Gaya nga ng inaasahan ay natulog pa rin ng mahimbing ang mayabang na Kapitan sa kabila ng panganib ng bagyo at ng mga parak sa 'di kalayuan. Nang ito'y malaman ni Tikboy, napasipol pa ito na agad na sinaway ni Mamang Aba. Napabuntong-hininga na lamang ang nasabing binatilyo bago ninananaw-nanaw ang kapaligiran.
"Mamang Aba, ganiyan ba talaga siya?" takang tanong ni Tikboy sa matanda na ang tinutukoy ay si Kapitan Aurelio.
Napatawa naman ang matanda bago hinimas-himas ang kaniyang puting balbas na abot na hanggang dibdib. "Masasanay ka rin. Ganiyan na talaga iyan ngunit napapakiusapan din naman. Masyadong nga lamang bilib sa sarili, nagmana sa kaniyang magaling na ama."
"Tutol po ba kayo roon? Sa pagiging bilib sa sarili?"
Napangiti ang matanda buhat dito. "Magandang pahiwatig iyan. Gusto ko ang taong may malakas na loob. Iyong walang takot na magkamali o mahusgahan nang kung sino at hindi naduduwag na humarap sa kahit ano mang pagsubok—tulad na lamang ng aming Kapitan."
Nang marinig iyon ay napasimangot tuloy ang binatilyo. "Ngunit siya po ay mayabang."
"Lahat tayo'y may kayabangang taglay-taglay. Sadyang mas nangingibabaw lamang ang kay Kapitan ngunit siya'y maalalahanin pa rin naman." Bumaling si Mamang Aba sa kausap. "Tandaan mo na ito'y kaniya lamang pantapal sa kung ano talaga ang laman ng kaniyang puso."
"Mamang Aba, iba po ba ang laman ng puso ni Kapitan? Ang sabi kasi ng Tiya ko, laman ng puso nati'y dugo. Ano pala ang sa kaniya?" inosenting usisa ng binatilyo na nagdulot upang mas matawa pa ang matanda.
"Gusto kita at ang kuryusidad mo. Malayo ang mararating mo. Magsumikap kang mabuti at huwag kang tumulad sa amin. Matapang ka rin, isa sa mga bagay na puwede mong gamitin sa makabuluhang bagay. Tungkol naman sa tanong mo, lahat tayo ay pare-pareho ang laman ng puso. Ang ibig ko lang namang tumbukin ay ang kabusilakan ng kalooban."
"Kabusilakan? Paano mo malalaman kung busilak ang puso ng isang tao?" tanong ni Tikboy rito.
Muling hinimas ni Mamang Aba ang kaniyang mahabang balbas. "Pagmasdan mo sila sa mga pagkakataong hindi nila nakukuha ang mga gusto nila. Doon lalabas ang totoong kulay ng isang puso, bata."
Saglit na napaisip naman si Tikboy bago tumango-tango. "Paano mo po malalaman kung may pagmamahal na ibinibigay sa'yo? Ang alam ko lang kasing pagmamahal ay iyong kina Tiya."
"Kung paano ka pagsilbihan ng isang tao. Kung paano ka kakausapin. Kung paano ka pakikisamahan." Tiningnan siya ng matanda. "Nag-aanyo sila sa iba't-ibang bagay subalit iisa pa rin ang kanilang ibig sabihin."
"Eh ang Kapitan ba, nagmamalasakit kaya iyon sa akin? Lagi kaya akong binubulyawan no'n. Buti pa nga si Kuya Demetrio..." himutok nito sa nanghahabang mga nguso.
"Pinagbigyan ka niya. Binihisan, pinakain at higit sa lahat, hindi ka niya ipinahamak. May pagmamalasakit siya. Hindi nga lang siguro niya alam kung paano ipahihiwatig at marahil ay hindi niya rin alam kung paano ka pakikitunguhan. Lumaki siya sa lipon ng mga matatanda. Hindi siya dumaan sa pagkabata sapagkat ninakaw iyon mula sa kaniya."
Napabaling tuloy ang binatilyo sa matanda. "Ninakaw? Ano po'ng ibig ninyong sabihin?"
"Maaga siyang nagkaisip dahil na rin sa kinalak'han niya. Ang kaniyang ama'y isang pirata na nagtatag nitong Carolina, gano'n din ang kaniyang ina na namatay sa labanan noong limang taong gulang pa lamang siya. Maaga siyang namulat sa marahas na mundo. Ang kaniyang pagkabata at kabataan ay hindi niya nakamtan ng lubusan."
Napamaang na lamang si Tikboy. "Kawawa naman pala siya. Pareho kami, maagang nawalan ng ina. Bigla tuloy akong nangulila kina ama't ina."
Ngumiti si Mamang Aba ng wagas. "Isa kang mabuting bata at mapagmahal sa magulang. Matulog ka na..."
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantastikSi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...