Habang patuloy sa paglalakbay ay bakas na bakas na talaga ang pagod sa mga pirata. Una ay hindi talaga sila sanay na maglakbay nang pangmatagalan at pangalawa ay nangungulila na sila sa samyo ng karagatan. Sa kabila ng pagod ay nagpatuloy pa rin sila ngunit kakarampot na lamang ang kanilang baong pagkain kaya kinailangan na muna nilang magtipid lalo pa't wala rin naman silang tiwala sa mga naririto sa isla.
Laking pasasalamat nga nila nang tumawid ulit sila sa isa na namang makitid na pasilyo dahil pakiramdam nila ay malayo na sila sa nakakikilabot na lawa ng apoy. Hindi na rin gano'n kaalinsangan ang hangin kaya alam nilang kahit papaano, hindi na sila matutupok pa ng apoy kung saka-sakali.
Habang patuloy na naglalakbay ay nagsimula namang magkuwento si Demetrio tungkol sa sirenang nakita niya kanina. Lahat tuloy ng mga mata kanina'y nakatutok kay Syrena. Ayon dito'y isa sa mga kapatid nito ang nagpakita kay Demetrio.
"Siya ang pinakamainitin ang ulo sa amin ngunit madali mang mapatid ang pasensiya nito'y pinakawagas naman ito kung umibig," kuwento pa ni Syrena.
Nang-aasar na bumaling si Ginoong Jose sa kanang-kamay. "Hindi kaya't nabihag mo siya sa iyong kakisigan, Ginoo? Aba, ang tikas kaya ng anyo mo!"
"Tumahimik nga kayo!" Nagmamaktol na lumayo siya habang nangingilabot. Kung isa lang din naman sa mga nilalang na mula sa Mors ang kaniyang tunay na pag-ibig, huwag na lang.
Kunwari'y napaubo naman si Kapitan Aurelio, pigil-pigil ang malawak na mga ngiti. "Ayon sa mapa ay malapit na tayo."
"Kanina pa iyang malapit na iyan, Kapitan. Parang walang hanggang pasilyo na itong ating binabaybay ngayon. May dulo kaya nito?" buntonghininga ni Demetrio na napapakamot.
Muli ay napayakap ito sa sarili nang maalalang nasa kuweba pa rin sila—sa ilalim ng kuweba na hindi niya batid kung ito ba'y may hangganan o pinaglalaruan lamang sila ng mga nilalang na nandirito sa isla.
"Teka lamang... anak ng—"
Laglag ang mga panga nila bente-singko minuto lang ang nakalilipas nang salubungin sila ng panibago na namang yungib. "Yungib sa loob ng yungib?"
Nag-aalangan man ay walang umurong at nagpatuloy lamang sila sa pagsisid pa sa kailaliman. Ang problema naman nila ngayon ay masyadong pailalim ang atake ng daan. Humahangos na ang karamihan sa mga pirata ngunit sa takot na baka masinghalan ng kanilang Kapitan ay nanahimik na lamang sila.
"Kapitan, maaari bang kahit ilang minutong pahinga muna?" desperadong tawag ni Demetrio bago sumalampak sa maalikabok na pasilyo.
Maging si Kapitan Aurelio ay napasunod sa kanang-kamay, hawak-hawak ang dibdib nito. "Kinse minutos..."
"Salamat naman. Ako'y pagod na pagod na. Kawawa naman ang paa ng matanda," wika ni Mamang Aba habang dahan-dahang ding umupo sa maduming lapag.
Sumimangot tuloy si Kapitan Aurelio. "Sinabi ko ba'ng sumama ka? Sinabi ko na sa'yo pagkadaong pa lang natin. Ayaw mo lamang magpaawat sa akin."
Ngumisi tuloy ang matanda. "Kapitan, hindi kita sinisisi at wala akong sinisisi. Ginusto ko ito. Ayos na akong mamatay gayong naranasan ko na ang mga misteryong ito. Babaunin ko ang isang prebilihiyong ito sa aking libingan dahil hindi lahat ng tao ay nakararanas sa tila isang pantasyang panaginip na ito."
Mas sumama pa yata ang timpla ng mukha ni Kapitan Aurelio. "Hindi ka pa mamamatay. Hindi muna sa ngayon. Hindi ka pa puwedeng lumisan. Magsasama pa tayo ng matagal."
"Kapitan, alalahanin mong matanda na ako—"
"Malakas ka pa naman. Kailangan pa kita." Napabaling siya sa kaniyang mga kasamahan. "Sama-sama nating gagawin ito. Uuwi tayong lahat at magsasama pa ng matagal. Kailangan ko pa kayong lahat."
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...