7. Ang Mapa

279 33 1
                                    

Panibago na namang kasiyahan ang naganap matapos iwan ng mga pirata ang barko ng mga Amerikano sa gitna ng karagatan—kasama na ang barkong lulan sana ang tulong para sa kaawa-awang Amerikanong Kapitan na sa kasamaang-palad ay hindi rin naman nakaligtas sa mga kamay ni Demetrio. Sunod-sunod ang sipol at inuman ng mga gahamang nilalang. Muli ay nagtagumpay na naman ang kanilang misyon.

"Kumusta ang mga sugatan?" tanong ni Kapitan Aurelio sa kaniyang kanang-kamay.

"Ayon at nagpapahinga muna sila sa kani-kanilang mga silid habang gumagawa ng tsaa si Ginoong Berting. Napainom na rin sila ng gamot ni Tasyong Manggagamot. Magiging mabuti rin ang lagay ng mga iyon," tugon ni Demetrio habang lumalagok ng mamahaling bino.

"Paano ang sugat mo sa balikat?" usisa ng Kapitan na nagbubuga na ngayon ng usok mula sa kaniyang tustos.

Napatawa naman ito ng mahina. "Ah... ayos lang. Nakagagalaw pa rin naman. Natingnan na ito ni Tasyong Manggagamot. Mababaw lang naman at natapalan agad-agad."

"Magaling dahil marami pa tayong bubunuin, Demetrio. Hindi ka maaaring magkasugat nang malala o ang matindi pa'y mamatay. Kapag nagkataon, gagawin kitang pulutan ng mga pating sa ilalim ng dagat," kapagkuwa'y saad ni Kapitan Aurelio.

Napakamot naman ang kanang-kamay. "Ganiyan ka ba magmahal, Kapitan? Hindi na lang sabihing nagmamalasakit ka sa'kin. Pambihira!"

Napahalukipkip naman ang Kapitan at para bang nakakain siya ng mapait na ampalaya. "Anong mahal? Sino'ng mahal? Ang kapal mo naman."

Nagtawanan na lamang silang dalawa habang pinagmamasdan ang mga kasamahan na nagkasisiyahan. "Kapitan, malapit ka nang mag-kuwarenta'y uno. Isang kusing na lamang. Wala ka bang balak na mag-asawa?"

Buhat dito ay napasimagot siya. "Ano'ng asawa? Sa tingin mo, magkakaroon ako sa uri ng kabuhayan natin? Sa tingin mo, naiisip ko pa iyon? Alam mo, pabigat lamang ang mga babae sa buhay ko."

"Kapitan, hindi ka ba naglalayon na magkaroon ng taong magtatanong sa'yo tungkol sa nararamdaman mo? Kung nasasaktan ka ba? Kung ayos ka lang ba? Iyong taong nag-aalala sa'yo at nagpapaalala sa'yong kumain ka na ba? Iyong taong magbibigay sa'yo ng kapayapaan at higit sa lahat, ng anak. Kailangan mo ng tagapagmana. Ayaw mo ba no'n?"

"Iyan. Iyan nga ang problema," ani naman ni Kapitan Aurelio.

Napakunot-noo tuloy ang kanang-kamay. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Kaya nga sabi ko, pabigat. Sa uri ng buhay ko, hindi puwedeng magkaroon ako ng iibigin. Kung dumating man iyon, sana huwag na muna. Alam mo naman ang nangyari noon. Minsan na rin akong umibig pero naisalba ba ng punyetang pag-ibig na 'yan ang nasaktan kong puso?" Marahas na napabuga pa siya ng hangin.

"Pero kasi, Kapitan, hindi mo naiintindihan—"

"Ang alin ba, Demetrio? Na ang pag-ibig ay siyang kalakasan mo at gayon din ang iyong kahinaan? Nauunawaan ko. Isa pa, ayokong mangyaring gamitin ang pag-ibig na iyan upang pabagsakin ulit ako at ang Carolina. Ayokong magkaroon ng pag-ibig ulit kung ang kapalit ay kayo na pamilya ko."

Napabuntong-hininga na lamang ang huli. "Labis ka pa rin bang nasasaktan dahil sa ginawa niya sa iyo?"

"Anong labis? Higit pa ro'n. Ang babaeng iyon—ginamit niya lang ako. Pinagmukha niya akong tanga pagkatapos, ano? Iniwan niya rin at ininsulto ang buo kong pagkatao!" asik niya sa hangin. "Ngunit salamat na rin sa kaniya at natagpuan ko kayo. Salamat din sa mahabagin kong ama at natagpuan ko ang talagang landas ko."

"Masaya ka ba sa amin?" tanong ni Demetrio matapos ang ilang segundong pananahimik.

"Wala akong mapagpipilian kaya ano pa nga ba sa tingin mo?" irap niya.

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon