Sa ilalim ng gabi kung saan sumasayaw ang maraming kandila sa paligid ng batis ay maririnig ang tawanan ng dalawang kalalakihan habang naglalaro ito ng sungka. Nariyan din naman si Ginang Selda habang pinapakain si Syrena ng tapang baboy. Kanina kasi ay ayaw pa nito ngunit nang magsimulang kumain ang Ginang ng ilang subo ay sumunod din naman ito agad hanggang sa tila ito ay nasisiyahan na sa pagkain.
May gumamela pa nga ito na nakaipit sa tainga, bigay ni Kapitan Aurelio sa kaniya matapos humingi ng tawad dito. Buhat dito ay muli itong ngumiti at kinausap na muli sina Demetrio at Kapitan Aurelio. Kung siguro ay hindi ito napagsabihan ni Ginang Selda ay wala talaga itong gagawin upang pagaanin ang loob ni Syrena.
"Kumusta? Masarap ba?" usisa ni Ginang Selda rito.
Tumango naman ang munting sirena habang may malapad na mga ngiti. "Masarap. Kakaiba ang lasa. Ngayon lang ako nakatikim nito sa buong buhay ko."
"Gusto mo bang kumain niyan bukas? Sasabihin ko kay Ginoong Berting, magsabi ka lang," singit ni Kapitan Aurelio na ngayon ay nakatitig pa rin sa kaniyang mga bato.
"Maaari ba, Kapitan?" paninigurado ni Syrena.
Tumango naman ang huli. "Bukas ng agahan, iyan ang kakainin mo."
"Basta, huwag ka lang mailang o mahihiya sa amin. Kami ang bahala sa'yo," dagdag pa ni Demetrio.
"Salamat, Ginoo." Nakangiting bumaling naman ang sirena kay Ginang Selda.
"Kain ka lang. Marami pa rito," alok pa nga ng Ginang.
Tumango lang ito ngunit bahagyang napatigil nang makita ang braso nitong may tela na nababahiran ng pulang likido. "May sugat ka ba, Binibining Selda?"
Bahagya tuloy na natawa ang Ginang. "Naku, ito ba? Wala ito. Kanina kasi habang sinusubukan namin ng asawa ko ang mangaso, natisod lamang ako at tumama ang braso ko sa matulis na bato ngunit malayo lang naman ito sa bituka."
"Ngunit namamaga ang braso mo," komento ni Syrena bago mas lumapit pa sa Ginang.
"Huwag kang mag-alala. Gagaling din ito agad," paninigurado ni Ginang Selda nang mapansing nag-aalala ang kausap.
"Maaari ko bang hawakan? Kung ayos lang naman sa iyo..." hinging-permiso nito.
Nagtataka man ngunit tumango na lamang si Ginang Selda bago iniabot ang kaniyang kanang braso sa kaharap. "Binibini, sana'y huwag mo akong hilahin sa ilalim. Maawa ka naman sa akin."
Natawa naman ang munting sirena na tila naaaliw sa bahalang rumehistro sa mukha ng Ginang. "Hindi ako espesyal at sa aming magkakapatid, ako lamang ang walang kapangyarihan kaya marahil iyon din ang dahilan kung bakit naiiba ang trato nila sa akin kumpara sa mga nakatatanda kong kapatid."
"Kung hindi lang ako binigyan ng regalo ng aking kapatid na si Harfara, mananatili lamang akong kung sino man sa mga mata ng lahi ko. Walang nakakikilala sa akin maliban sa ako ang pinakabunso. Saka lang ako hinahanap kung kailan sila naghihirap," dagdag pa nito.
Hinaplos ng Ginang ang mukha ng sirena. "Para sa akin, espesyal ka. Napakaganda mo at mabuti ang puso mo. Maaaring iyon ang nararamdaman mo ngunit tandaan mo na isa kang hiyas."
"Pero isa akong halimaw. Sa mata ng mga tao, naiiba ako at ang naiiba sa inyong lahi ay nakatatakot at ang kinatatakutan ninyo ay pinapaslang niyo rin—wala kayong ipinagkaiba sa amin," pahayag ni Syrena habang tinatanggal ang telang nakatali sa sugat ni Ginang Selda.
"Pinoprotektahan lang natin ang mga dapat na protektahan lalong-lalo na ang ating mga sarili," saad naman ng Ginang.
"Binibini, salamat at mabait ka sa akin. Ipinapangako ko, uuwi kayo ng ligtas ng pamilya mo." Haplos-haplos na ngayon ng sirena ang sugatan niyang braso.
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...