na wala namang kinalaman sa inis niya.
Napansin din ni Demetrio ang mabibigat na hakbang ni Kapitan Aurelio na animo'y may bakal sa kaniyang mga sapatos—nagpapapadyak ito na parang bata kasabay ng mga nguso nitong nanghahaba. Idagdag pa ang makakapal at salubong nitong mga kilay.
"Ayos ka lang ba, Kapitan?" tanong niya rito.
"Mukha ba akong ayos, Demetrio? Tingnan mo ako!" asik nito na nagpaatras sa kaniya ng kaunti.
"Huminahon ka nga muna. Napaano ka ba?" usisa niya habang pinagpag ang kaniyang kupas na pantalon.
"Hindi ko na ito kaya!" muling maktol ni Kapitan Aurelio pagkatapos ay hinarap ang naghaharutang sina Syrena at Tikboy.
"Puwede ba, kahit ngayon lang ay manahimik kayong dalawa? Alam niyo bang nag-iisip kaming mabuti nitong si Demetrio? Pagkatapos ay heto kayo't mag-iingay. Istorbo! Hindi kayo nakatutuwa!" Umaalingawngaw na sa buong kapaligiran ang galit nito.
Napaubo ng bahagya si Demetrio. "Ako? Ba't ako nasali riyan?"
"Tumahimik ka!" Kulang na lang ay sakmalin siya ng kaniyang Kapitan.
"Huwag mo nga akong isali sa pagseselos mo riyan, Kapitan. Nananahimik po ako rito." Laging nabibiro ni Demetrio ang malapit na kaibigan at ang kababatang si Kapitan Aurelio ngunit ito pa lamang ang unang beses na tinutukan siya nito ng espada.
"Ano'ng sinabi mo?" Kitang-kita na ang pamumula sa mukha nito ngayon.
"K-Kapitan—"
"Huwag na huwag mo akong sinusubukan, Demetrio!" Unti-unti ay bumabaon sa leeg ng kanang-kamay ang dulo ng matulis na espada nito. Dito na siya napaigik ng bahagya sa awtomatikong hapding lumukob sa kaniya kasabay ng masaganang dugo mula sa namuo niyang sugat.
Nanlalaki ang mga matang napasigaw si Tikboy. "K-Kapitan! Tama na po iyan!"
"Tumahimik ka, bata. Wala kang karapatang magsalita dahil hindi ka naman isa sa amin!" singhal ni Kapitan Aurelio rito.
"Kapitan, tama na iyan. Mapapatay mo siya sa ginagawa mo..." Si Ginoong Bastian iyon sa malumanay ngunit may pagbabantang boses.
Tila wala namang narinig si Kapitan Aurelio dahil nakatitig pa rin ito ng masama sa kaniyang kanang-kamay. "Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang sinisindihan pa lalo ang galit ko."
"Diyos ko! Kapitan, tama na iyan!" Kahit si Ginang Selda ay parang hihimatayin na sa kanilang dalawa.
"P-Patawad..." nahihirapang wika ni Demetrio habang nakataas ang mga kamay.
"Kapitan, tama na iyan. Nakikiusap ako." Si Mamang Aba iyon. "Walang magandang idudulot sa ating paglalakbay ang pag-aaway."
"Akala ko ba kaibigan mo siya? Ang sabi nila malapit kayo sa isa't-isa pero ito lang ang gagawin mo sa kaniya? Kung papatayin mo lang din naman siya, isali mo na rin ako tutal wala na rin namang silbi itong buhay ko!" Boses iyon ni Tikboy na puno ng hinanakit.
Tila nagising naman mula sa pagkakahimbing ang Kapitan at dahan-dahang lumingon kay Tikboy na umiiyak na ngayon sa mga bisig ni Binibining Trina. "Hindi totoo iyan. Hindi patapon ang buhay mo. May pinangakuan ako. Hahanapin natin ang pinsan mo pagkatapos nito."
"G-Ginoo..." Putlang-putla na ngayon si Binibining Trina matapos tingnan ang kahabag-habag na si Demetrio.
Muling napabaling ang Kapitan sa kaniyang kanang-kamay. Nabitawan nito ang hawak-hawak na espada bago napayuko sa hiya. "Paumanhin at naging mapusok ako. Inaako ko ang kasalanan ko..."
"Pambihira!" bulong ng kulot na binata matapos ay napamura pa ng mahina nang makapa ang dumudugong leeg.
"Binibini, ang kuwento ng aking ina'y nakapagpapagaling ka raw ng sugat. Pakiusap, hilumin mo ang sugat niya," pagmamakaawa ni Binibining Trina kay Syrena na kanina pa tahimik.
"Kuya Demetrio!" tawag ni Tikboy sa parang tuod na si Demetrio bago ito pinuntahan at hinila papunta sa kahon ni Syrena.
Tahimik na inabot lang ng sirena ang sugat na gawa ng Kapitan sa leeg ng kanang-kamay nito. Masama ang loob nito dahil kung nakaya nga nitong saktan si Demetrio na mahalaga sa kaniya, paano na lamang ang kasunduan nila pagkatapos nito?
"Ginoo, para sa'yo." Nagising si Demetrio mula sa hipnotismong gawa ng kakaibang enerhiyang pumasok sa kaniyang kaugatan dahil sa boses ni Binibining Trina na nag-alok sa kaniya ng panyong may rosas na burda. "Ipampunas mo po sa dugo na nasa leeg mo."
Nginitian niya ito. "Salamat, Binibini."
"W-Walang ano man..." Yumuko si Binibining Trina na tila nahihiya.
"Salamat din, Binibining Syrena. Hindi ko ito makakalimutan," usal ni Demetrio bago naglakad palayo.
Ngumiti lang si Syrena ngunit mas lumapad pa ito nang maramdamang ginagap ni Binibining Trina ang isa niyang kamay. "Maraming salamat, Binibini."
Masayang hinaplos ng sirena ang mukha ng dalaga. "Napakaganda..."
Pagkatapos ng mga pangyayari ay nagpatuloy ang lahat sa paglalakbay na parang walang nangyari. May kabigatan man ay walang piratang nagreklamo habang buhat-buhat nila ang kahon. Hinayaan na lang din nilang maglaro sa tubig ang sirena at hinayaan na lang din nina Ginang Selda napakialaman nito ang mga buhok nila.
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...