Caught by Love

4.7K 95 18
                                    

Veronica

“Hoy, wala akong raket ngayon. Baka puwede mo akong tulungan, ungas?”

Nilingon naman ako ng puro tattoo na babaeng kapitbahay slash takbuhan kapag sa mga ganitong raket ang usapan.

Hindi ito nagsalita agad at humithit muna ng yosi bago ako tapunan ng tingin.

“Makaungas ka, a,” anang babaeng patpat ang katawan. Sobrang payat, may sakit pa sa baga. “Alam kong gipit ka rin, kaya lang wala akong maibibigay sa iyo na raket ngayon. Wala pang naghahanap ng tauhan.”

Nanlumo agad ako sa narinig. Ngayon pa lang ay inaatake na ako ng panghihina. Barya na lang ang natira sa pera ko dahil ipinambili ko ng gamot ni Tatay kanina sa drug store.

“Ah! Kung papayag ka na raw pala, nandiyan lang si Bogart na naghihintay. Madatung iyon! Nakadali sa bebot niya kahapon. Tiyak bibigyan ka!” Gumuhit ang ngisi sa labi nito nang banggitin iyon.

Nangapal ang batok ko at agad na nandiri. No way! Kupal si Bogart, ayoko roon. Palaging amoy higaan, lakas pa mambabae.

Nakasimangot akong umalis sa tapat ni Osang matapos magpaalam. Diretso ako sa bahay namin na walang katao-tao. Sinalubong ako ng mga anak ni Rosalinda na sina Rossie, Rosa, at Rose. Tuluyan na itong nagpaampon sa akin, pati mga anak niya ay hindi ko na natanggihan dahil kawawa naman.  Nangunsumi ako noon dahil ayokong dumami nang dumami sila kaya noong mabalitaan ko na may libreng kapon daw sa mga pusa, dinala ko silang lahat doon ilang taon na ang nakararaan.

“Babies ko!” magiliw kong sigaw at pinagbubuhat ang mga matatanda nang pusa. Tatlo na lang silang mga anak ni Rosalinda na natira sa akin. Pumanaw ang iba, at si Rosalinda ay tuluyan na ring pumanaw noong nakaraang taon sa hindi ko malamang dahilan. Basta ko na lang naabutan na wala na siyang buhay sa maliit kong kuwarto.

“Gutom na ba kayo? Sorry, wala pang pera si Mommy, e,” kausap ko sa mga ito habang patungo sa kusina.

Padilim na sa labas pero wala pa rin si Tatay. Tiyak na iba na naman ang inaasikaso nito sa labas kasama ang mga kumpare niya.

Meow, meow!

“Halaaa!” bulalas ko at pinakatitigan si Rossie. Inilapit ko ang tainga sa tiyan nito nang marinig iyon na kumukulo. “Gutom na nga! Sorry, sorry!” Ibinaba ko ang mga ito na nakasampa sa balikat ko bago tumakbo palabas.

Dali-dali akong bumili ng pagkain ng pusa sa kalapit na tindahan kahit gipit na gipit, sabay bili na rin ng tuyo at itlog para pang-ulam ko mamaya at ni Tatay.

“Mga alaga mo lang ang tumataba sa inyo, a,” biro ni Aling Linda nang mapansin ang slim kong katawan. Ito ang may-ari ng tindahan ng mga pagkain at supplies para sa mga hayop. 

Tinawanan ko lang ito bago umuwi. Sa bahay ay naabutan ko si Tatay na nakauwi na pala. Bagsak ito sa kawayang upuan at naghihihilik na. Napakamot tuloy ako ng ulo bago maghanda ng hapunan namin. Mukhang hindi na makakapaghapunan si Tatay dahil bagsak na ito sa kalasingan. Wala namang bago. Sinisira niya pa rin ang katawan niya.

Sa gabing iyon ay mag-isa lang akong kumain sa maliit na mesa. Lalo lang iyong lumiit simula nang mawala rito ang dalawa kong kuya. Kahit naman batugan ang mga iyon at sakit sa ulo ay nami-miss ko pa rin sila at ang ingay nila. Kaya lang, wala akong magawa.

Iniwan na nga ako ng mga kuya ko, iniwan pa ako ni Rosalinda na saksi sa mga pinagdaanan ko simula noong senior high ako. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na aalagaan ko nang lubos ang mga naiwan sa akin na mga anak ni Rosalinda at poprotektahan. Ayokong mawalan ulit ng mahal sa buhay sa bahay na ito, ayokong maging mag-isa ulit sa pakiramdam.

Caught By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon