12. Sawing Pag-ibig

47 13 0
                                    

Pagkalipas ng tatlong buwan ay palawig na rin sila nang palawig. Dalawang malalawak na karagatan na rin ang kanilang natawid sa kabila ng iilang mga araw na sumasama ang panahon. Hindi sila nasindak kahit pa palala na nang palala ang kanilang mga pangitain. Mas lumakas tuloy ang kanilang loob na magpatuloy pa kahit ano pa ang gawin ng mga maligno upang takutin sila papalayo sa Mors.

Lumipas ang mga araw, pabigat naman nang pabigat ang mga ulap. Wari mo ay laging masama ang panahon ngunit wala namang nangyayari. Sadyang makakapal lang talaga ang mga ulap sa itaas. Pakiramdam din ng ilan ay tila may kakaiba na talaga habang papalapit na sila sa isla. Tila ba lumalayo na sila sa Pilipinas at parang papasok na sila sa kakaibang mundo.

Mas naging malamig at mabigat pa ang hangin hanggang sa ang makakapal na mga ulap mula sa itaas ay bigla na lamang bumaba. Nababalot na sila ng makakapal na hamog at bawat gabi ay tila sila ay naglalayag sa yelo.

Kung dati'y nakikinita nilang tama ang tinatahak nila dahil sa maliwanag na bituin, ngayon ay kompas na lamang ang nagdidikta sa kanila. Kung dati'y dinadamdam ng kanilang Kapitan ang tubig kung ito ba'y maligamgam, patunay na tama ang kanilang dinadaanan, ngayon ay nakapapaso na ang lamig na dulot nito.

Ang dating asul na karagatan na tinatahak nila'y napalitan ng tila itim o baka sadyang pinaglalaruan lamang sila ng kanilang mga mata ngunit hindi nila ito masyadong iniisip gaya ng payo sa kanila ni Mamang Aba. Aniya'y isa lamang itong panlilinlang para sa kanila.

Samantala, habang nasa isang pribadong silid si Kapitan Aurelio ay nag-iisip siya ng malalim. Muli ay ginagambala siya ng isa na namang babae ngunit sa ngayon ay nakasuot naman ito ng berde, naiiba sa nakasuot ng asul at puting babae.

Ang hanggang baywang na buhok nitong kulot na kulot ay nakalugay sa harapan. Gaya ng dati, wala rin itong mukha. Basta lamang itong nakatayo sa harapan niya. Tila ba nagtititigan silang dalawa. Wala itong ginawang kakaiba ngunit hindi niya maintindihan ang ibig nitong ipahiwatig.

"Ano ba'ng kailangan nila?" bulalas niya sa kaniyang sarili habang pabalik-pabalik sa kaniyang kinaroroonan.

Gabi-gabi ay nagagambala siya sa pagtulog ngunit kahit gaano pa iyon katindi, hindi niya hahayaang mamayani sa kaniya ang takot. Tutuloy at tutuloy pa rin siya kahit na ano man ang mangyari at para sa kaniya, kahit pa ito ay ikasawi ng kaniyang buhay.

"Kapitan! Kapitan!" tawag ng isang pamilyar na boses mula sa labas.

"Ano?" asik niya rito.

"Puwede ko po bang buksan ang pinto?" tanong nito.

Napairap siya. "Buksan mo. Hindi iyan ang magbubukas para sa'yo!"

Nakarinig siya ng mahinang pagtawa bago bumukas ang pinto. Muntikan pa nga itong masubsob sa lapag matapos nitong mapatid ang isang gintong tasa na nasa lapag. Nanlalaki ang mga matang napahinto ang bagong dating nang makitang nakahandusay lamang ang mga mumunting perlas at diyamante sa sahig.

Palibhasa'y ngayon lamang ito nakarating sa silid na iyon. Halos bumulwak na ang mga mata nito sa pagkamangha nang makita ang libo-libong koleksiyon ng Kapitan. Kung paano't nagkaroon ng gintong trono roon ay hindi niya alam.

Sa isip-isip ng bagong dating ay gusto niyang kumuha ng kahit isang supot man lamang ng diyamante pagkatapos ay palihim na lumisan subalit batid niyang hindi gano'n kadali ang mga iyon. Naipilig niya ang ulo. Kailangan pa pala niyang hanapin ang kaniyang nawawalang pinsan.

"Ano'ng kailangan mo, Tikboy?" nakataas-kilay na panimula ni Kapitan Aurelio sa bagong dating.

"Pasensiya na sa istorbo pero pinapunta ako ni Kuya Demetrio rito. May magandang balita akong dala-dala..." pagmamalaki pa nito.

Isla Ng MorsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon