18. Ang Kasunduan

50 13 0
                                    

Kinaumagahan ay maagang gumayak ang mga piratang siyang naging dahilan ng pagkasira sa kahon ng kanilang bihag na sirena upang manguha ng mga karagdagang materyales para kumpunihin ang mga bahaging nasira. Wala silang magawa kung hindi ay sumunod sa utos nina Mamang Aba at Ginang Selda na ngayon ay galit pa rin. Naging dahilan kasi ito ng pagkaantala sa kanilang pupuntahan.

"Hindi tayo maaaring magtagal sa islang ito," ani Mamang Aba sa kaharap na si Ginoong Bastian.

"Alam kong hindi tayo ligtas. May kakaiba sa bawat ihip ng hangin kahit saang bahagi pa tayo magtungo. Tila rin may mga matang nakamasid sa atin. Kinikilabutan ako," pag-amin ng taga-payo.

"Kung may nararamdaman ka palang kakaiba, bakit hindi mo man lang ipinagbigay-alam sa ating pagpupulong kagabi?" tanong ng matanda sa kaniya.

Napabuntong-hininga na lamang ito. "Dahil alam kong ikababahala lang iyon ng lahat. Sa ngayon, ikaw pa lamang ang nasasabihan ko. Kahit si Selda ay wala ring kaalam-alam sa mga nararamdaman kong kakaiba sa lugar na ito."

"Kaya ka ba hindi makatulog kagabi?" usisa ni Mamang Aba rito.

Tumango ito bago tumingin sa malayo. "Paano mo nalaman?"

Tumawa naman ng bahagya ang matanda. "Kanina, pagkatapos ng agahan ay dumulog sa harapan ko si Binibining Trina. Nangangalap yata ng mga kasagutan tungkol sa'yo. Nakita ka raw kasi niyang palihim na pumuslit sa kuweba at doon tumambay sa labas habang bitbit ang iyong lambanog."

Muling napabuntong-hininga si Ginoong Bastian. "Ang totoo, nababahala ako lalo na no'ng makita ko kung paano napalapit si Selda sa sirenang iyon gaya na lang ng pagkahalina ni Trina sa binatilyong si Tikboy. Sa tingin mo ba, hindi sila mga banta?"

"Hindi maiaalis sa atin ang isipin iyan, Ginoo. Subalit, buksan mo pa rin ang puso't isip mo sa mga magagandang posibilidad. Sa tagal ni Tikboy sa grupo natin, tingin ko'y wala naman siyang planong kakaiba at tingin ko rin ay hindi siya galing sa kabila."

Napatango-tango naman ang taga-payo. "Kung sa bagay dahil kung may plano nga siyang kakaiba, matagal na sana niyang ginawa ngunit gaya ng utos ng Kapitan, nakabantay pa rin ako sa bawat kilos ng batang iyon."

Napangisi naman ang matandang kausap nito. "Hindi ka nag-iisa, Ginoo. Tayong lahat ay handang paslangin siya oras na magkamali siya ng hakbang."

"Utos ng Kapitan," saad ni Ginoong Bastian.

"Utos ng Kapitan," pag-uulit naman ni Mamang Aba.

"Paumanhin sa paggambala sa inyong pag-uusap ngunit ipinatawag kayo ng Kapitan sa may batis. May mahalaga kayong malaman," singit ng isa sa kanilang mga kasamahan matapos umalis upang bumalik sa dati nitong ginagawa.

Saglit na nagkatinginan ang dalawa bago nagsimulang pasukin ang kuweba. Tahimik na binaybay nila ang pasilyong madilim gamit lamang ang kanilang mga sulo. Tanging paghinga at mga sapatos lamang nila ang lumilikha ng ingay sa makipot na daan.

Nang marating nila ang munting batis sa loob ng kuweba, nagkaroon na ng natural na sikat ng umaga ang bahaging iyon dulot na rin ng malaking bitak sa ibabaw. Hindi na gaanong madilim ang paligid. Nadatnan nila sa loob sina Kapitan Aurelio, Demetrio, Ginoong Jose, Tikboy, at Ginang Selda habang ang sirena naman ay nakatingin lang sa mga bagong dating.

"Kapitan," halos sabay na wika nilang dalawa.

"Ginoong Bastian, Mamang Aba..." bati nitong pabalik. "Pumarito kayo."

Agad na nagsilapitan naman ang dalawa. "Ano po iyon?"

"Diyos ko!" hindi makapaniwalang bulalas ni Mamang Aba matapos makita ang napakaraming diyamante na tangan-tangan ngayon nina Demetrio at Ginoong Jose sa kani-kanilang mga damit.

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon