Kabanata 15

963 46 7
                                    

Veronica

AYAW kong makipag-usap sa kaniya. Iyan ang sigaw ng isip ko, pero hindi ko nagawang tanggihan nang hawakan niya ako sa braso at pinapasok sa loob ng sasakyan. Para bang bigla akong nawalan ng lakas makipagtalo rito.

Wala kaming imikan sa biyahe. Siya lang din ang nagmamaneho. Halatang-halata pa na bagong-bago ang sasakyan. May ibang parte pa ng sasakyan na nababalutan ng plastik.

Pagkababa ni Kimmy ay hindi muna nito pinaandar ang sasakyan. Sarado ang mga bintana kaya hindi rin kami masilip ng mga kapitbahay kong curious kung kaninong kotse itong napadpad dito.

“Kauuwi ko lang last week. Kabibili ko lang nitong sasakyan at ngayon ko pa lang nagamit kaya pagpasensiyahan mo na kung may mga plastik pa akong hindi natatanggal. I was just too excited to come here,” aniya nang mapansin na nakatingin ako sa mga plastik na balot.

Tumango lang ako at tumingin sa bahay namin habang nakahinto ang sasakyan.

Mabuti pa nga itong sasakyan, napagkakagastusan niya. Unfair naman sa amin.

“How old are you now, Veronica?”

“Eighteen,” tipid kong turan nang hindi lumilingon.

Natahimik naman ito at nang sulyapan ko ay nakatitig na rin pala ito sa bahay na iniwan niya na noon. Walang tao sa bahay dahil naka-lock iyon. Hindi niya pa rin pinapaandar ang sasakyan.

“Saan ba tayo mag-uusap?” putol ko sa pag-iisip nito tungkol sa bahay namin.

Umayos na rin ako ng upo na ikinatikhim naman nito.

“Sorry, may naalala lang ako.” Tila ito nahiya at nagmaneho na.

Sa parke nito inihinto ang sasakyan. Binuksan nito ang bintana sa tabi niya bago huminga nang malalim.

“I’m sorry for taking your time, Veronica. I just want to talk to you.”

“Tungkol saan ba?”

“D-Do you know me?” imbis ay bato nito ng tanong sa akin.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ko bago sumagot. Here we go again.

“Yeah, ikaw lang naman ang dahilan kung bakit kami nagkakaganito, ’di ba?” walang gana kong sagot na siyang ikinatungo nito.

“I’m . . . sorry. I’m so sorry for being a coward, darling,” naluluha nitong sambit at tinangkang hawakan ang kamay ko ngunit daglian kong tinapik ang kaniya.

Pumait na ang lalamunan ko at awtomatikong kinain ng sakit at galit.
 
Pagak akong natawa. “Sorry? Para saan? Para sa pagwasak mo sa puso ni Papa? Para sa pang-iiwan mo sa amin? Sa mga panlalait at pangmamaliit na natatanggap ko sa mga tao dahil sa iyo?” Tumigil ako nang tingnan ko ito nang matalim sa mga mata. Alam kong napapansin na nito ang pagkamuhi sa mga mata ko sa mga oras na iyon, pero wala akong pake. Galit ako. Galit na galit ako sa kaniya! “Sorry para sa lahat ng hirap na pinagdaanan namin mula noong umalis ka? Sorry, kasi habang ’yong asawa mo’t mga anak ay naghihirap, ikaw naman, spoiled na spoiled sa lahat doon sa ibang bansa!”

Hindi ito nakaimik at tahimik lang na napaluha. She looks defenseless. Mukhang kaawa-awa. Nagmukhang siya pa ang biktima.

“Tinitiis ko lahat ng panghahamak ng mga tao sa akin—sa pamilya namin. Iyong issue mo, ikinakabit nila sa akin. Kesyo nagmana kuno ako sa iyo. Si Papa, bihira lang magsabi sa akin ng nararamdaman niya pero alam kong hanggang ngayon, nalulunod pa rin siya sa sakit na idinulot mo. Napariwara na siya, kasi ’yong taong dapat na nakakasama niya ngayon sa hirap at ginhawa, nagpapakasaya sa buhay mag-isa. Tapos may gana ka pang magtanong kung kumusta na ang tatay ko kagabi?”

Caught By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon