19. Ang Pag-ibig

55 13 0
                                    

Pangalawang araw. Pangalawang araw ng pansamantala nilang pagtigil sa kuwebang kanilang tinutuluyan. Gumagabi na naman ngunit mabuti na lang at kaunting kembot ay matatapos na ang kahon ng sirena.

Hindi na sila makapaghintay na makagayak na sa kanilang patutunguhan. Isa pa, hindi sila nakatatagal ng gano'n kalayo sa kanilang mahal na barkong si Carolina, lalong-lalo na ang kanilang Kapitan.

Dahil likas na sa kanila ang maglayag nang maglayag, mas hinahanap-hanap nila ang malansang katubigan kaysa sa sariwang hanging ibinibigay ng kagubatan ngunit dahil sa mayroon silang nais na makamtan, lahat ay susuungin pa rin nila para lamang sa nasabing kayamanan.

Samantala, habang abala ang karamihan sa kani-kanilang mga ginagawa ay abala naman sa pag-uusap at pagtatawanan sina Kapitan Aurelio at ang kaniyang kanang-kamay na si Demetrio sa may batis.

Hindi maaaring iwanang mag-isa si Syrena. Kung may aalis man, maiiwan ang isa sa kanila ngunit ngayon ay maagang natapos ang mga gawain ni Demetrio sa pagmamanman sa mga kasamahan kaya ay nasamahan niya ang kaniyang Kapitan sa pagbabantay sa kanilang bihag.

Wala naman silang ibang bukambibig kung hindi ay ang kayamanan sa Mors. "Biruin mo, may mayaman din naman palang isla? Hiyang-hiya naman akong naglilibot na sa karagatan kahit nasa tiyan pa lamang ako ni ina. Itong walang katao-taong isla ay mas mayaman pa kaysa sa akin."

Natatawang napatango naman si Demetrio. "Siguro, kung hindi ko ito napuntahan at nakita ng sarili kong mga mata, hinding-hindi ako maniniwalang may ganitong klase ng lugar."

"Hindi na ako makapaghintay na makita ang pinaglagakan ng yaman sa islang ito." Tila masayang-masaya pa si Kapitan Aurelio habang pumapapak ng nilagang mani na inihatid kanina ni Ginang Selda.

"Kapitan, hindi mo kami binigo!" Punong-puno naman nang paghanga ang kaniyang kanang-kamay.

"Syempre naman. Kailan ko ba kayo binigo? Nangako ako at kahit na alam kong mapapahiya ako ay alam ko namang hindi!" usal pa nito sa mayabang na boses. "Kaya ikaw, kung dumating ka na sa puntong nagdadalawang-isip ka at gusto mo na lamang umatras sa iyong mga plano... ay huwag."

Napataas-kilay naman ang kulot na lalaki. "At bakit huwag? Walang masamang minsan ay sundin ang nais ng iyong kutob."

"Dahil isa iyong kaduwagan at kahangalan—ang ibig kong sabihin ay ang pagsuko." Inayos pa nito ang suot nitong sumbrero.

"Sumuko man ngunit lumaban naman."

Umiling-iling si Kapitan Aurelio. "Matalo man ngunit alam mo sa sarili mong lumaban ka. Paano mo maipagmamalaking lumaban ka kung ang totoo'y huminto ka at sumuko? Sinasabi ko sa'yo, kahangalan at kaduwagan lamang ang mga iyan."

"Pambihira! Hindi dahil kaduwagang matatawag ay talagang duwag na, gano'n din ang sa kahangalan. Hindi iyon nakababawas sa pagkatao mo. Kung may mga pagkakataong nagdadalawang-isip ka, normal naman yata iyon at kung naduduwag ka man, hindi pa rin naman kahangalang matatawag iyon."

"Ano pala ang tawag sa ganoong tao, Demetrio?" naaaliw na tanong ni Kapitan Aurelio rito.

"Tao. Totoong tao. Nakararamdam, nakapag-iisip. Hindi ba ganiyan idenisenyo ang mga tao sa mundo?" balik ni Demetrio rito.

"Totoong tao? Ibig mo bang sabihin ay may huwad na tao?" Nakangiwing napabaling ang tingin ni Kapitan Aurelio sa sirena na ngayon ay sinasamaan na siya ng tingin. "Ano'ng tawag sa kaniya? Huwad na tao, gano'n?"

Mas sumama pa yata ang timpla ng mukha ng munting sirena matapos marinig iyon mula sa mayabang na Kapitan. Naging itim na din ang dating abo nitong mga mata. Napataas-kamay tuloy si Kapitan Aurelio.

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon