Kabanata 27

1.2K 52 9
                                    

Veronica

Ginamit ko ang bagong biling kotse ni Gabriel na regalo niya sa akin noong kaarawan ko. Iyong kotse na ipinuputok ng butsi ng nanay niya kagabi.

Ilang sandali lang nang makarating din kami sa bahay. Napangiti pa ako nang mapansin si Kimmy at Lucio sa tapat ng bahay ng aking kaibigan. Mukhang kararating lang din.

’Di ko lang masiyadong nakikita sina Josiah at Kian dahil pamilyado na rin ang mga iyon at nasa kung saang lupalop na. 

“Bro!” ngiting ani Gabriel sa pinsan niyang nag-thumbs up bilang tugon.

Napangiti rin ako at kinawayan si Kimmy na mukhang magluluto na naman dahil sa mga bitbit nito.

Pagpasok ko sa bahay ay wala akong naabutang kambal. Si Papa lang na abala naman sa panonood ng telebisyon habang nagkakape.

Wala na ang alalay nito dahil medyo umu-okay na ang lagay nito. Isa pa, naririto na rin naman ang mga kapatid ko.

“’Tay? Nasaan ang dalawa?”

Nilingon ako nito at agad na pinatay ang telebisyon pagkakita kay Arkanghel at Thanatos.

“Mga apo kong guwapo!” tuwang-tuwang anito at nauna pang pansinin ang mga apo niya kaysa sa akin na anak niya.

Napanguso tuloy ako. Nang mabuhat niya ang mga iyon ay saka niya lang ako binalingan.

“’Di ko alam sa dalawang itlog na ’yon. May pupuntahan daw.”

Napakibit-balikat ako sa narinig.

Naupo ako sa sofa namin na ikinangiti ko. Wala na iyong matigas na kawayang upuan namin at napalitan na. Nakaputing pintura na rin ang sementadong pader na dati ay de plywood lang. At ang sahig na sira-sira noon, de tiles na. Ang puti-puti. Ang aliwalas na ng bahay.

Nang gabi ring iyon ay naghanda ng inuman ang mga kalalakihan dahil may isang may birthday sa Tropang Adonis. Kasama nila sina Lucio’t Gabriel. Bumiyahe pa papunta rito si Tito Steve para lang maka-bonding ang mga tropa niya.

Pero wala pa rin ang kambal. Nasaan na kaya ang mga iyon? Buong araw ang nilakad nila?

Ang kani-kaninang mga taong iniisip ko ay bigla na lang lumitaw sa back door.

Nawindang agad ako at napanganga, hindi dahil sa pagdating nila, kundi dahil sa mga taong buhat-buhat nila.

Natulala na lang ako at hindi nakapagsalita sa sobrang gulat. Litong tiningnan ko ang dalawa ngunit sinenyasan lang ako ni Kuya Damian na umakyat sa itaas.

Hindi ko pa nakuhang umalis sa kinatatayuan ko. Kung hindi pa nila ako nilampasan para umakyat sa bagong gawang ikalawang palapag ng bahay ay hindi pa ako matatauhan.

Sa nangangatog na mga binti ay nagtungo ako sa labas para pukawin si Papa na napansin kong umiinom ng alak nang pasimple. Naibaba lang nito iyon pagkakita sa akin.

Halata siguro nito ang pagkaputla ng mukha ko nang ayain ko sa itaas kaya napasunod ito. Kunot na kunot ang noo. Ni hindi ko na nga nagawang sitahin ito.

“Bakit? Ano ba ang nangyari?”

Nangatal ang mga labi ko. Gulong-gulo ang isip ko kasabay ng malalakas na kabog ng dibdib ko dahil sa kaba.

Bakit nila dinala ang babaeng iyon dito? Paano kung balikan na naman kami ng tauhan ng nanay niyon?

Sinapo ko ang pisngi habang nagmamadaling umakyat. “U-Umuwi na sila, Pa.”

“Oh, e, ano naman ang problema roon?” Salubong ang mga kilay nito na naguguluhan din.

Marahas tuloy akong napalunok bago ito lingunin. “S-Si Mama . . .”

Caught By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon