Kabanata 10

1K 41 8
                                    

Veronica

“Bagay na bagay kayo, girl! Patusin mo na kaya at baka maagawan ka pa ng ibang babae riyan,” sulsol nito na para bang hindi ako mapapagalitan sa ideya niya.

Ayokong galitin si Papa.

Umismid ako sa kawalan. “Bawal pa nga ako . . .”

“Sabagay, maghihintay iyon sa iyo kung talagang seryoso siya sa ’yo, Mare,” putol nito sa akin nang mapagtanto ang bagay na iyon.

Ang tanong, e, kaya niya ba talaga akong hintayin hanggang sa makapagtapos ako ng pag-aaral? Bilib na ako sa kaniya kung magagawa niyang maghintay ng ilang taon sa akin nang walang ibang pinapansin na babae. Psh.

Sa huli ay ngumiwi ako sabay padyak at tumigil sa paglalakad para lingunin ito. “Kimmy!” kunwaring palahaw ko na ikinataka nito.

“Bakit?”

“P-Para kasing . . . nagugustuhan ko na ang shy guy na ’yon. Kaso pilit kong pinipigilan ang sarili dahil alam kong hindi pa puwede,” amin ko na nanlulumo.

Tumapat sa akin ang babae sabay alog sa balikat ko. Nanlalaki ang mga mata nito na tila ba hindi makapaniwala. “Hala! Nagugustuhan mo na si Gabriel? O, my gosh! Akala ko habang-buhay kang magiging manhid sa kaniya!” aniyang pagkalakas-lakas kaya napaurong ako. “At saka, girl, puwede ka namang makipagrelasiyon doon! Huwag ka lang magpapahuli sa pamilya mo.”

Talaga naman. Itong babaeng ito talaga, suportado ang mga kagagahan ko sa buhay.

Iwinaksi ko ito at tumawa na lang upang itago ang kabang nararamdaman.

Hindi ako takot gumawa ng kalokohan, pero bakit pagdating kay Gabriel ay kinakabahan ako? Kinakabahan akong makipagrelasiyon sa kaniya.

Hindi na ako umimik. Pagdating namin sa room ay para na namang palengke sa ingay.

“Woo! Almusal ulit!” hiyaw ni Allen pagkaupo ko sa upuan.

Ngumisi ako rito. “Gusto mo?” alok ko rito sabay taas ng kamao. “Sumabog nguso mo?” Sabay halakhak.

Napasimangot naman ito at bumaling na sa harapan.

Ngingiti-ngiti naman ako nang kainin ang sunny side up egg at fried rice. May slice ng orange rin doon. Nakakatuwa ang pagiging thoughtful ng lalaking iyon kaya nahihirapan akong pigilin ang nararamdamang kilig at kasiyahan.

“MARE, sasali ka sa prom?”

Abala ako sa pagliligpit ng mga gamit nang lapitan ako ni Kimmy.

“Oo, ikaw?”

“Siyempre naman, samama ka, e. Kaya dapat mas seryoso na ako ngayong magbawas ng timbang para magkasya sa gown ni Mama. Hu-hu!”

Ngumisi ako rito sabay apir.

“Seryoso na ba talaga ang pagpapapayat mo? Baka naman babanatan mo pa rin ng bandehadong kanin pagkatapos?” paninigurado ko.

Tumango-tango naman ito sabay hatak sa braso ko. Hinila ako nito palabas nang hindi ako nilulubayan sa pagkakayapos sa braso.

“Help mo ’ko, Mare. Sabay tayo mag-glow up at magpa-sexy,” ngusong aniya na ikinatigil ko.

Nilingon ko ito nang nakataas ang isang kilay. “May crush ka, ano?”

“Oo, pinsan ni Gabriel,” walang prenong aniya na ikinaawang ng bibig ko.

Shems! Hulaan ko, si Lucio iyon!

At tama nga ako sa hinala nang ibulong niya sa akin ang pangalan ng lalaking balak niyang gayumahin—este, ng crush niya.

“O, my gagita! Talagang si Lucio? ’Di ba, parang ang awkward niyon minsan? Anyare, girl? Papaano?” kinikilig kong turan at hinila ito papunta sa gilid ng hallway para makausap nang masinsinan.

Caught By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon