Bermuda, 1904
Payapa ang paglalakbay nang isang malaking barko sa malawak na katubigan, gayon pa man ay malakas pa rin ang hanging humahampas sa layag nito habang ito'y kasalukuyan lumalangoy sa silangang bahagi ng karagatan.
Taliwas ito sa dinadaanan ng mga barkong pampasahero patungong kabisera at hindi rin ito ang rutang kadalasang pinapangisdaan ng mga mangingisda. Maganda rin naman ang panahon lalo pa at asul na asul ang kalangitan sa ibabaw at hindi rin naman ganoon kasakit ang sinag ng bilugang araw.
Sa kabilang banda ay maiingay ang mga nakasampa sa loob ng hindi pangkaraniwang barko. Ang naturang barko kasi ay hindi tulad ng karamihan na makikitang pakalat-kalat sa laot. Tila ito ay sinadya talagang inukit at kapalaran nito'y maglayag nang maglayag upang maghanap ng matatambangan.
Parehong puti't itim ang kabuuan ng barkong may pangalang Carolina. Malaki ang naturang barko na kasya ang isang-daan hanggang limang-daang tao. Suot naman ng barko ang simbolo nilang itim na watawat na may puting bungo na nangangahulugang kamatayan at dalawang nakasalansang buto sa unahan upang ipahiwatig ang dala-dala nilang panganib sa sino mang kanilang matambangan.
Sa unang palapag ay abala ang karamihan sa kani-kanilang mga nakatokang gawain. Iilan pa sa kanila ay tulong-tulong na hinihila ang lambat at gayon na lamang ang kanilang pagkadismaya nang makitang muli na kakarampot lamang ang kanilang mga nahuli at kadalasan ay mga maliliit pa. Napailing-iling na lang ang iilan habang inihagis muli ang lambat sa maalat na katubigan.
"Kapag minamalas ka nga naman!" saad ng isang lalaking may manipis na balbas sa baba. "Pandagdag na sana sa rasyon nang sa gayon ay hindi na ganoong matibag ang ating mga imbak."
"Pasasaan ba't baka mamayang gabi, sa kabilugan ng buwan. Alam mo namang natutuwa ang mga isda sa liwanag ng kalikasan," tugon na lamang ng isa habang humihithit na ngayon sa paubos na nitong tustos.
Sa ikalawang palapag naman ay naroroon ang mga naglilinis ng mga sandata, mga nag-iinuman, mga nag-uusap ng mga bagay-bagay, at naglalaro ng sungka habang may tatlo naman sa gilid na tumutugtog ng gitara at lira. Nakikisabay rin ang iilan sa himig ng isang lumang awitin tungkol sa mga manlalayag ngunit ilang saglit lamang ay natigil ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa dahilan upang mamayani ang katahimikan sa Carolina.
Dinig na dinig mula sa 'di kalayuan ang mabibigat na mga yabag na ngayon ay papaakyat na sa kubyerta. Sa bawat hakbang nang nasabing paparating ay yumayagitgit naman ang sahig ng barkong kanilang sinasakyan. Idagdag mo pa ang maiingay na susing nakakabit sa sinturon nito na para bang nagsasaad na siya ay nasa palagid na.
"Ayan na siya! Ayan na siya!" anunsiyo ng isang malusog na babae na may hawak na lumang pamaypay.
"Naku, yari na..." bulong ng kulot na balbasing lalaking may suot na puting damit pang-itaas at kupas na maong na kulay asul—siya si Demetrio, ang tinaguriang kanang-kamay ng Kapitan sa edad na dalawampu't walo.
Humugot muna ito ng malalim na hininga bago nito sinalubong ang bagong dating na si Kapitan Aurelio habang ito'y prenteng papalapit sa isang binatilyong pasaherong hindi nila inaasahan at mas lalo hindi naman nararapat sa Carolina.
Suot-suot ng Kapitan ang nakalolokong mga ngisi—ngising may kasamang ngitngit at pagkuyom ng mga kamao. Bagama't nagpupuyos ang kalooban, pinipilit niyang payapain muna ang sarili. Baka bigla na lang siyang sumabog nang hindi niya namamalayan.
"Ano ba ang balak mo sa batang iyan?" tanong sa kaniya ng kaniyang kanang-kamay na si Demetrio bago tumingin sa binatilyo na kanina pa nababahala.
Ipinikit na lamang ng huli ang mga mata nang lampasan siya ng Kapitan at tuloy-tuloy lang sa paglalakad. Inayos pa nito ang suot-suot na sumbrero bago tumuwid ng tayo. Kaharap na nito ngayon ang nakayukong binatilyo dahil marahil sa pag-aalangan kung may karapatan ba siyang tingnan ang taong nasa harapan niya ngayon.
BINABASA MO ANG
Isla Ng Mors
FantasiSi Kapitan Aurelio ay isang manlalayag na pirata na sumunod sa yapak ng kaniyang namayapa nang ama. Bata pa lamang ay tila hinihikayat na siya ng karagatan. Hindi maikakailang kaalon na niya ang malansang katubigan at gayon na rin ang maalat na hang...