Gumuguhit ng nakakikilabot na mga kidlat ang kalangitan kasabay ng mga kulog na dumadagundong sa buong katubigan. Dalawang araw nang may bagyo at ang lalaki na rin ng mga nag-aalpasang alon. Kung magpapatuloy pa sila sa paglalayag, baka mapahamak lang sila kaya minabuti nilang tumigil na muna sa isang maliit na isla na halos mga bato lang naman ang naroroon na ipinagpapasalamat naman ng karamihan kahit papaano.
"Kailan kaya titigil ang bagyo? Baka maubusan na tayo ng pagkain bago pa tayo makarating sa isla ng Mors. Hindi tayo puwedeng magutom," panimula ni Demetrio habang lumalagok ng lambanog.
"Titigil din ito. Hindi habang-buhay ay may bagyo," tugon naman ni Kapitan Aurelio habang sumiksik sa kaniyang makapal na kumot.
"Ngunit paano kung aabutin ng ilang araw? Alam natin parehong hindi sasapat ang ating mga naimbak para sa lahat kapag tutuloy na tayo ulit sa paglalayag," giit ni Demetrio. "Hindi tayo mabubuhay sa puro isda lamang. Hindi rin tayo mabubuhay sa tubig alat bilang inumin kung sakaling mauubusan na tayo ng maiinom."
Umingos naman si Kapitan Aurelio. "Maghahanap tayo rito o sa ibang lugar o kaya ay mananambang ng mga mandaragat. Mahirap ba iyon?"
"Kapitan—"
"Bakit mo ba pinoproblema ang mga bagay na madali lang naman solusyunan? Para ka namang bago sa larangang ito. Kung tutuusin, lagi naman nating ginagawa iyon sa ibang barko. Para saan pa't naging pirata tayo?" putol niya sa sasabihin sana nito.
"Mga ginoo, nais niyo ba ng tsaa? Pinabibigay ni Ginoong Berting ang malunggay na tsaa na ginawa niya. Pampa-init daw ng sikmura," biglang sabat ng binatilyo na noong nakaraang tatlong araw lang ay nahuli nilang pumuslit nang palihim sa loob ng Carolina.
Napag-alaman din nilang Tikboy ang pagkakakilanlan nito at isa nang ulila. Nakatira ito sa kaniyang Tiyahin na kaniya ring nilayasan sa pagpupumilit niyang sumama sa mga 'di kilalang pirata na walang kasiguraduhan.
"Ibigay mo sa kaniya. Kailangan niya iyan para mahimasmasan. Maghahanap ba naman ng pagkain sa islang halos bato ang naririto. Ano, magsasabaw tayo ng bato?" turan ni Demetrio kay Kapitan Aurelio na ngayon ay nakasimangot na. Salubong pa ang makakapal nitong mga kilay habang yakap-yakap ang dalawang tuhod.
"Kung pakakainin kaya kita ng nilagang bato at adobong bato nang malaman mo kung sino ang kausap mo!" banta niya rito habang mas sumiksik pa sa kumot dahil sa ginaw. Muli na namang dumagundong at kumidlat ng malakas na halos nagpawala ng ulirat kay Tikboy ngunit hindi siya nagpahalata. Pinili niyang makisali sa usapan ng dalawa.
"Talaga po bang bato ang pinagtatalunan ninyo? Ayaw niyo ng sinabawang dagat na minsan maalat pero kadalasan sobrang alat?" singit ni Tikboy sa dalawa na kapwa tiningnan siya ng masama.
"Lumayas ka sa harapan kong bata ka! Makikita mo talaga ang hinahanap mo!" duro ni Kapitan Aurelio sa kaniya habang sinasamaan pa rin siya ng tingin.
Nakangiting tiningnan naman ni Demetrio si Tikboy. "Alis ka na, bata habang nakangiti pa ako."
Agad na tumalima ang binatilyo. Nagpahabol pa ito ng mga pilyong salita. "Masama na nga ang panahon, masama rin ang timpla ninyo. Mabuti na lang at hindi masama ang mga mukha ninyo."
Napamulagat naman ang dalawa bago nagkatinginan. "Aba't itong batang ito—"
Pinandilatan ng Kapitan ang kanang-kamay. "Ikaw ang may kasalanan. Pinaparamdam mo sa kaniya na tanggap na tangggap siya rito. Ayan at sinusuwag ka na!"
"Bakit ako? Isa pa, hayaan mo na. Bata lang iyan. Pasalamat ka nga at hindi ka sinabihan na masama ang mukha," ngisi ni Demetrio na ikinasimangot muli ng Kapitan.
"Huy! Bumalik ka ritong damuhong ka! Balik!" tawag niya sa nagkukumahog na si Tikboy.
Halos madapa pa ito sa nakausling bato para lang makabalik. "B-Bakit po, Kapitan?"
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasySi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...