Chapter 11 - Knight in Rusty Armor

473 19 10
                                    

Maia


Bihis na ako at nag-aabang ng taxi sa tapat ng Café Bonita para makauwi, katatapos lang ng shift ko sa araw na iyon. Hindi kami sabay ni Vanessa pauwi dahil sinundo ito ng boyfriend na si Charlie.

"Sama ka na Maia, libre ko naman eh." Sinuyod ako ng tingin mula ulo hanggang paa ng boyfriend ni Vanessa. Alanganin naman ang ngiti ni Vanessa habang nakikinig lang sa sinasabi ng manhid niyang boyfriend tuloy hindi niya nakikita ang makapanindig-balahibong tingin ng katabi nito sa akin.

"Ay hindi na. Date ninyo ito hindi ba?" Ngumiti pa ako sa kanya kahit ang totoo gusto ko siyang ingudngod sa semento. Ano ba namang klaseng boyfriend ito imbes na gustuhing masolo ang kasintahan magbibitbit pa ng third wheel? Ano ako, dekorasyon?

"Okay lang manonood lang naman kami ng sine, di ba babe?" Baling ni Charlie sa kaibigan ko. Tumango lang din si Vanessa pero dahil kaibigan ko siya, alam kong hindi okay sa kanya.

"Salamat na lang pero kailangan ko nang umuwi. Pagod na rin kasi ako." Hindi iyon palusot dahil talagang pagod na ako sa maghapong trabaho. Idagdag pa na para akong tumutulay sa alambre sa maya't-mayang pagbuntot ni ahit-kilay sa akin. May bago ng pangalan ang stress sa bokabularyo ko, Ichiro Kazuya.

Sa awa ni Lord hindi na nagpumilit si Charlie lalo na nang inip na hatakin siya ni Vanessa para sumakay sa tumigil na taxi sa harapan naming tatlo. Apologetic na tinapunan ako ng tingin ni Vanessa pero naintindihan ko naman. Hindi ko lang masabi sa kanya na minamanyak ako sa tingin ng boyfriend niya. Kaya kapag kasama ni Vanessa ang lalaki ay kuntodo-iwas ako. In fairness naman kay Charlie taon na ang binibilang ng relasyon nila ni Vanessa kaya nananatiling nakatikom ang bibig ko. Huwag lang talaga siyang magkakamali dahil matagal nang nangangati ang kamao kong sapakin siya.

Halos tubuan na ako ng ugat sa mga paa sa tagal ng paghihintay ko dito. Madilim na rin ang paligid ngunit kabaliktaran ang Café Bonita dahil maliwanag na maliwanag ito sa ngayon. Simula nang makaalis sina Charlie at Vanessa puro okupado ang mga nagdaang taxi sa harap ko.

"Maia!" narinig kong may tumawag sa akin. Nang lingunin ko ay si Sir Jeff pala, supervisor namin na humahalili kay Sir Kazuya sa gabi.

"Ikaw pala Sir Jeff. Kararating mo lang?" One thousand mega-watt smile ang ipinamalas ko kay Sir Jeff. Mabait kasi ito, hindi gaya ni Sir Kazuya na madalas may sapi.

"Oo, medyo late na nga ako. Nakaalis na ba si Ichiro?" tanong ni Sir Jeff. Automatic ang pagsimangot ko pagkabanggit ni Sir Jeff sa pangalan ni ahit-kilay.

"Siguro. Kaninang alas tres ko pa hindi nakikita eh."

"Ah, baka dumalaw sa Ortigas branch. Nabanggit niya kahapon na kailangan daw niya sumilip doon dahil mahigit isang linggo na siyang hindi nadadalaw." Ewan ko kung bakit parang nagpapaliwanag ang dating ng sinabi ni Sir Jeff. Sa kawalan ng masabi, napatango na lang ako, as if may pakialam ako kung saan nagsusuot si ahit-kilay.

Panibagong paghihintay na naman ang ginawa ko nang iwan na ako ni Sir Jeff para pumasok sa Café Bonita. Sa sobrang ngalay ko ay napaupo na lang ako sa semento, dedma sa mga tingin ng mga taong dumaraan. Pakialam ba nila? Paa ba nila ang nangangalay? Nakailang tayo at upo na rin ako nang mapansin ko ang pagdating ng isang grupo ng maiingay na kalalakihan. Apat sila at naglalaro sa beinte pataas ang mga edad, mukhang nakainom dahil medyo mabuway ang bawat hakbang ng mga ito. Pasimple akong umiwas sa daraanan nila pero huli na dahil nabunggo ako ng isa sa kanila.

"Sorry Miss. Nakaharang ka kasi." Ngising-aso ang bumangga sa akin na agad nagpainit ng bungo ko.

"Kung tinitingnan mo ang dinaraanan mo hindi mo ako mababangga." Inis na sagot ko. Tumigil ang iba pa nitong kasama at pinalibutan nila akong apat. Naalibadbaran ako sa amoy ng umaalingasaw na alak kaya nalukot ang mukha ko.

Road To A Happy EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon